Inday TrendingInday Trending
Isang Pares Ng Gintong Sapatos

Isang Pares Ng Gintong Sapatos

“Sumali ka na kasi sa badminton, Reign. Magaling ka naman, eh. Panigurado maiuuwi mo ang gintong medalya sa darating na university games! Magiging tanyag pa ang ating paaralan kapag nagkataon!” wika ni Kyline sa kaibigan nang minsan silang mapadaan sa isang court kung saan nag-eensayo ang mga manlalaro ng badminton.

“Wala naman kasi akong matinong sapatos, Kyline. Tingnan mo nga, ‘to. Parang dalawang talon na lang, bibigay na,” daing ni Reign habang ipinapakita sa kaibigan ang kaniyang lumang suot na sapatos.

“Lagyan mo muna ng pandikit! Sa try out mo lang naman kailangan ng sapatos, kapag naman nakuha ka na bilang manlalaro, bibigyan ka nila ng bagong sapatos,” pangungumbinsi ng kaniyang kaibigan, bakas sa mukha nito ang kagustuhang mapasali ang dalaga sa patimpalak.

“Baka kasi iwan ako nito. Wala ka bang pwedeng ipahiram sa akin?” tanong ng dalaga.

“Naku, wala, eh. Sapatos pampasok lang ang mayroon ako, ‘yung black shoes, gusto mo?” pabirong tugon ni Kyline sabay humagalpak ng tawa.

“Diyos ko! Akala mo naman pwede ipanglaro ‘yon! Halika nga, samahan mo ako bumili ng pandikit sa sapatos! Puro ka kalokohan, eh,” inis na sambit ng dalaga saka hinila ang kaibigan.

“Sandali, sasali ka na?” paninigurado nito.

“Oo!” sigaw ng dalaga saka tuluyang naglakad, sigaw naman nang sigaw ang kaniyang kaibigan sa tuwa. Halos pagtinginan sila ng lahat ng manlalaro sa court.

Nasa ikaapat na taon na si Reign sa kolehiyo ngunit kahit na minsan, hindi niya tinangkang sumali sa mga palaro kahit pa gustong-gusto niya. May kakayahan naman siyang maglaro, lalo na sa sports na badminton ngunit laging humahadlang sa kaniya ang kanilang estado sa buhay.

Mag-isang naninirahan sa Maynila ang dalaga habang nasa Samar ang kaniyang mga magulang. Dito niya napiling mag-aral ng kolehiyo dahil akala niya, magaan ang buhay dito kumpara sa kanilang probinsya. Ganoon na lamang kung tipirin ng dalaga ang pinapadalang isang libong piso ng kaniyang ama sa loob ng isang buwan. Malaking tulong nga na iskolar siya ng bayan, kundi, baka hindi na siya tuluyang makapag-aral sa taas ng matrikula.

Kaya ganoon na lamang ang pagdadalawang isip ng dalaga kung sasali siya sa nasabing palaro. Bukod kasi sa baka hindi niya mapagsabay ang kaniyang pag-aaral at ang kaniyang training kung sakaling makapasok siya, wala siyang maayos na sapatos. Ngunit dahil nga mapilit ang kaniyang kaibigan, pinili niyang harapin ang hamon ng buhay manlalaro.

Nakabili nga sila ng pandikit ng sapatos at ganoon nila naayos ang sapatos ni Reign dahilan upang bahagya nang mapanatag ang dalaga.

Kinabukasan, maagang nagising ang dalaga upang sumali sa gaganaping try out para sa mga manlalaro ng badminton sa kanilang paaralan. Maraming estudyante ang sumubok ngunit kaunti lamang ang nakuha, at sa kabutihang palad, kasama doon ang dalaga. Halos magsusumigaw ang kaniyang kaibigan nang malaman ito. Ngunit humiling ang isang hindi natanggap na manlalaro ng isang laro at gusto nitong kalaban si Reign.

Nagtataka kasi ito na nakuha ang dalaga, ‘ika niya, “Mas magaling pa nga ako d’yan, eh. Bakit ako hindi niyo kinuha?” kaya naman upang matahimik ang nagmamalditang estudyante, pinagbigyan siya ng coach.

Halos matambakan ito ng puntos ni Reign! Ngunit sa kalagitnaan ng laro, pagtakbo ng dalaga upang habulin ang shuttle cock, biglang nagkahiwalay-hiwalay ang kaniyang sapatos dahilan upang magsihagalkapakan ang lahat ng estudyante. Halos mapaihit naman sa kakatawa ang kaniyang kalaban.

“Okay, talo na ako. Nakakaawa na yung sapatos mo, eh,” panunukso pa nito sabay dura sa pinupulot na swelas ng dalaga. Mangiyakngiyak na tumakbo ang dalaga upang makatakas sa mapangutsyang mga manunuod.

Napasalampak na lamang siya sa damuhan, hindi kalayuan sa kanilang court. Doon niya binuhos ang kahihiyan niya.

“Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa akin, hindi na sana ako sumali sa palarong ‘yon!” inis niyang sambit, ngunit nagulat siya ng may mag-abot sa kaniya ng isang pares ng gintong sapatos!

“O, suotin mo, at bumalik ka sa court. Ang isang manlalaro, hindi nagpapatalo, mapapagod pero hindi susuko. Maiinis pero hindi magpapadala sa mga nanunuod. Tumayo ka na d’yan, may training pa tayo,” wika ng isang pamilyar ng boses at pag-angat niya ng kaniyang ulo, nakita niya ang kanilang coach, seryoso ang mukha nito at bahagyang ngumiti nang kunin niya ang sapatos.

Lahat ng sinabi nito ay tila tumagos sa kaniyang puso dahilan upang mas lalo siyang ganahang pasukin ang buhay ng isang manlalaro.

Dibdibang training ang ginawa sa kanila ng nasabing coach na nagbunga ng dalawang gintong medalya para kay Reign. Siya rin ang tinaguriang, “star player” at “MVP” sa badminton dahil sa ipinalamas niyang lakas at galing.

Nakilala sa buong ka-Maynila-an ang dalaga at nakatanggap ng iba’t-ibang iskolar sa mga butihing pusong naantig sa kaniyang kwentong minsan niyang ibinahagi noong manguna siya sa mga manlalaro.

Hindi hadlang ang kahirapan o ang madla sa pag-abot sa iyong mga pangarap. Tandaan, ibaba ka man ng mundo, may mga tao pa ring nakasuporta at mag-aangat sa iyo.

Advertisement