
Nang Mauhaw Ang Tigang Na Lupa
“Mahal…”
Kinalabit ni Aling Teresa ang kaniyang asawang si Mang Peter mula sa pagkakahimbing nito subalit umungot lamang ito sa kaniya.
“Ano iyon?” tanong ni Mang Peter.
“Gusto ko…” pagpaparamdam ni Aling Teresa sa asawa. Niyakap niya ito nang mahigpit. Maginaw. Malakas ang ulan sa labas. Dinidiligan ang mga halaman. Uhaw ang tigang na lupa.
“Mahal, pagod ako,” walang ganang sabi ni Mang Peter. Si Mang Peter ay isang foreman sa isang construction site.
“Lagi ka namang pagod eh. Kailan ka ba hindi napagod mula sa trabaho? Sige na. Ako naman ang butingtingin mo,” pang-aakit ni Aling Teresa sa asawa.
Subalit hindi pa rin natinag si Mang Peter. Nakapikit pa rin ito.
“Sige na mahal… bago ang panty ko…”
Maya-maya, narinig na lamang ni Aling Teresa ang malakas na paghilik ng asawa. Tinulugan na siya. Dismayado ang pakiramdam ni Aling Teresa. Napahiya na naman siya sa asawa. Gustong-gusto pa naman niya. Matagal na silang hindi nagsisiping. Kahit may edad na siya’t babae, may mga pangangailangan pa rin naman siya.
Minabuti ni Aling Teresa na bumangon at uminom ng tubig mula sa refrigerator. Mabuti pa ang mga halaman at bulaklak sa labas. Dinidiligan ng langit.
Isang grupo ng mga lalaking mukhang galing sa pagbabasketball ang dumaan sa harapan ng bahay nila. Maiingay ang mga ito. Ang iba’y walang pang-itaas. Napalunok si Aling Teresa nang makita niya ang mga abs ng mga ito. Isa sa mga nakakuha ng atensyon niya ang binatilyong si Gerard, 19 na taong gulang, subalit sadyang nakatatakam ang pangangatawan dahil batak sa paglalaro ng basketball.
Hindi niya mapigilan ang sariling sulyap-sulyapan si Gerard kapag naglalaro ito ng basketball sa basketball court na nasa tapat mismo ng bahay nina Aling Teresa. May kakaibang init siyang nararamdaman sa tuwing nakikita niyang naggagalawan ang mga abs nito kapag tumatalon at nagsho-shoot ng bola sa buslo. Gusto niyang kumuha ng tuwalya at punasan ang mukha at katawan nito kapag hulas na hulas sa pawis. Higit sa lahat, gusto niyang lamutakin ang nakaumbok sa pagitan ng mga hita nito sa tuwing wala itong pang-itaas at tanging naka basketball shorts lamang.
Minsan, nahuhuli siya ni Gerard na panay ang sulyap niya. Agad niyang binabawi ang tingin. Magkakilala sina Gerard at ang asawa. Minsan, nakikipaglaro si Mang Peter sa tropa nito. Aminado siyang sa edad niya ay natutukso pa rin siya sa ibang mga lalaki. Meron pa rin naman siyang mga pantasya lalo na sa gabi. Kung alam lang ni Gerard na minsan ay iniisip niya kung masarap ba itong katalik sa kama, malamang ay lumayo na ito sa kaniya, o baka naman ayain siya.
“Ano ka ba naman Teresa? May asawa ka na. Tumigil ka,” bulong ni Teresa sa sarili. Minabuti niyang bumalik sa kwarto at itulog na lamang ang init na nararamdaman.
Kinabukasan, maagang pumasok si Mang Peter. Marami pa raw kasi silang tatapusin sa trabaho. Ipinasya naman ni Aling Teresa na maglaba na lamang. Minsan ipinagpapasalamat ni Aling Teresa na may sari-sariling pamilya na rin ang kanilang mga anak dahil nagagawa niya ang mga gusto niya.
Nang siya ay magsasampay na sa labas ng kanilang bahay, nagulat siya dahil biglang napadaan si Gerard. Magbabasketball ito. Katuald ng dati ay hubad baro. May hawak itong bola.
Naalala ni Aling Teresa ang pagpapantasya niya rito kagabi. Hindi sinasadyang nabitiwan ni Gerard ang hawak na bola at gumulong sa paanan ni Aling Teresa. Hinabol ito ni Gerard habang nakayuko. Hindi sinasadyang bumangga ang mukha nito sa kaniyang pagkababae. Nakadaster lamang si Aling Teresa.
“Pasensya na po Aling Teresa…” nahihiyang sabi ni Gerard.
“A-ayos lang. Sa susunod mag-ingat ka na ha,” tugon ni Aling Teresa.
“Ang bango po…” nasabi ni Gerard.
“Ang alin?” Alin ang mabango?” namula si Aling Teresa. Naamoy kaya ni Gerard ang kaniyang ‘flower’?
“Ang bango po ng fabric conditioner na ginamit ninyo sa mga nilabhan ninyo. Sige po. Pasensya na…” nakangiting sabi ni Gerard at nagpaalam na ito. Lalong namula si Aling Teresa. Oo nga pala, nagsasampay nga pala siya. Masyadong malisyoso ang kaniyang isip.
Hindi na nakapagtimpi si Aling Teresa. Sinitsitan niya si Gerard. Pinalapit. Nang lumapit ang binatilyo, hinila siya ni Aling Teresa sa loob ng bahay.
“Gusto mo ba? Ako kasi gusto ko. Gusto kitang tikman. Hindi malalaman ni Peter,” walang patumanggang alok ni Aling Teresa sa binatilyo. Kitang-kita niyang napalunok si Gerard.
“Pasensya na po Aling Teresa. Iginagalang ko po kayo. Para ko na po kayong nanay. Hindi ko po magagawa sa inyo ang gusto ninyo,” magalang na tugon ni Gerard.
At parang binuhusan ng malamig na tubig si Aling Teresa. Para siyang natauhan. Anong ginawa niya? Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa. Dala ng init ng katawan na hindi natighaw kagabi, kung ano-ano ang naiisip niya. Hiyang-hiya siya kay Gerard. Pakiramdam niya’y nais niyang lamunin ng lupa sa mga sandaling iyon.
“Pa-patawarin mo ako Gerard. Hindi ko sinasadya. Nadala lang ako ng pangungulila ko sa asawa ko. Hindi na mauulit. Ipangako mo sa aking hindi mo ito ikukuwento sa iba,” hintakot na pakiusap ni Aling Teresa sa binatilyo. Nangako naman ang binatilyo na wala siyang pagsasabihan hinggil dito.
Subalit may nakakita na palang mga kapitbahay na tsismosa sa ginawang panghahatak ni Aling Teresa kay Gerard patungo sa bahay niya. Pinag-usapan na sila at madaling kumalat ang alingasngas na may relasyon umano sina Aling Teresa at Gerard. Nakarating sa mga magulang ni Gerard ang mga kuwento kaya naman sinugod nila sa bahay nito si Aling Teresa.
“Hoy Teresa! Mahiya ka naman sa balat mo! Ang tanda-tanda mo na’y pumapatol ka pa sa bata? Para mo nang apo ang anak namin. Tantanan mo siya! Alam ba ito ni Peter?” galit na sabi ni Aling Lourdes, ang nanay ni Gerard.
“Nagkakamali kayo. Magpapaliwanag ako,” hiyang-hiyang sabi ni Aling Teresa lalo’t nakatingin sa kaniya ang lahat ng mga matang mapanghusga.
Nakarating kay Mang Peter ang akusasyon ng kanilang mga kapitbahay sa kaniyang asawa. Umabot pa ang usapin hanggang sa barangay at balak pa itong dalhin sa husgado. Matapos ang ilang paliwanagan, at batay na rin sa testimonya ni Gerard na walang namagitan sa kanila ni Aling Teresa, nagkaareglo sila.
Nagkaroon din ng kasunduan na maaaring ireklamo ni Aling Teresa ang sinuman sa mga kapitbahay na pag-uusapan ang naturang isyu. Ipinangako ni Aling Teresa sa kaniyang sarili na hindi na ulit mangyayari ang naturang kahihiyan, at matututong makuntento sa kung anong kayang ibigay ng sarili niyang asawa.