Inday TrendingInday Trending
Kasal na Naging Lamay

Kasal na Naging Lamay

Dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang gumraduate sa college si Mia. Sa kabila naman noon ay hindi nawala ang komunikasyon nila ng kanyang mga kaklase, lalo na nilang dalawa ni Ella. Hindi niya masasabing best friends sila dahil ‘di pa naman nasusubukan ang kanilang samahan.

Pero malapit sila sa isa’t-isa, magaan ang loob niya rito at ganoon rin naman ang dalaga sa kanya. Siya pa nga kadalasan ang ginagawa nitong dahilan sa magulang nito kapag nais ni Ella na makipagkita sa nobyong si Jake.

“Hello? Nasaan ka na?” wika ni Ella, kasalukuyan niya itong kausap sa cellphone.

“Nasa airport na po. ‘Wag kang mag alala friend, pupunta ako,” natatawang sabi niya bago tinapos ang tawag.

Paano kasi, matapos ang mahaba-habang prusisyon ay sa simbahan rin pala ang tuloy nito at ni Jake. Kaya heto siya ngayon, mula Maynila ay lilipad patungong Bacolod dahil doon na naninirahan ang dalawa. Doon rin gaganapin ang kasal, abay pa siya.

Halos lahat sila ay di makapaniwala na magtatagal ang dalawa. Noong college kasi ay parang aso at pusa. Saksi si Mia sa ilang beses na pagbe-break kuno ng mga ito tapos ay magbabalikan rin.

Akala niya nga, mas lalala ang sitwasyon nang mapagdesisyunan ng mga ito na maglive in pero nagkamali siya dahil ilang buwan lang ang nakalipas ay nag-post ng picture ng singsing si Ella sa Facebook.

Ayon sa babae, ikakasal na raw ito. Mula noong araw na iyon ay sunud-sunod na ang post nito tungkol sa nalalapit na pakikipag-isang dibdib sa nobyo. Si Jake naman ay tahimik. Sabagay, normal na naman sa mga lalaki ang hindi masyadong maingay sa social media.

Ilang oras pa ang lumipas ay nakarating din si Mia. May sumundo na sa kanya sa airport at inihatid siya sa hotel kung saan mananatili ang mga abay at ninang sa kasal. Isang malaking salu-salo ang sumalubong sa kanya roon.

Nakikihalubilo si Jake sa mga bisita, nang matanaw siya nito ay agad na lumapit at hinalikan siya sa pisngi.

“Kumusta?” wika niya.

Tipid ang ngiting isinagot ng lalaki, “Okay naman. Ikaw ba? Kumusta ang biyahe?”

“Siyempre nakakapagod! Pero dapat magsaya tayo, kasi sa isang araw na ang big day,” luminga-linga pa siya sa paligid, “Si Ella?”

Nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng binata nang tanungin niya iyon. Napakunot tuloy ng noo si Mia. “Is something wrong?”

Hindi na sumagot pa si Jake, sa halip ay iginiya siya nito sa elevator at dinala sa isang silid. Marahan itong kumatok roon.

“Babe, Mia is here,” wika nito.

Tiningnan ni Mia si Jake bago pumasok sa kwarto. Naabutan niyang nakaupo sa kama ang kaibigan, bagamat nakaharap ito sa bintana.

“Girl!-” pasigaw na siya nang matigilan sa itsura ni Ella.

Payat na payat ito. Hindi iyong payat na slim- kundi iyong payat na halos buto-buto na. Kapansin-pansin ring nalalagas ang buhok nito.

“I know. I look ugly,” mapaklang wika nito.

Agad namang nakabawi si Mia, “Of course not! Hindi ko lang… hindi ko lang inasahan na ang laki ng nabawas sa timbang mo. But beautiful as ever. K-Kumusta ka ba?”

Bumuntong hininga si Ella. “Excited sa kasal. Kaya lang, alam mo na. A few months ago bigla nalang akong nakaramdam ng kakaiba sa katawan ko. ‘Di ko nga alam kung ano ang nangyayari. Sa totoo lang natatakot akong magpacheck up kasi baka kung ano ang malaman ko. Siguro after na lang ng kasal, baka kasi habang nagseseremonya ay iyak ako nang iyak ‘di ba?”

Nakakaunawang tumango naman si Mia. “If you want, pwede kitang samahang magpacheck up.”

Umiling si Ella. “No need. Jake will accompany me. Right babe? Ang mahalaga ay maikasal tayo ‘di ba?” tumingin pa ito nang masuyo sa binata.

“Of course babe. Ang mahalaga, maikasal tayo.”

Mabilis lumipas ang mga araw at bisperas na ng kasal. Nawindang ang lahat sa balitang isinugod ang bride sa ospital noong gabing iyon.

Maging si Mia ay nagpunta rin doon, nangangatog ang kamay niya habang pinanonood na i-pump ng doktor ang dalagang unti-unti nang nawawalan ng hininga. Kita niya si Jake na nasa isang sulok, nakatungo ang lalaki pero nakatikom ang mga kamao. Halatang nagpipigil ng emosyon.

Ganoon nalang ang pag-iyak ng mga tao nang sabihin ng doktor na wala na si Ella.

Sa halip na kasal ay burol ang naganap kinabukasan. Mabilis lang iyon, tatlong gabi lang na pinaglamayan ay inilibing na rin ang dalaga.

Walang taong hindi tigib ng luha ang mga mata nang magsalita si Jake sa unahan at mamaalam sa yumaong nobya.

Pagud na pagod si Mia, sobrang daming naganap. ‘Di niya naman akalaing ang pagkukwentuhan nila ni Ella sa hotel ay huli na pala. Nang mailibing ito ay dumiretso na rin ang dalaga sa airport. Oras na para bumalik sa Maynila.

Hindi niya namamalayan na hinila na siya ng antok dahil sa pagod. Naglakbay ang utak niya at napunta sa isang kakaibang panaginip.

“Ang ganda ng bride,” bulong ng mga tao.

Nasa isang gilid lamang si Mia. Nakamasid sa paligid. Kumakabog ang kanyang puso. Lalo na nang makita niya si Jake na naghihintay sa unahan.

Nadako ang atensyon niya sa bride na noon ay naglalakad na sa gitna patungo sa altar. Ganoon na lamang ang kilabot niya nang makita ang mga kamay nito… buto-buto!

Huli na nang ma-realize niyang nakatingin na nang matalim sa kanya si Ella at papalapit na para sakalin siya.

“Ah!” sigaw niya habang nasa eroplano.

Napalapit ang flight attendant, “Ma’am okay lang po ba kayo?”

“Y-Yes. Pahingi nalang ng tubig please,” hinihingal na wika niya.

“Hey baby, okay ka lang ba?” sabi ng boses sa kanyang tabi.

Nilingon niya ito at humilig sa balikat nito, “Yes Jake ko. Okay lang ako. Napanaginipan ko lang ang loka,” naiiritang wika niya.

“It’s just a dream. After all, mukha namang walang may clue na nilason ko siya,” wika ni Jake.

Tama, walang sakit si Ella. Ang totoo niyan ay matagal nang nais na kumawala ni Jake pero duwag ang lalaki at ayaw magmukhang masama. Si Mia na raw kasi ang mahal nito, ilang beses na silang nagkikita sa Maynila. Pinagsasaluhan nila ang init ng kanilang pagtataksil.

Nilason nila ang dalaga. Pero inalok muna ito ni Jake ng kasal para makuha niya ang simpatya ng mga tao. Para rin hindi maghinala ang mga ito. Tingnan mo naman ngayon, ang labas niya ay isang kawawang nobyo na naulila ‘di ba? Walang kaalam-alam ang lahat na magkasama silang uuwi ng Maynila at doon itutuloy ang kalokohan.

Ngumiti si Mia at hinalikan ang lalaki. “Ako naman kasi talaga dapat ang maging asawa mo.”

Naputol ang paglalampungan nila nang makaramdam ng pagyanig sa eroplano. Kasunod noon ay nagsara at nagsindi nang paulit ulit ang ilaw. Nag-panic na ang dalawa lalo pa nang sa di kalayuan ay matanaw nila ang nakatayong imahe ni Ella.

Nakangiti ito at masama ang tingin.

“Babagsak tayo!” sigaw ng isa pang pasahero.

Hindi na nila namalayan pa ang sumunod na pangyayari dahil may sumabog na sa bandang gilid, tapos ay bumulusok sila pababa.

“Magsama-sama tayo sa impyerno mga taksil!” boses ni Ella ang huling narinig ng dalawa bago sila tuluyang nawalan ng hininga.

Walang lihim na hindi nabubunyag. Gaano man kalinis ang pagtatago sa kasalanan, lalabas at lalabas pa rin ito.

Advertisement