Anim na buwan na ang nakalipas mula nang hiwalayan ng kaniyang nobya si Joel. Sabi niya na nga ba, iba ang mga ikinikilos ni Karen. Kapag niyayaya niya itong magdate ay pumapayag naman pero parang lumulutang ang utak.
Magka-live in na sila. Tuwing susubukan niyang yakapin ito para ibalik ang mga dating maiinit nilang gabi ay naiirita lang na tinatabig nito ang kanyang kamay. Iyon pala, may iba nang kumakalinga. Isang araw ay ‘di na ito nakatiis at nag-empake na ng mga damit. Ang kapal ng mukha kasi naghihintay pa sa labas ng apartment nila ang lalaki nito.
“Karen, ano ba naman ito? Kung may problema sana naman ay sinabi mo. Hindi iyong hinanap mo sa iba ang solusyon.” wika niya, sinusubukang iharang ang katawan sa pinto.
Hindi siya tiningnan ni Karen, “Ayoko na Jo. Wala nang pupuntahan itong relasyon nating dalawa. Bukod pa roon.. mahal ko na si Erik,” sabi ng babae. Kasunod noon ay hinawi siya nito.
Bitbit ang malaking maleta ay lumabas na ito ng pinto. Sinalubong ito ng lalaki na nakipagtagisan pa ng tingin sa kanya.
Napailing si Joel nang magbalik ang alaalang iyon. Kung kakapain ang puso niya, wala na namang sakit. Pero siyempre ay may galit pa. Kasi ginago siya eh.
Napabilis tuloy ang pagmamaneho niya. Kasalukuyan niyang binabaybay ang kasukalan ng probinsya. Walang bahayan sa paligid, panay puno lang. Palibhasa ay mataas ang lugar nito at December na ay napakalamig sa kapaligiran.
Buti nalang, sementado na ang daan. Kundi ay baka hindi siya makauwi bago mag-Lunes. Nagleave lang kasi siya sa trabaho para makapagbakasyon.
Kinusot-kusot niya pa ang mga mata nang matanaw sa ‘di kalayuan ang isang… babae?
“Multo ba ‘to?” tanong niya sa sarili. Pero wala namang multo na naka-pantalon, sweater at malaking maleta ‘di ba?
Nagdalawang-isip pa siya kung ititigil ang sasakyan. Kasi naman ay kumakaway ang babae. Mahirap na, ang daming masasamang loob sa panahon ngayon. Mamaya ay may toyo pala ito at pagsasaksakin nalang siya bigla.
Kaya lang nang malapit na, ‘di rin siya nakatiis. Ang ganda kasi ng babae at hinaplos ng awa ang puso niya. Baka kung ano ang mangyari rito kung lalagpasan niya.
Huminto siya sa tapat nito at ibinaba ang bintana ng kanyang kotse.
“P-Pwede bang makisakay?”
“Saan ba ang punta mo?” tanong ni Joel.
“Sa Manila ako. Pero kung… kung hindi ka na didiretso roon okay lang naman na ibaba mo nalang ako sa may sakayan,” sabi nito.
Tumango ang binata, “Sakay na. Doon rin ang punta ko.”
Nagliwanag ang mukha nito. Tapos ay sumulyap sa ibaba, iniisip kung paano ang mabigat na maleta nito.
“Pakilagay mo na lang sa likod,” sabi ni Joel, parang nabasa ang laman ng utak ng dalaga.
Tumalima ang babae, isang malakas na kalabog ang narinig nang ibaba nito sa likuran ng sasakyan ang maleta. Nagpagpag ito ng kamay tapos ay sumakay na sa unahan.
“Salamat ha. Buti tumigil ka. Kanina pa ako nakatayo diyan eh,” sabi nito.
Sinulyapan itong sandali ni Joel tapos ay bumalik na sa pagmamaneho. “Naawa ako sa’yo eh. Hindi ka naman siguro masamang tao ‘di ba? Mamaya sakalin mo na lang ako bigla eh. Tumulong lang naman ako.”
Isang hagikgik ang isinagot nito.
“Wow tinawanan lang ako. I am Joel, by the way,” natatawa ring wika niya.
“Ako si Rebecca.” Ini-offer pa nito ang kamay para sana sa shakehands pero natawa lang muli. Abala naman kasing mag-drive ang binata.
Naging masaya ang kanilang biyahe. Nabuhay ang tahimik na paligid dahil sa tawanan nila. Ni hindi nga namalayan ni Joel na umaandar ang oras. Hindi niya matukoy pero parang iba ang pakiramdam niya sa dalagang ito. Ito ba ang sinasabi nilang love at first sight?
“So… bakit ka pala napadpad sa ganoong lugar? My God, I mean wala namang bahay roon-”
“Meron huh,” putol ni Rebecca sa kanyang sasabihin.
“Really?”
“Oo! Doon nakatira ang… kaibigan ko. Na siyang pinuntahan ko roon,” sagot nito.
Tumangu-tango si Joel, “I hate to say this. Pero hindi ganoong kabuti ang kaibigan mo ano? Kasi after mo siyang dalawin ay hindi ka man lang ihatid to make sure that you’re safe. Isipin mo, paano kung ‘di ako dumaan? Edi nakatayo ka pa rin doon?” sabi ni Joel.
Kibit balikat lamang ang isinagot ni Rebecca. Ilang sandali pa ang lumipas ay malapit na itong bumaba.
Bumuntong hininga ang babae nang ihinto na ni Joel ang kotse. “May sasabihin ako,” wika nito.
Tiningnan naman ito ng binata, nagtatanong ang mga mata. “Alam mo… hindi talaga kaibigan ang pinuntahan ko roon. Ang totoo kasi niyan… hiker ang boyfriend ko. Ex pala,” bungad nito.
Napangiwi si Joel, oops. “Tapos?”
“May nakilala kasi siyang dalaga sa lugar na iyon eh. Tapos ayun… palagi niya nang pinupuntahan. Niloko niya ako. Ipinagpalit niya ang maraming taon na pagsasama namin.”
Grabe, pareho lang ng ginawa sa kanya ni Karen. Nakaramdam ng awa si Joel. Marahil ay ito ang dahilan kaya magaan agad ang loob niya kay Rebecca.
“So ano ang ginagawa mo sa lugar na iyon? Hinuli mo sila?”
Nanlaki ang mata ni Joel nang tanggalin ng babae ang buhok nito. Wig lang pala! Tapos noon ay nakangisi na itong humarap sa kanya.
“Alam mo yung sinasabi nila na ipaglaban mo ang pag-ibig mo? Iyon ang ginawa ko. Kaya lang, mas mahal niya pa rin ang babae. Kaya dinispatsa ko na lang sila pareho.”
Sumulyap ito sa likuran at nang tingnan iyon ni Joel ay napasinghap siya dahil may tumutulo palang dugo. Ibig sabihin… mga katawan ang laman ng maleta!
“Makinig ka. Kabisado ko ang plate number ng sasakyan mo kaya kapag nag-ingay ka ay pareho lang ng sinapit nila ang mangyayari sa’yo. Kung mananahimik ka naman, edi buhay ka. Ngayon… bababa na ako. Pakitapon mo nalang sa ilog ang mga katawan. Tandaan mo, hindi tayo nagkita. Hindi tayo magkakilala,” wika nito bago bumaba ng sasakyan at pumasok sa tapat ng isang hotel.
Tumango si Joel tapos ay nagmaneho na. Alam niya na kung saan pupunta.
Nakarating siya sa isang ilog na walang tao. Lumingon muna siya sa paligid tapos ay in-itsa na ang maleta roon. Pinagpag niya ang kamay bago sumakay sa kotse.
Nagmaneho siyang muli pabalik sa hotel.
Madali naman siyang pinapasok ng receptionist at guard nang sabihin niyang kilala niya si Rebecca- siya ang nagbaba rito kanina.
Kinatok niya ang pinto ng hotel nito at nagulat pa ang babae nang makita siya. Siguro ay ‘di inaasahan na di siya matatakot.
“Alam mo, unang kita ko pa lang sa’yo? Alam ko nang magkakasundo tayo sa maraming bagay. Ikaw ang tipo ko,” nakangising sabi ni Joel. Tapos noon ay inilabas ang isang litrato mula sa bulsa. Naroon si Karen at ang kalaguyo nito, nakalagay rin ang mga katawan sa maleta bago niya itinapon sa parehong ilog.
Oo, tinapos niya ang buhay ng dalawa anim na buwan na ang nakalipas. Hindi niya akalain na matatagpuan niya na ang babaeng nakatakda para sa kanya, ang babaeng pareho niya ng ‘gawain’.