Inday TrendingInday Trending
Ang Hindi Mapipigilang Kapalaran ni Kuya

Ang Hindi Mapipigilang Kapalaran ni Kuya

“Ate, nanaginip ka naman ba?” Iyon agad ang bungad ng kanyang kapatid na si Kathleen.

Tango lang ang kanyang tugon. Inabutan naman siya nito ng malamig na tubig. Kinalma niya ang kanyang sarili. Sanay na siya na managinip ng kung ano-ano pero sa tuwina ay hindi niya maiwasan ang pagpawisan sa napapaginipan.

Pero pilit naman niyang sinasabi sa sarili na magiging ayos lang ang lahat. Kahit na gaano kasama ang panaginip niya ay magiging ayos lang ang lahat.

“Ano na naman ba ang nakita mo at ganyan ang mukha mo?” tanong ng kanyang kuya na si Ysmael na nagluluto ng almusal.

Sumimangot siya. “Ikaw kaya ang napaginipan ko!”

Kaya nga mas lalo siyang nababahala. Siyempre, kaya niya pang tanggapin kapag ang nakikita niya sa panaginip ay ibang tao pero ibang usapan na ata kapag kapatid na niya.

“O? Anong nangyari?”

Umiling siya at bumuntong-hininga. “Basta nakita ko may sumaks*k sayo. Pano yun, kuya? Anong gagawin natin?”

Tatlo na lang silang magkakapatid na magkakasama. Ang kanilang ama ay nagpaiwan na sa probinsiya dahil mas gusto raw nito ang hangin at pamumuhay doon. Habang silang magkakapatid ay lumuwas para makipagsapalaran sa Maynila.

Akala nila ay magiging madali ang buhay pero hindi pala. Mabuti na nga lang at sadyang masipag ang Kuya niya na magtrabaho habang nag-aaral pa sila ni Kathleen.

“Hay nako, imposible naman yata yan! Ba’t naman ako masasaks*k?”

Tinignan niya ng masama ang kapatid. Alam nila pareho na nagkakatotoo ang panaginip niya.

“Ikaw naman. Ganun talaga ang buhay, Ashley. Basta mag-iingat ka. Lalaki ako, kaya kong protektahan ang sarili ko. Dapat kayo ni Kathleen ang laging mag-iingat,” paalala nito.

Tumango naman siya. “Basta, Kuya, mas mag-iingat ka ha?” nag-aalala pa rin niyang sabi sa kapatid.

Alam niya totoo ang sinasabi ng kanyang kapatid. Hindi maari na takasan kung ano ang itinadhana. Lahat ng bagay ay nangyayari dahil may rason. Gaano man iyon kagasgas pero yun talaga ang pinaniniwalaan niya.

Kaya nga sa dami ng nakikita niya sa panaginip ay kahit na kailan hindi niya sinubukan na pigilan ito. Dahil naniniwala siya na may rason kung bakit nangyayari mga bagay-bagay.

Pero mahirap pala kapag ang mahal na sa buhay ang pinag-uusapan.

“Basta, nasaan na yung binigay ko sa’yo?” tanong nito kaya naman mabilis niyang dinukot sa bag ang isang maliit na suklay.

Kutsilyo ito, pero nakatago ang talim gamit ang takip. Parang isang ordinaryong suklay lang ito kaya hindi napapansin ng gwardiya ngunit ayon sa kapatid ay kaya siya nitong protektahan sa mga masasamang tao.

“Gamitin mo yan kapag kailangan ha? ‘Wag na ‘wag kang magdadalawang isip at unahin lagi ang sarili,” mahigpit nitong bilin.

“Okay. Alis na kami ni Kathleen, Kuya. Ingat ka ha!”

Habang nasa paaralan siya ay wala na siyang ibang maisip kundi ang kuya niya. Mahal na mahal niya ito at hindi niya alam kung anong gagawin kung may mangyaring masama dito.

Parang lumilipad lamang ang oras. Gabi ang huli niyang klase at mula sa bintana ng kanyang silid-aralan ay nakikita niya na ang sumesenyas na kapatid. May kasama itong dalawang babae na madalas nitong kasama.

Itinuro nito ang cellphone kaya pasimple niyang tiningnan ang kanya.

“Ate, mauuna na ako ha. May gagawin pa kasi kami,” text ni Kathleen sa kaniya.

Ngumiti siya sa kapatid bilang pagpayag. Ilang minuto pa ay tuluyan na itong umalis. Nang matapos ang klase ay dali-dali siyang lumabas ng silid aralan.

Madalang na ang mga tao dahil sila na lamang yata ang may pang-gabing klase sa lahat. Mag-isa niyang nilakad ang may kadilimang eskinita.

“Miss, sakay ka?” huminto ang isang tricycle.

Umiling siya agad. “Hindi ho.” Kaya mabilis nitong pinaandar muli ang sasakyan.

Bukod sa ayaw niya ng gumastos masyado para makatulong sa kuya ay hindi naman masyadong malayo ang lalakarin niya pauwi.

Tahimik na ang kalye kaya naman ng marinig niya ang boses ng isang babae ay naging malinaw ito sa kanyang pandinig.

“Pakiusap po, wala po talaga akong pera,” rinig niya ang takot sa boses nitong naging pamilyar sa kanya.

“Kung ako sa’yo, ibibigay ko na lang ‘yan, miss.”

Nabahala siya ng mabosesan ang kanyang matalik na kaibigan at isa rin sa kanyang mga kaklase na si Trisha.

Dali-dali ay hinanap niya ang pinanggagalingan ng boses hanggang sa natigil at makita si Trisha at ang isang lalaki na may takip sa mukha.

Nanlaki ang mata niya sa nakita. Sa kagustuhan na tulungan ang kaibigan ay kinuha niya ang kutsilyo na ibinigay ng kanyang kapatid.

Nanginginig ang kanyang kamay, hindi akalain na magagamit niya ang bagay na ito. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa mga ito at sa isang iglap ay isinaks*k sa lalaki.

Niyakap niya ang kaibigan na nanginginig sa takot nang bumagsak ang lalaki sa kalye habang hawak ang sugat nito.

“Salamat, Ashley!” iyak nito.

Tinanggal niya ang takip sa mukha ng lalaki, at nagulat nang makilala ang kanyang kapatid. Naalala niya ang kanyang panaginip. Nagkatotoo na naman.

“Kuya!” umiiyak na hinawakan niya ang kapatid sa mukha.

Bakas ang sakit sa mukha nito. “Buti naman at hindi mo kinakalimutan ang lagi kong bilin sa iyo, Ash,” pilit ang ngiti sa mukha nito.

Totoo nga na may dahilan ang mga bagay-bagay. Sa huli ay humingi sila ng tulong. Naging maayos ang kalagayan ng kapatid na nagsisisi sa ginawa.

Humingi ito ng tawad kay Trisha. Sinabi nito na desperado lang ito na magkaroon ng pera para ipangtustos sa kanilang pangangailangan.

“Naiintindihan ko, kuya. May pakiramdam din naman ako na hindi mo ako sasaktan kanina,” sabi ni Trisha.

“Tama ka. Wala naman ako planong manakit. Tinatakot lang kita. Pero alam kong mali pa rin iyon,” hiyang hiyang sabi ng Kuya Ysmael niya.

Nagsisisi naman si Ashley na hindi man lang siya nakatunog na kumakapit na pala sa patalim ang kapatid niya, para lang may maipakain sa kanila.

Pinatawad niya ang kapatid dahil alam niyang mahal na mahal sila nito kaya nito nagawa iyon. Doon na rin naman nagsimula ang pagbabago sa kanilang Kuya Ysmael.

Advertisement