Isang batilyo sa isang fishport sa Malabon itong si Mang Crisanto. Alas siyete pa lamang ay nag-aayus na ito upang hindi mahuli sa kaniyang trabaho. Katuwang niyang bumubuhay sa kanilang pamilya ang kaniyang asawang si Azon na isang manikurista.
Matiyaga silang nagsisikap upang maitawid ang pag-aaral ng kanilang dalawang anak. Ang bunso nila ay nasa elementarya pa lamang samantalang malapit nang magtapos ang panganay nilang anak na si Amanda na nasa ikaapat na taon na ng kolehiyo.
Dahil dito ay nag-iipon na si Mang Crisanto na gagamiting amerikana para sa pagtatapos ng anak. Inihuhulog ng ginoo ang kaniyang mga ekstrang barya sa isang gamit na bote ng mineral water pagkauwi mula sa kaniyang trabaho.
“Nakatitig ka na naman riyan sa alkansya mo, Crisanto,” wika ni Aling Azon sa kaniyang asawa.
“Natutuwa lamang ako, Azon, at malapit nang mapuno ang alkansya ko. Mabibili ko na ang ameikana na gagamitin ko para sa pagtatapos ng anak mo. Alam mo namang matagal ko na ‘yung hinihintay. Gusto ko ay maging maayos ang aking itsura sa graduation ni Amanda,” tugon ni Mang Crisanto.
“Noong isang araw nga napadaan ako sa bayan. Nakakita ako ng mga amerikana. Hindi ko maiwasan na isipin ang aking sarili na nakasuot non. Aba ay parang ang gwapo ko at bagay na bagay sa akin,” biro pa ng ginoo.
“Puro ka talaga kalokohan. O siya, kumain ka na muna bago ka umalis. Tutal alas siyete pa lamang. Alas diyes pa ang bagsakan ng isda, hindi ba?” tanong ng ginang.
“Mas mabuti na ‘yung maaga ako doon, Azon. Mas mainam na bago pa lamang dumating ang trak ay naroroon na ako para mas malaki ang kitain ko. Saka inaantabayanan ko palagi ang aking boss. Nakakahingi kasi ako sa kaniya kahit paano ng ipang-uulam natin. Aba, kung makaktipid tayo doon ay mas madali akong makakapag ipon para sa amerikana ko!” natatawang sambit ni Mang Crisanto.
“O siya, umalis ka na! Puro na lamang ‘yang amerikana mo ang iniisip mo,” natatawang sambit ni Aling Azon.
Lingid sa kaalaman ng dalawa ay hindi na pumapasok sa eskwela itong si Amanda. Umaalis na lamang ito at humihingi ng baon. Kasama niya palagi ang kaniyang mga barkadang nag impluwesiya sa kaniya upang magbulakbol.
Gabi na ay nasa galaan pa rin ang dalaga. Umiinom ito kasama ang kaniyang mga kaibigan. Ang alam ng kaniyang mga magulang ay abala ito sa paggawa niya ng thesis.
“Alam na ba sa inyo na hindi ka makakagraduate ngayong taon?” sambit ng kaibigan ni Amanda.
“Naku, walang alam ang mga magulang ko. Ang alam nila ay magtatapos ang kanilang pinakamamahal na panganay,” tugon niya.
“Bahala sila na umasa. Napapagod na akong mag-aral. Una hindi ko naman talaga gusto ang kinuha kong kurso. Pinilit lang naman ako talaga ni nanay. Saka nabuburyo na ako sa buhay ko na puro pag-aaral na lang ang inaatupag. Gusto ko ng kalayaan sa buhay!” sambit ni Amanda sabay inom ng alak.
“Makikitulog pala ako sa inyo ngayon. Baka maamoy nila ako at malaman nilang nag-inom lang ako ng alak buong gabi!” dagdag pa niya.
Alas siyete na ng umaga nang makauwi si Mang Crisanto sa kanilang bahay. Pagkauwi ay agad niyang tinipon ang kaniyang mga barya upang ihulog sa kaniyang alkansiya.
“Alam mo, Azon, sa tingin ko ay sasapat na ang perang ito para sa amerikana na pinag-iipunan ko. Sa isang Linggo ay bumili na rin kayo ng damit ng anak mo ha. Ibagay ninyo sa maganda kong kasuotan. Dapat ay kagalang-galang tayo sa araw ng pagtatapos ng anak natin. Hindi na ako makapaghintay. Sa wakas ay napatapos na rin natin si Amanda sa pag-aaral,” galak na galak na wika ni Mang Crisanto.
Ilang sandali pa ay dumating na rin ang kaniyang anak.
“Inumaga ka na naman diyan sa thesis mo, anak, kailan ba ‘yan matatapos?” sambit ni Mang Crisanto. “Pinag-uusapan kasi namin ng nanay mo ang araw ng graduation mo. Nasasabik na kaming makita kang umaakyat sa entablado habang tangan mo ang diploma mo,” wika pa ng ama.
“Malapit na po, ‘tay,” tila nayayamot na tugon ng anak. “Sige po, matutulog na po muna ako at sobrang nakakapanghina ang pag-aaral na ginawa namin buong gabi,” pagsisinungaling naman ng dalaga.
Isang araw habang naamalengke si Aling Azon ay nakasalubong niya ang isang ginang na nanay ng isang kaklase ni Amanda.
“Azon, naku nakakapanghinayang naman ang anak mo,” bungad nito sa ginang.
“Ha? Bakit naman nakakapanghinayang?” nagtatakang tugon ni Aling Azon.
“Kinuwento kasi sa akin ng anak ko na hindi pala makakapagtapos si Amanda dahil marami siyang bagsak na asignatura. Nasa kalagitnaan na nga daw ng klase nang tumigil na ito sa pagpasok,” pahayag ng babae. Lubusang ikinabigla ito ni Aling Azon.
Sa kaniyang galit at dali-dali siyang umuwi ng bahay.
“Amanda! AMANDA!” sigaw niya. “Ano ‘tong nakarating sa aking balita na hindi ka na pala pumapasok sa eskwela? Saan ka nagpupunta tuwing umaalis ka rito?” halos mapatid ang litid ni Aling Azon sa galit sa anak.
“Ayoko naman na talagang mag-aral, e! Kayo lamang ang mapilit,” pabalang pang sagot ni Amanda.
“Kaya mo nagawang lokohin kami ng ama mo?! Walanghiya kang bata ka!” patuloy sa pagsigaw ang ginang.
Dahil sa sigawan ng mag-ina ay nagising si Mang Crisanto. “Anong ingay ‘to? Bakit kayo nagsisigawan?” pagtataka ng ginoo.
“Iyang anak mo! Ubod ng sinungaling. Hindi na pala pumapasok ‘yan sa eskwela. Kung makaasta pa rito ay pagod na pagod sa pag-aaral. Matagal na tayong niloloko niyan, Crisanto!” galit na wika ni Aling Azon.
“Totoo ba ito, anak? Matagal ka nang hindi pumapasok sa ekwela? Ang ibig bang sabihin nito ay hindi ka na makakapagtapos sa pag-aaral? Bakit mo nagawa sa amin ito ng nanay mo?” sunod-sunod na tanong ni Mang Crisanto.
“Hindi ko naman sinabi sa inyo na pag-aralin ninyo ako sa kolehiyo. Kayo lamang itong mapilit. Ngayong hindi kinaya ng utak ko ay gaganiyanin ninyo ako?” pabalang na tugon ng dalaga sabay alis sa kanilang tahanan.
Lubusang sumama ang kalooban ni Mang Crisanto. Napatingin na lamang siya sa kaniyang alkasya. Kahit na matinding pagkadismaya ang kaniyang naramdaman ay wala nang nagawa pa ang ginoo kundi tanggapin na lamang ang nagawa ng kaniyang anak.
Nagpatuloy sa pagiging batilyo si Mang Crisanto. Isang araw habang nagbubuhat ng mga banyera ng isda ang ginoo ay nakaasidente ito. Hindi sinasadya na nagkamali ito ng tapak at nadulas. Nang madala sa ospital ang ginoo ay paralisado na ito at dahil sa mga kumplikasyon ay tuluyang lumala ang kondisyon ni Mang Crisanto at tuluyan na siyang yumao.
Matinding kalungkutan ang naramdaman ng kaniyang pamilya sa sinapit ng kanilang haligi ng tahanan. Habang iniaayos ni Aling Azon at Amanda ang mga natitirang gamit ni Mang Crisanto ay nakita nila sa bandang likod ng kaniyang apardor ang alkansya nito. Lalo silang lumuha nang maalala kung ano ang pinag-iipunan noon ng ginoo.
Napayakap na lamang si Amanda sa lubusang pagsisisi sa lahat ng kaniyang nagawa. Sa kabila ng pagsusumikap ng ama ay hindi man lamang niya nagawang paligayahin ito sa pagtupad ng pangarap niyang magsuot ng amerikana sa araw ng pagtatapos ng anak. Ni hindi man lamang niya nabigyan ito ng karangalan hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay.
Binuksan nila ang alkansya ni Mang Crisanto at ibinili ang pera na nalikom niya ng kaniyang pinakanais na amerikana. Isinuot nila ito sa ginoo para sa burol nito. Habang nakatitig siAmanda sa kaniyang ama na nasa loob ng kabaong ay hindi niya maiwasan ang lumuha ng lubusan.
“Patawarin ninyo ako, itay. Binigo ko kayo. Tama nga kayo, ang amerikana na iyan,” sambit ng dalaga.
Labis ang pagsisisi niya na sa ganitong paraan pa matutupad ni Mang Crisanto ang kaniyang pangarap. Ipinangako ni Amanda sa kaniyang sarili na babalik siya sa pag-aaral at sa pagkakataon na iyon ay hindi na niya bibiguin pa ang kaniyang mga magulang. Naging aral sa dalaga ang mapait na sinapit ng kaniyang ama.