Inday TrendingInday Trending
Kwentong Buhay ni Lola

Kwentong Buhay ni Lola

Kinakabahang bumaba sa kotse niya si Heidi. Tuwing weekend ay pumupunta naman siya rito sa bahay ng kanyang lola, pero iba kasi ngayon. Sabi ng matanda, baka raw di na ito makapaghintay ng Sabado at Linggo- kaya kahit Miyerkules palang ay heto siya. Nag-leave na lang siya sa trabaho sa Maynila para mapagbigyan ang minamahal niyang lola.

“Lola?” tawag niya nang nasa loob na siya. Dali-dali siyang umakyat sa itaas. Namasdan niya pa ang bawat larawan sa hagdan.

Parang hinaplos ang puso niya dahil buong buhay ng kanilang malaking pamilya ay naroon. Lima ang anak ng kanyang Lola Liza at Lolo Juanito, labindalawa silang mga apo.

Diyos ko po… hindi pa nga siya nakakamove on sa pagkawala ng kanyang lolo tatlong taon na ang nakalipas. Tapos baka kunin na rin ang lola niya.

Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura ng kwarto ng matanda, naabutan niya itong nakahiga sa kama at nakatanaw sa labas. Payapa ang bukas ng mukha nito.

“Pasok ka,” wika nito nang makita siya.

“L-Lola, ano po ba ang nangyayari? Kinakabahan po ako sa inyo. At saka, bakit wala ang personal nurse mo? Nasaan ang mga kasambahay?”

Hinaplos nito ang kanyang kamay, “Pinagday off ko muna kasi sila. May… may ipapabasa kasi ako sa’yo,” nangangatog pa ang payat at namumutla nitong mga palad.

Bumuntong hininga si Heidi. Bago pa man siya nakapagsalita ay kinuha ng matanda ang isang lumang notebook sa gilid ng kama nito, ngayon niya lang nakita iyon bagamat halatang mas matanda pa kaysa sa kanya ang kwaderno.

“N-Naaalala mo pa ba noong bata ka, kinukwentuhan ka lagi ng lola? Ngayon, ako naman ang basahan mo ng kwento,” sabi nito, iniabot ang notebook sa kanya.

Kinuha naman iyon ni Heidi. Pagbuklat niya ay medyo nagulat siya kasi sulat kamay ang nasa loob… hindi niya akalaing mahilig palang magsulat ang lola niya. Sabagay, nang magkaisip na kasi siya ay malabo na ang mata nito. Mukha kasing dati pa isinulat ang mga kwento. Naninilaw na nga ang mga pahina eh.

“Basahin mo nang malakas apo,” wika ng matanda.

Tumikhim muna si Heidi bago sinimulan.

Enero 1958

Ako si Emma, mayroon akong kapatid… si Elizabeth. Dahil masyadong mahaba ang kanyang pangalan ay tinatawag na lang namin siyang ‘Liza’. Mas matanda siya sa akin ng isang taon, at dahil kaunti lang ang agwat ng aming edad ay naging malapit kami sa isa’t isa. Maraming beses na nga kaming napagkamalang kambal dahil magkamukhang-magkamukha kaming dalawa.

Sa kabila naman ng lahat ng iyon ay magkabaligtad ang aming pangarap. Si Liza, isa siyang larawan ng mabuting ina at may bahay. Para siyang ipinanganak para maging ganoon… maalaga, mapagmahal, magaling magluto. Nang mag asawa nga siya sa edad na 21 ay hindi na nagreklamo ang aming mga magulang dahil alam nilang magtatagumpay si Liza sa larangang iyon. Idagdag pa na napakabuti ng pinakasalan niya, si Juanito.

Ako naman ay matayog ang pangarap, nagtapos ako ng kolehiyo sa Maynila. ‘Di ko nakikita ang sarili ko na mag-asawa sa lalong madaling panahon. Masyado akong maraming gustong gawin sa buhay ko. Nagtrabaho ako sa Maynila, isa akong manunulat.

Napasulyap si Heidi sa matanda, na noon ay umiiyak na. ‘Di niya akalain na may kapatid pala ang kanyang Lola Liza, at ito ang nagmamay-ari ng diary na binabasa niya ngayon.

“Ituloy mo lang, hija,” sabi naman nito. Kaya muli siyang bumalik sa pagbabasa.

Malayo ang loob ko sa aking mga magulang, may mga paniniwala kasi sila na palagi kong sinasalungat. Ayon sa kanila, masyado raw matigas ang ulo ko at pakiramdam ko ay sa akin umiikot ang mundo. Sa kabila naman noon, pumupunta pa rin ako sa probinsya isang araw sa isang buwan. Sinisiguro ko na makakasama ko pa rin ang minamahal kong kapatid, at ang aking mga pamangkin na ngayon ay tatlo na.

Walang duda, napakabuting ina ni Liza. Tuwing naroon ako ay napagkatuwaan na naming dalawa na magsuot ng parehong bestida, kadalasan ay binibili ko ang mga iyon sa Maynila. Tapos ay mamamasyal kaming dalawa sa bayan sakay ng aking kotse. Nakakatuwa lang kasi na mapagkamalang kambal. Oo, para kaming mga bata pero dito kami nagiging masaya ng kapatid ko.

“Mag-ingat kayong dalawa. Emma, iuwi mo ang misis ko ha?” biro ni Juanito nang ipagpaalam ko si Liza na mamamasyal sa bayan. Tinanguan ko naman ito, tapos ay pabirong ginulo ang buhok ng aking mga pamangkin na noon ay naghahabol sa kanilang ina. Sumakay na kami ni Liza sa kotse ko.

“Bakit mo kasi pinagupitan ang buhok mo? Ayan tuloy, hindi tayo masyadong magkamukha,” wika ko habang nagmamaneho. Hindi kasi tulad ng sa akin na hanggang bewang ay hanggang balikat na lamang ang buhok ni Liza.

“Emma, tatlo ang aking anak. Kung minsan ay ‘di ko na maasikaso ang sarili ko kaya kaysa mag-sabukot ang buhok ko at magmukha akong bruha ay pina-iksian ko na lang. Mabilisang suklay lang ito sa umaga, tapos ay lalagyan ko ng payneta. Tapos na,” nakangiting sabi nito habang nakatanaw sa labas ng kotse. Hinahaplos pa ang kwintas na bigay ni Juanito.

Akala ko ay magiging masaya ang araw na iyon, pero magbabago pala ang lahat. Huli na kasi ang lahat nang mapansin kong nawawalan ng preno ang aming sasakyan. Nangatog ang mga kamay kong nagmamaneho nang matanaw ang isa pang mas malaking sasakyan na masasalubong namin. Mabilis iyon. Rumaragasa.

“E-Emma… anong nangyayari?” kinakabahan na ring wika ni Liza.

“Wala akong… puny*ta! Nawala ang preno ng sasakyan ko!” ninenerbyos kong wika. Mabilis na tinanggal ko ang aking seatbelt at tiningnan ang aking kapatid.

“Liza, tanggalin mo rin ang sa iyo at tatalon tayo!”

Ginawa niya iyon pero nang tatalon na kami ay naipit ang damit niya sa ilalim ng kanyang inuupuan.

Niyakap ko ang aking kapatid. Nagulat pa ako nang hubarin niya ang kwintas at mabilis na inilagay iyon sa aking kamay.

“Sige na,” lumuluhang sabi niya. Bago buong lakas na sinipa ako palabas ng sasakyan. Kasunod noon ay sumalpok ang kotse… at isang malakas na pagsabog ang aking narinig.

Mula noon, alam ko na ang gagawin ko.

Naguguluhang napatingin si Heidi sa matanda… hindi siya makapaniwala sa mga nababasa. Kung… kung si Liza ang nabangga-

“Malapit na hija, malapit nang matapos…” sabi ng kanyang lola. Tigib ng luha ang mga mata nito.

Dinala ako sa ospital na kaunti lamang ang galos.

“Gupitin ninyo ang buhok ko,” pakiusap ko sa mga nurse. Naguguluhan man ang mga ito ay sumunod na rin sa akin sa takot na baka kapag hindi ako pinagbigyan ay makaapekto ito sa aking kalusugan. Nagpupumiglas rin kasi ako kahit na nanghihina na.

Ang katawan ni Liza ay halos ‘di makilala dahil sa matinding pagbangga at pagsabog.

Nang magamot ang aking mga sugat ay isinuot ko ang kwintas niya. Maya-maya pa, dumating na ang aming pamilya. Humahangos sila… kasunod ang halos matumba nang si Juanito.

“Elizabeth Castillo-Tamayo at Emma Castillo,” wika ng aking ama sa nurse sa emergency room.

“M-Mahal,” tawag ko naman kay Juanito. Agad nitong hinanap ang boses ko… nakahinga ng maluwag nang makitang humihinga ang kanyang mahal na asawa.

Oo.

Mula ngayon, hindi na ako isang manunulat sa Maynila. Mula ngayon ay isa na akong simpleng may bahay na may tatlong anak at mabuting asawa.

Mula ngayon, wala na si Emma. Mula ngayon… ako na si Liza.

“L-Lola…” wika ni Heidi. Nakatitig lamang sa kanya ang matanda habang umiiyak.

Itinuloy niya ang pagbabasa sa huling pahina.

Marahil ay marami ang magsasabi na katangahan ang iwan ang buhay ko para lang sa kapatid ko. Pinalabas kong si Emma ang hindi sinuwerteng nakaligtas at si Liza ang nakatalon sa sasakyan. Pero mayroon akong tamang dahilan at alam ko iyon. Walang masyadong mangangailangan sa akin… kay Emma na palagi namang wala sa bahay at masayang mamuhay mag-isa sa Maynila. Pero si Liza? Tatlo ang anak na maiiwan niya, baka mabaliw si Juanito kapag nawala siya. Hindi kakayanin ng lalaki, masisira ang kanyang pamilya.

Ginawa ko ito para sa aking kapatid.

Makalipas naman ang ilang taon ay ‘di ako nahirapang mahalin si Juanito, nagkaroon kami ng dalawa pang anak. Walang ibang nakakaalam ng lihim ko… kahit na ang aking asawa ay dinala na sa hukay ang paniniwalang nakaligtas ang misis niya sa aksidente.

‘Di ko kayang sabihin sa kanya ang totoo. ‘Di ko kayang isampal sa kanyang mukha na halos kalahati ng buhay niya ay nagmula sa kasinungalingan.

Masaya ako na kahit na paano ay nailahad ko rito ang aking kwento.

Nagmamahal,

Emma Castillo-Tamayo

Isinara na ni Heidi ang libro. Nahaplos niya ang kamay ng lola na iyak pa rin nang iyak.

Hindi siya galit sa pagsisinungaling nito. Isinakripisyo nito ang buhay para sa kanilang pamilya.

“Malaya na ako, nasabi ko na ang totoo…” nakangiting sabi nito. Tapos noon ay unti-unti na itong pumikit.

“Opo, malaya ka na… Lola Emma.”

Napagdesisyunan ni Heidi na itago na lamang ang lihim na iyon. Mayayanig kasi ang kanilang pamilya na pinanatiling buo ni Lola Liza-Lola Emma pala. Marahil ay sabihin niya rin sa kanyang magiging anak pagdating ng panahon.

Pumanaw na ang matanda at nakangiti siya sa langit nang mailibing ito.

“Salamat po sa lahat ng sakripisyo ninyo.”

Advertisement