Inday TrendingInday Trending
Ang Tatay kong Masikap

Ang Tatay kong Masikap

“Tay, tara na po. Hatinggabi na, wala na rin naman pong halos dumadaan. Umuwi na tayo para makapagpahinga po kayo,” wika ni Jopet habang gingising ang kaniyang amang si Mang Ronaldo.

Nagtitinda ng noodles o “maming gala” si Mang Ronaldo sa gilid ng kalsada. Maaga pa lamang ay naroon na siya upang mabilis maubos ang kaniyang tinda. Umulan o umaraw ay palaging naroon ang ginoo upang magbenta. Ngunit may mga araw talaga na matumal ang daan ng mga tao kaya kakaunti lamang ang kumakain ng kaniyang noodles. Minsan pa nga ay may mga pagkakataon na inaabutan na siya ng hatinggabi sa kalsada para lamang maubos ang kaniyang tinda. Si Mang Ronaldo na lamang kasi ang tumitingin sa kaniyang nag-iisang anak na si Jopet mula ng yumao ang kaniyang asawa mula sa karamdaman.

“Anak, ikaw pala ‘yan,” gulat ni Mang Ronaldo ng magising. “Hindi naman ako natutulog, anak, pinapahinga ko lamang itong mga mata ko,” dagdag pa ng ama.

Natawa ang binata sa sinabi ng kanyang ama. “Kayo talaga, ‘tay, kanina ko pa nga kayo ginigising diyan. Ang lakas pa nga po ng hilik ninyo!” biro ng binata. “Tay, hindi ba sabi ko sa inyo h’wag na po kayong magtitinda ng hanggang ganitong oras. Halos wala na po kayong itinutulog, ‘tay,” sambit ni Jopet.

“Alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa, ‘di ba, anak? Gusto namin ng nanay mo na makatapos ka ng pag-aaral. Ayos lang na mahirapan ako, anak, basta ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral mo para maging maganda ang kinbukasan mo. H’wag mo akong intindihin at mas malakas pa ang tatay mo sa kalabaw!” wika ni Mang Ronaldo.

Lingid sa kaalaman ni Mang Ronaldo ay medyo nahihirapan na rin ang binata sa kaniyang pag-aaral. Maraming beses na rin na inisip nito ang huminto na lamang at talikuran ang kaniyang pangarap na magpalipad ng eroplano.

“Tay, kung hindi ninyo naman na po kaya ay hihinto na lamang ako sa pag-aaral nang sa gayon ay makapagtrabaho na ako at matulungan ko na rin kayo. Hindi na po kasi tama na sa edad ninyo ay nasa kalsada pa kayo. Mas malakas ang pangangatawan ko sa inyo kaya dapat ako po ang nagtatrabaho,” sambit pa ng anak.

“Gusto ko ay mag-aral ka, anak. Saka hindi naman ganoon kalaki ang gastusin natin diyan sa pag-aaral mo. Salamat na lamang sa talino mo at nakakuha ka sa iskolarship. Hindi ka hihinto hanggang hindi ka natatapos sa pagpipiloto mo. Tatlong buwan na lang, anak! Pasasaan ba at matutupad mo na rin iyang pinapangarap mo,” wika ni Mang Ronaldo.

Habang nakasakay sa karitong de bisikleta pauwi sa kanilang bahay ay patuloy ang kanilang pagkukwentuhan. Nang makauwi ay agad nagpahinga si Mang Ronaldo sapagkat maaga pa siyang gigising upang maghanda ng kanilang ititinda.

Kinabukasan ay maagang naubos ang mga paninda ni Mang Ronaldo. Tuwang tuwa siyang nagligpit ng kaniyang mga kagamitan upang agad makauwi. Habang isinasalansan ang mga ilang gamit ay nakaramdam si Mang Ronaldo ng paninikip ng kaniyang dibdib. Bigla na lamang itong bumulagta sa kalsada!

Buti na lamang ay mga mga nagmagandang loob sa kaniya. Agad siyang dinala sa ospital at doon ay agad siyang inasikaso. Nang malaman ito ng kaniyang anak ay lubusan ang pag-aalala nito.

“’Tay, sabi ko naman sa inyo ay h’wag na kayong tumuloy sa pagtitinda kung masama ang pakiramdam ninyo,” wika ni Jopet.

“Wala ito, anak. Nainitan lang siguro ako. Kaunting pahinga lang ito at magiging maayos na ulit ako kaya ‘wag ka nang mag-alala pa riyan,” tugon naman ni Mang Ronaldo.

Lalong tumindi ang pag-aasam ni Jopet na huminto na muna ng pag-aaral at tulungan ang amang may karamdaman. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa ama ang kaniyang desisyon kaya kumukuha ito ng tiyempo.

Ilang araw din na nagpahinga si Mang Ronaldo sa kanilang bahay. Ang mahigpit na bilin ng doktor ay huwag na muna itong magtinda sa ilalim ng init ng araw at ipahinga na lamang ang kanyang katawan. Ngunit kahit anong pigil sa kaniya ay patuloy pa rin sa pagtitinda itong si Mang Ronaldo. Muli siyang nagtungo sa kaniyang puwesto upang magtinda ng mami. Hindi niya ininda ang pagod at init. Ilang sandali pa ay nasipat ni Jopet ang kaniyang ama.

“Tay, bakit ho kayo narito?” pagkabigla ng binata. “Hindi ho ba dapat nasa bahay kayo at nagpapahinga. Mariing bilin sa inyo ng doktor na huwag ninyong abusuhin ang katawan ninyo. Umuwi na po tayo sa bahay para makapagpahinga kayo,” pag-aalala ni Jopet sa ama.

“Hindi ba sabi ko sa’yo ay mas malakas pa ako sa kalabaw? Magaling na ako. Maayos na ang pakiramdam ko h’wag mo akong alalalahanin. Ang atupagin mo ay iyang pag-aaral mo,” sambit niya. “Kumain ka na ba?” tanong ni Mang Ronaldo sa kaniyang anak. “Gusto mo ba ng mami. Eto, kumain ka muna rito,” alok niya.

Dahil sa ipinapakitang sipag ng kaniyang ama sa kabila ng kondisyon nito ay nagkaroon ng inspirasyon si Jopet na pagbutihin at huwag isuko ang kaniyang pag-aaral. Kahit na nahihirapan siya ay ginalingan niya. Lagi niyang iniisip ang mga sakripisyo ng kaniyang ama. Hindi nagtagal ay nairaos ni Jopet ang kaniyang pag-aaral at tuluyan na siyang makakapagtapos.

Sa araw ng kaniyang graduation ay hindi alam ni Mang Ronaldo na tatanggap pala si Jopet ng karangalan. Tinawag ang binata sa entablado at doon niya ipinahayag ang kaniyang talumpati. Ibinahagi niya ang kaniyang kuwento at kung paano niya napagtagumpayan ang lahat ng ito. Sa gitna ng kaniyang pagtatalumpati ay tinawag niya ang kaniyang ama upang umakyat din sa entablado.

“Ito po ang aking ama na si Ginoong Ronaldo Cruz, isang tindero ng mami. Ang sabi ng lahat sa akin ay dapat lamang na makatanggal ako ng ganitong paranngal dahil sa sipag ko sa pag-aaral. Ngunit nais ko pong sabihin sa inyong lahat na ang sipag na ipinakita ko sa pag-aaral ay wala sa kalinkingan ng sipag at pagsisikap ng aking ama upang maitawid lamang ang aking mga pangangailangan. Dahil diyan, sa tingin ko po ay mas karapat-dapat siya sa parangal na ito,” wika ni Jopet habang isinusuot kay Mang Ronaldo ang kaniyang medalya.

“Tay, walang hanggang pasasalamat po sa buhay at inspirasyon na dala ninyo sa akin. Masuwerte po ako na kayo ang naging tatay ko. Hindi po ninyo alam kung gaano kadaming besses ko na pong nais sumuko ngunit dahil sa ipinakikita ninyong tapang na lumaban ay nagawa kong paghusayan sa aking larangan. Maraming salamat po, ‘tay. Ngayon po ay may piloto na po kayo,” sambit ng binata sa kaniyang ama sabay sakap dito.

Dahil sa malaking surpresa na ginawang ito ng binata ay hindi naiwasan ni Mang Ronaldo na tumulo ang kaniyang luha sa saya. Hindi niya alam na malaki pala ang naging epekto ng kaniyang pagsusumikap sa binata. Bilang isang ama ay naging ehemplo si Mang Ronaldo sa kaniyang anak na magtiyaga at lumaban sa hamon ng buhay.

Nang tuluyan nang naging piloto ang binata ay hindi na kinailangan pa ni Mang Ronaldo na magtinda ng mami sa kalsada kahit pa iginigiit nito. Binigyan ni Jopet ang kaniyang ama ng maunlad na pamumuhay bilang pasasalamat sa lahat ng mga nagawa ni Mang Ronaldo.

Advertisement