Isang umaga ay may isang lalaki na nagtungo sa kagubatan upang pumutol ng isang puno para gawing panggatong.
Pinili niya ang isang mataas at tuwid na puno sa tabi ng isang lawa. Sinimulan niya itong putulin gamit ang kanyang dalang palakol. Ang ingay na nilikha ng palakol ay umalingawngaw sa buong kagubatan.
“Kailangan na matapos ko ito bago magtanghali,” pabulong na wika ni Daniel.
Mabilis ang kanyang ginawang pagkilos sa dahilang ayaw niyang abutan siya ng tanghali dahil sa ganoong oras ay sobrang mainit na ang sikat ng araw. Nang ‘di sinasadya, ang talim ng palakol na kanyang tangan ay tumilapon sa lawa.
“Anak ng… nahulog pa sa tubig. Kung minamalas ka nga naman!” inis niyang sabi habang napapapalatak.
Agad niyang sinisid ang lawa ngunit sa kasawiang palad nabigo siyang makita ang kanyang hinahanap.
“Hala, nasaan na iyon? Dito lang iyon nahulog ah. Bakit hindi ko na mahanap?” wika niya sa sarili.
Naupo siya sa paanan ng puno at nag-isip kung ano ang susunod niyang gagawin. Nang biglang lumitaw sa kanyang harapan ang isang napakagandang babae. Mahaba ang buhok, mayroong puting kasuotan na kumikinang. Isa itong engkantada!
“Ano ang problema mo, lalaki?” tanong nito sa kanya.
Laking gulat naman ni Daniel nang biglang lumitaw sa kanyang harapan ang engkantada. Hindi siya halos nakagalaw sa kanyang kinauupuan.
“T-totoo ba itong nakikita ko? Isang napakagandang engkantada ang nasa aking harapan?” sabi ng lalaki.
Ngumiti ang engkantada at muling nagsalita.
“Hindi ka nananaginip, lalaki. Totoo ang nasa iyong harapan. Ako ay isang engkantada. Ako si Malariel, ang engkatandang tiga-bantay sa kagubatang ito. Nakita kong malalim ang iyong iniisip at tila may bumabagabag sa iyo. Ano ba iyon?” muli nitong tanong.
“Ang talim ng aking palakol ay nahulog sa tubig,” tugon ni Daniel. “Hindi ko alam kung ito’y makikita ko pang muli.”
“Tingnan ko kung ano ang aking maitutulong sa iyo, lalaki,” sabi ng engkantada sabay talon sa lawa. Sa muli nitong paglitaw ay may hawak na itong talim ng palakol na lantay na ginto.
“Ito ba ang hinahanap mo lalaki?” tanong ng magandang engkantada.
Pinagmasdang mabuti ni Daniel ang palakol.
“Hindi, hindi sa akin iyan,” pagtanggi niya.
Inilapag ng engkantada ang gintong talim sa may pampang at muli itong sumisid sa lawa.
‘Di nagtagal ay muli itong lumitaw na hawak ang pilak na talim ng palakol.
“Ito ba ang talim ng iyong palakol?” tanong ng engkantada
“Hindi pa rin, hindi sa akin iyan,” sagot ni Daniel.
“Hindi pa rin ito ang iyong hinahanap? Sandali at hahanapin ko ulit.”
Inilapag ng engkantada ang pilak na talim sa tabi ng gintong talim at pagdaka’y muli itong sumisid sa lawa.
Nang muling lumitaw ang engkantada ay tangan nito ang isang bakal na talim.
“Ito ba ang iyong hinahanap lalaki?” tanong nito.
“Oo, iyan nga ang aking nawawalang talim,” masayang sagot ni Daniel. “Maraming salamat sa iyong pagtulong sa akin mahal na engkantada.”
Ibinigay ng engkantada ang kanyang talim pati na ang ginto at pilak na mga talim.
“Ako’y humahanga sa iyong katapatan lalaki. Kaya’t bilang gantimpala, ipinagkakaloob ko sa iyo itong ginto at pilak na mga talim.”
Laking tuwa ni Daniel sa ibinigay na gantimpala sa kanya ng engkantada. Nagpasalamat siya rito at lumakad na siyang pauwi na taglay ang kagalakan.
Samantala, pagbalik ni Daniel sa kanilang bayan ay may kapitbahay ang lalaki na isa ring magtotroso na agad na nakakita sa mga talim na ginto at pilak na kanyang dala-dala at ito’y nag-usisa.
“Saan mo nakuha ang mga talim na iyan, Pareng Daniel?” tanong ni Gardo.
“Mangyari’y nagpuputol ako ng isang punongkahoy sa tabi ng isang lawa sa gubat nang matanggal at nahulog sa tubig ang talim ng aking palakol. May tumulong sa aking isang magandang engkantada at ako’y binigyan pa niya ng dalawang talim,” masayang sagot ng lalaki.
Lihim na natuwa si Gardo at nakaisip agad ng plano.
“Sabihin mo sa akin kung paano ako makakarating doon? Nais ko ring subukin ang aking kapalaran,” tanong ng magtotrosong kapitbahay.
Sinabi naman ni Daniel ang daan patungong lawa. Nagmamadaling tinungo ni Gardo ang lugar.
Hindi naman nahirapan sa paghahanap ang lalaki sa nasabing lawa at sinimulan na ang pagputol ng isang puno. Dinig na dinig sa buong kagubatan ang ingay na nilikha niya. Hindi nagtagal at ang talim ng palakol na sadya niyang niluwagan ay natanggal at nahulog sa tubig. Sumisid siya at nagkunwaring naghahanap. Naupo siya sa pampang at kunwa’y nalulungkot sa kanyang sinapit.
Mayamaya ay lumitaw na ang magandang engkantada at nagtanong.
“Lalaki, tila yata malungkot ka?”
Saglit na nagulat si Gardo. Hindi siya makapaniwala na totoo ang sinabi sa kanya ng kapitbahay na si Daniel. Totoo nga na may engkantada sa gubat.
“Mangyari’y nawala ang pinakamahalaga kong pag-aari,” hinagpis ng lalaki.
“Ano ang nawala at paano nawala ito?” tanong ng engkantada.
“Pinuputol ko ang punong ito,” sabay turo sa puno kaharap niya.
“Nang biglang natanggal ang talim ng aking palakol at nahulog sa lawa. Naglagay ako ng panibagong talim at nagtatrabahong muli ngunit nahulog din ito sa tubig. Sinisid ko, ngunit hindi ko natagpuan,” nagpatuloy sa pag-iyak si Gardo.
“Huwag ka nang umiyak, titingnan ko kung ano ang aking maitutulong,” tugon ng engkatadang si Malariel sabay talon sa lawa.
Nang lumitaw ang engkantada ay tangan nito ang isang gintong talim.
“Ito ba ang iyong nawawalang talim?” tanong nito.
Kinuha ng lalaki ang gintong talim at nagsabing, “Oo, ito nga ang aking gintong talim. Maraming salamat sa iyo. Mayroon pa akong isang talim na nawawala.”
“Susubukin kong hanapin din iyon,” sabi ng engkantada at pagdaka’y sumisid muli sa lawa.
Ngayon, naisip ng lalaki na magiging kasing yaman na niya ang kanyang kapitbahay na si Daniel.
Ilang sandali pa’y lumitaw ang engkantada na may hawak na pilak na talim. Iniabot nito iyon kay Gardo at nagtanong, “Ito ba ang isa mo pang talim na nawawala?”
Iniabot ng lalaki ang talim na pilak at nagwika, “Oo, oo! Iyan nga ang isa pa. Hanga ako sa iyo, napakagaling mong sumisid. Maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa akin mahal na engkantada.”
Ngunit imbes na ibigay kay Gardo ay hindi ipinagkaloob ni Malariel sa kanya ang talim na hawak nito.
“Hindi mapapasaiyo ang talim na ito, maging ang hawak mong gintong talim. Ang mga matatapat lamang ang aking pinagkakalooban ng tulong at hindi ang tulad mong sinungaling at gahaman. Ang mabuti pa’y umalis ka na sa kagubatang ito kung hindi ay magsisisi ka na pumunta ka pa rito!” banta ng engkantada at naglaho sa harapan ng lalaki. Naglaho rin na parang bula ang hawak niyang gintong talim.
Labis ang pagkapahiya ni Gardo sa kanyang sarili. Ang akala niya ay maloloko niya ang engkantada. Wala siyang nagawa kundi ang maglakad pauwi sa kanilang bayan na walang dalang kung anuman.
Hindi talaga nagtatagumpay ang mga taong ganid at mapaghangad. Matutong makuntento at maging matapat para gantimpala ay makamtan.