Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Sukatan ng Pagiging Kaibigan

Ang Tunay na Sukatan ng Pagiging Kaibigan

“O bakit mukha na namang Biyernes Santo yang mukha mo? Ano na namang nangyari sa’yo?” tanong ni Anggie sa kaibigang si Laarni, na nagbabasa pero nakabusangot.

Hindi ito sumagot.

“Hoy!” pangungulit ni Anggie sa kaibigan.

Malalim ang buntong hininga nito.

“Yung grupo kasi nila May eh. Pinagtawanan na naman yung suot ko pagpasok ko pa lang sa campus,” nakanguso nitong sabi.

“O e ano naman?” Taas kilay na tanong ni Anggie sa kaibigan.

“Anong ‘e ano naman?’ Syempre nakakainis ‘yun!” nakasimangot na sagot ni Laarni sa kaibigan habang inaayos nito ang suot na sa makapal na salamin.

“E bakit ka apektado? Hindi mo nga kaibigan ‘yong mga ‘yon. Hayaan mo lang sila magdadaldal. ‘Pag nagpaapekto ka, ikaw ang talo. ‘Pag ‘di mo pinansin, panalo ka. Isipin mo, dami nilang sinasabi pero wala kang pake? Sayangin nila laway nila!”

Unti-unting sumilay ang malawak na ngiti sa magandang mukha ni Laarni. Tila naliwanagan sa sinabi ng kaibigan.

“Alam mo tama ka diyan eh! Naku, pasalamat talaga yang May na ‘yan at mabait ako!” natatawang sabi ni Laarni sa kaibigan.

“Dahil diyan, ilibre mo ako!” Pagbibiro ni Anggie kay Laarni.

“Sige, saan mo ba gusto?” ganting biro naman ni Laarni na ikinahalakhak nilang dalawa.

Ganito silang magkaibigan. Simple at may sariling mundo. Hindi kasi sila yung kagaya ng karamihan sa eskwelahan nila na magaganda at fashionista. Kaya naman itinuturing sila na kakaiba.

Para sa kaibigan niyang si Anggie, wala lang iyong pinagtatawanan sila. Ang sabi nito, hindi naman daw nito kailangan ng maraming kaibigan. Kahit siya lang daw, basta totoo at hindi siya iiwanan.

Pero minsan si Laarni, naapektuhan siya.

Ano kaya ang pakiramdam ng maging maganda, sikat, at gusto ng lahat? Iyon ang nasa isip niya habang naglalakad sila ni Laarni papunta sa canteen para bumili ng merienda.

Araw ng Linggo. Nakasakay sa taxi si Laarni papunta ng mall dahil nagdesiyon sila ng kaibigang si Anggie na manonood ng sine. Maya-maya ay tumunog ang kanyang cellphone.

“Laarni, nasa mall ka na ba? Sorry, baka kailanganin nating i-cancel yung lakad natin ngayon. Si Ryan kasi, sinumpong ng allergy, kaya nasa ospital kami ngayon,” sabi ng kaibigan.

“Ay ganun ba? Sige, okay lang, nasa bahay pa naman ako. Pakisabi sa kapatid mo pagaling siya,” pagsisinungaling niya sa kaibigan.

Kilala niya kasi ang kaibigan. Makokonsensiya lang ito lalo kapag sinabi niya na papunta na siya.

Dumiretso siya sa mall. May bibilhin din naman siya.

Nasa isang boutique siya ng may lumapit sa kanyang isang magandang babae na kilalang-kilala niya.

“Laarni? Ikaw nga!” maarteng sabi nito.

“May! Ikaw pala,” pilit ng ngiting bati niya dito.

“Ikaw lang? Nasan yung isa mong nerd na kaibigan?” taas ang kilay nitong tanong.

“Si Anggie? Ah, may emergency kaya hindi nakarating,” sagot niya na lang kahit naiinis sa pagtawag nito na nerd sa kaibigan.

Magpapaalam na sana siya dito nang kumapit ito sa braso niya.

“Mag-isa rin ako. Tayo na lang dalawa ang mag-shopping!” masayang sabi nito.

“Naku, kelangan ko na kasing—” Hindi na siya nakatanggi dahil nahila na siya nito papunta sa isang boutique na nagtitinda ng mga kolorete sa mukha.

Madami itong binili. Masyado din itong makwento. Noong una ay hindi siya komportable dahil nga isa ito sa mga nang-aaway sa kanya sa eskwelahan, pero nung huli ay hindi niya maikakaila na masaya ito kasama.

Dahil nga naging komportable na siya kahit papaano dito, naisipan niya itong tanungin.

“May, bakit ayaw na ayaw niyo ng mga kaibigan mo sa akin?”

Natawa ito.

“Mukha bang ayaw ko sayo? Nag-enjoy nga ako kasama ka!” ngumiti pa ito.

“Eh bakit lagi niyo akong pinagtatawanan?” nakasimangot na tanong ni Laarni.

“Kasi maganda ka, pero hindi ka marunong mag-ayos. Kayo ng kaibigan mo. Kung fashionista kayo kagaya namin, baka nga naging kaibigan pa namin kayo,” nakangiting paliwanag nito.

Nang maghihiwalay na sila, nagulat siya dahil inabot nito sa kanya ang isang malaking paperbag.

“O, regalo ko sa’yo,” bineso pa siya nito bago tuluyang umalis.

Nang tingnan niya ang laman nito, nagulat siya sa nakita. Ito ang mga kolorete na binili nila!

Isasauli sana niya iyon pero naalala niya ang sinabi nito bago sila maghiwalay.

“Maganda ka, pero hindi ka marunong mag-ayos. Kung fashionista kayo kagaya namin, baka nga naging kaibigan pa namin kayo.”

Laman iyon ng isip niya hanggang sa makauwi. Bago matulog ay isang desisyon ang nabuo niya.

Lunes. Kanina pa hindi mapakali si Laarni. Pakiramdam niya ay may mali sa kanya. Kanina pa pasulyap sulyap sa kanya ang mga ka-eskwela. Naglagay lang naman siya ng konting kolorete sa mukha at tinanggal ang kanyang salamin.

“Laarni, ikaw ba yan?” napatingin siya sa nagsalita. Si Anggie.

“Ang ganda mo lalo!” gulat na gulat na sabi nito.

Nahihiyang napangiti siya sa sinabi ng kaibigan. Natutuwa siya na talagang suportado nito ang lahat ng ginagawa niya.

Naglalakad sila patungong cafeteria nang masalubong nila ang grupo nina May.

“Laarni! Ang ganda ganda mo!” gulat na gulat na sabi ni May, na ikinagulat din ng mga kaibigan mo.

“Ah, nagkita kasi sa mall kahapon,” nahalakhak na paliwanag ni May sa mga kaibigan.

Napatingin naman Laarni kay Anggie, na nakita niyang hinihingi din ang paliwanag niya.

“Laarni, sabay ka sa amin mag-lunch!” sabi naman ni May bago pa siya makapagpaliwanag kay Anggie.

“May kasabay na kasi ako, si Anggie,” pakilala naman niya sa kaibigan.

Hindi man lang ito pinansin ni May.

“Okay lang naman siguro sa kanya na hindi siya muna sumabay sa’yo. Ngayong araw lang naman, ‘di ba?” nakangiting sabi ni May.

Nanghihingi ng saklolong napatingin siya sa kaibigan.

“Sige, okay lang Laarni. Kita na lang tayo mamayang uwian,” nakangiting sabi ng kaibigan niya bago naglakad palayo.

Nakokonsensiya man, nag-enjoy pa din si Laarni. Masaya kasama sina May. Bukod pa dun, gusto niya ang atensiyon na nakukuha. Sikat kasi ang grupo nila May.

Unti-unti ay naging parte siya ng grupo nila May. Si Anggie naman ay unti unting hindi niya na nakausap dahil hindi niya na ito nakakasabay kumain. Tila lumalayo na din ang loob ng kaibigan sa kanya.

Naalala niya ang huli nilang pag-uusap.

“Alam mo naman na lahat ng ginagawa mo ay suportado ko, Laarni. Pero hindi ‘tong ganito. Unti-unti ka nang nagbabago at nagiging kagaya ka na nila May. Naalala mo kung gaano natin kaayaw sa kanila dahil sa pag-uugali nila?” tanong sa kanya ng kaibigan.

“’Di ba sinabi ko na sa iyo? Magugustuhan ka ein nila, basta mag-ayos ka lang din tulad nang ginawa ko!” Pilit niya sa kaibigan.

“Laarni, ang totoong kaibigan, walang kondisyon. Tatanggapin ka nila kahit ano pang itsura mo. Mababaw ang pagkakaibigan na ganyan ang pundasyon,” sabi nito bago siya tuluyang iwan.

Dumating ang araw ng kanilang pagsusulit.

“Laarni, pakopyahin mo kami, ha! Sabi ni Anne Marie, isa sa mga kaibigan nila ni May,” nakangising sabi nito bago magsimula ang pagsusulit.

“Ha? Naku, baka mahuli tayo. Ayokong maparusahan,” nag-aalinlangang sabi ni Laarni.

“Hahayaan mo bang bumagsak ang mga kaibigan mo?” nakataas kilay na sagot ni May.

“Hindi naman sa ganun—”

“Eh ‘di pakopyahin mo kami!” asik nito sa kanya.

Wala siyang nagawa kundi pasikretong ipasa ang kanyang papel sa mga kaibigan.

Dahil hindi naman sanay sa ganito si Laarni, nahuli siya ng kanyang guro na pinapakopya ang mga kaibigan.

“Hindi po totoo yan, Ma’am. Si Laarni lang po yung pilit na binibigay sa amin yung papel kaht hindi naman namin pinapansin yung inaabot niya!” tanggi ni Arra, isa sa mga kaibigan nila.

Laglag ang balikat niya nang matapos ang interogasyon ng guro sa kanila. Inilaglag lang siya ng mga itinuring niyang kaibigan.

Umiiyak siya sa kanyang kwarto dahil sa naging desisyon ng kanilang principal. Suspendido raw siya ng isang linggo.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto at ang paglapit sa kanya ng isang pigura. Maya maya pa ay naramdaman niya ang pamilyar na yakap ng isang taong kilalang kilala niya – ang kaibigan niyang si Anggie.

Tama nga ang kaibigan niya. Ang totong kaibigan, walang kondisyon. Alam niya na ngayon.

“Sorry, Anggie.” Sa dami ng gusto niya sabihin dito, yun lang ang lumabas sa bibig niya.

“Wala na yun, natuto ka naman sa pagkakamali mo. Yun lang ang mahalaga. Tanggap pa rin kita,” nakangiting sabi sa kanya. Mas lalo lang siyang napaiyak.

Matapos ang pangyayaring iyon, lalong napagtibay ang pagkakaibigan ng dalawa.

Advertisement