Malamyos na musika ang maririnig sa paligid. Magagaling ang mga violinist na nirentahan ng nag-organisa ng pagtitipon. Maganda ang ayos ng paligid. Elegante ang pagkakaayos ng mesa at upuan na nababalutan ng kulay na gintong tela.
Mayroong mga sariwang bulaklak na nakalagay sa bawat vase na nakapatong sa mga mesa.
Makikita ang mga waiter at waitress na nagbibigay ng iba’t-ibang klase ng wine sa mga bisita.
“President!” Narinig niya ang pagtawag ng isang babae.
Paglingon niya ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha. Tumanda ang mukha nito ngunit mababanaag pa din ang kagandahan ng babae.
“Lourdes Garcia!” Tawag niya dito.
Nakangiting naglakad papalapit sa kanya ang babae at nakipagbeso-beso sa kanya.
Tinawag siya nitong “president” dahil siya ang presidente ng klase noong nasa high school sila.
“Aiza, kumusta ka na?” Tanong ni Lourdes sa kanya.
“Okay lang, maganda pa rin,” na sinundan niya ng mahinang halakhak.
“Ikaw, kumusta? May pamilya ka na? Bakit parang tumanda yata masyado ang itsura mo? Mukha kang mas matanda sa akin!” walang prenong sabi niya.
“Ah, nagka-asawa ako, pero annulled ako,” nawala ang ngiti sa labi nito.
Niyaya naman niya itong humanap ng mauupuan. Iginiya niya ito sa mesang inihanda niya para sa kanilang magkaklase.
Siya, at iba pang presidente ng ibang klase ang nag-organisa ng Alumni Homecoming na ito.
Maya-maya pa ay nagsidatingan na ang iba nilang kaklase.
“Aiza, ang ganda ng event na in-organisa niyo ha!” puna ni Allen.
“Salamat! Ginastusan naming ito, buti nga ay may isa tayong ka-batch na nag-donate ng malaki para dito,” sabi ni Aiza.
“Talaga? Sino?” kuryoso nitong tanong.
“Hindi rin namin alam, ayaw niya magpakilala eh,” kibit-balikat ni Aiza.
Masaya silang nagke-kwentuhan nang dumating ang isang babae.
“Sorry, I’m late!” mahinhing sabi nito.
Napatingin sila dito. Makikita sa maganda nitong mukha nito ang pagkahiya sa pagiging late sa usapan.
“Jessa! Ikaw ba yan? Mas lalo kang gumanda!” isa-isa siyang nilapitan ng mga babae upang yumakap.
Ang mga lalaki naman ay tila nagtulakan pa upang makatabi lang si Jessa.
Nainis naman si Aiza sa pagkakagulo ng kaklase. Si Jessa ang Top 2 nila noong high school. Pangalawa ito sa kanya. Natawa siya sa naisip.
“Magsiupo na nga kayo! Sa’kin tatabi si Jessa!” saway niya sa mga dating kaklase.
“So, ano Jessa, may boyfriend ka na ba?” interesadong tanong kaagad ni Fred, na kilalang pinakababaero sa kanilang batch.
“Ha! Walang boyfriend ‘yan. Sigurado ako. Tanda niyo nung high school, ako ang niligawan nung gusto niyang lalaki. Si Anthony?” humahalakhak na sabat ni Aiza.
Sinaway naman siya ng mga babae.
“Bakit mo pa ba yan binabalik, Aiza?” naiinis na tanong ni Nely, malapit na kaibigan ni Jessa.
“May boyfriend na ‘yan. Fiancé pa nga e,” pagyayabang pa ni Nely para sa kaibigan.
Hindi naman nagulat ang karamihan. Maganda at mabait kasi si Jessa. Hindi nga nila alam kung bakit tila galit si Aiza kay Jessa. Ganito na ito kay Jessa dati pa.
“Totoo ba ‘yon, Jess?” Pangungulit ni Fred.
“Oo, ikakasal na kami sa December. Imbitado kayo lahat, ha?” nakangiting kumpirma ni Jessa sa sinabi ni Nely.
“Talaga? E ‘di naka-move on ka na kay Anthony?” tila nang-aasar na tanong ni Aiza sa dalaga.
Mukha may sasabihin pa sana si Jessa pero itinikom nito ang bibig. Magsasalita din sana si Nely kaso naunahan siya ni Aiza.
“Sabagay, ako nga ayaw kay Anthony noon. Sino ba naman siya? Anak ng mahirap at papangarapin niya ang isang kagaya ko? Malamang ngayon ay may anak na yun at mas mahirap pa sa daga kaya hindi nakapunta dito,” nakaismid na sabi ni Aiza.
Sinaway naman siya ng mga kalalakihan.
“Aiza, bakit naman ganyan ka magsalita? Kaibigan natin si Anthony. Bakit hindi mo lagyan ng konting preno yang bibig mo para hindi ka masyadong mapahiya?” nakasimangot na tanong ni Lourdes.
Napakunot ang noo ni Aiza sa sinabi ni Lourdes. Bago pa siya makapagtanong ay lumapit na sa mesa nila ang isang gwapong lalaki.
“Anthony, pare!” Tayuan agad ang mga lalaki upang yumakap sa bagong dating.
Tigagal si Aiza. Hindi niya inasahang ito na si Anthony ngayon. Malayo ito sa dati nitong itsura — mula sa payat nitong pangangatawan, pagiging mahiyain, hanggang sa kupas na uniporme nito.
Ngayon ay kayang kaya na nitong dalhin ang sarili, maskulado ang katawan, at mukhang mamahalin!
Nang makaupo si Anthony ay nginitian niya ito nang matamis na para bang wala siyang sinabing masasakit na salita kanina lang bago ito dumating.
Ngumiti naman ito pabalik sa kanya pero agad lumipat ang tingin nito sa babaeng katabi niya – si Jessa.
“Hi, babe!” malambing na bati ni Anthony sa dalaga.
“Hello, babe! Bakit ngayon ka lang? Traffic ba?” tanong ng dalaga sa nobyo.
“Hindi. Natapos lang ng mas late yung meeting ko kaya nahuli ako,” nakangiting sagot ni Anthony sa kasintahan.
Tila may sariling mundo ang dalawa na masuyong nakatitig sa isa’t isa.
Tigagal naman ang mga nakapaligid sa kanila dahil hindi nila inaasahan na magkasintahan ang dalawa!
Nakangisi naman si Nely at Lourdes habang ine-enjoy ang reaksyon ng lahat, lalo na ni Aiza.
Nang makabawi ang lahat ay mas umingay sa kanilang mesa. Ang mga lalaki ay tuwang tuwa na nakipag-apir kay Anthony habang ang mga babae naman ay kilig na kilig habang marahang hinahampas si Jessa.
Masayang-masaya ang lahat maliban sa nakasimangot na si Aiza.
“So, Anthony, kumusta ka naman? Saan ka nagtatrabaho? ‘Di ba pangarap mo maging mekaniko noon? Mekaniko ka na ba?” sarkastikong tanong ni Aiza.
“Sa Power X ako nagtatrabaho,” tukoy ni Anthony sa isang sikat na kompanyang nagsu-supply na iba’t ibang parte ng sasakyan.
“Ano trabaho mo dun? Mekaniko?” taas kilay pa ring tanong ni Aiza. Hindi sumusuko hanggang hindi nakakabawi sa pagkapahiya.
“Girl. Siya may-ari nun!” tila hindi nakapagpigil na sabi ni Nely.
“Pare, ‘di nga?” tanong ni Fred.
“Pare, yun ang supplier ng pinapagtrabahuhan kong kompanya!” Manghang mangha si Vincent, isa rin sa mga dating kaklase nila.
“Oo, pare. Awa ng Diyos, lumago yung negosyo ko na dati maliit lang,” tila nahihiya pa na napakamot sa batok si Anthony habang kinukumpirma ang sinabi ni Nely.
“At alam niyo ba na si Anthony din yung nag-donate ng malaki para i-ambag sa event na to?” pagyayabang pa ni Nely, habang nakatingin kay Aiza.
Muling nag-ingay sa kanilang mesa.
“Congrats, pare! Ikaw na talaga ang naka-jackpot sa buhay!” halakhakan ang mga kalalakihan.
Si Aiza naman ay mas lalong nanliit kaya saglit siyang nagpaalam upang pumunta sa restroom.
Paglabas niya ay nakita niya si Nely. Inirapan niya ito at akmang lalabas na nang magsalita ito.
“Alam ko kung bakit galit na galit ka kay Jessa, Aiza,” nakangising sabi nito.
“Anong ibig mong sabihin?” Asik ni Aiza sa dating kaklase.
“Nakita ko ang ginawa ng mommy mo dati. Nakita ko kung paano niya sinuhulan ang principal para ikaw ang maging Top 1, imbes na si Jessa,” nakangisi pa rin ito.
“Huwag kang mag-alala, wala akong sinabihan kahit isa. Hindi naman ako kagaya mo,” dugtong pa nito.
Namutla si Aiza. Hindi nakapagsalita. Maya-maya lang ay napansin niyang nag-iisa na lang siya sa restroom at wala na si Nely.
Habang pauwi ay iniisip pa din niya ang mga nangyari. Pahiyang-pahiya siya sa lahat ng nangyari ngayong gabi.
Mula nang gabing iyon ay kapansin pansin ang naging pagbabago ni Aiza. Hindi na siya mahilig pumuna ng mga negatibo. Natuto na din siya na maging sensitibo sa nararamdaman ng iba bago siya magsalita ng kung ano-ano.
Isang araw ay nakatanggap siya ng wedding invitation. Nakahinga siya nang maluwag nang wala siyang maramdaman ni katiting na panibugho. Napangiti siya habang iniisip kung ano ang pinakamagandang regalo para sa mga dating kaklase na ikakasal.