“Fredo, napanood mo na ba ‘yong bagong palabas ngayon sa TV? Ang ganda! Yung bata nakakalipad tapos may super powers pa siya!” kwento ng batang si Kyle, isang araw matapos silang maglaro ng kaibigan.
“Ah, eh, hindi pa, eh. Wala naman kaming TV sa bahay, ‘di ba? Kung magkakaroon naman kami ng TV, wala naman kaming kuryente,” sagot ni Fredo, bakas sa mukha niya ang kalungkutan.
“Ay, ganon ba? Edi makinuod ka na lang sa bahay namin bukas ng umaga! Para makita mo yung kaastigan nung batang bida!” sabik na tugon naman ng kaniyang kaibigan.
“Talaga? O, sige! Excited na ako! Matagal-tagal na rin simula noong huli akong nakapanood sa TV!” sambit ng bata, tila nabuhayan siya ng loob sa sinabi ng kaibigan.
“Kita tayo bukas sa amin, ha? Uwi muna ako, baka pagalitan na ako, maggagabi na. Paalam!” pagpapaalam ni Kyle, saka tumakbo na palayo. Naiwan namang nakangiti ang batang lalaki.
Sa murang edad ng batang si Fredo, namulat na siya sa kahirapan ng buhay. Sa katunayan nga, sa tabing ilog na lamang nakatayo ang kanilang barung-barong.
Tatlong taon na matapos masama ang kanilang bahay sa isang sunog at simula noon, hindi na muling nakabagon ang kanilang pamilya. Lahat kasi ng kanilang ari-arian ay natupok ng apoy.
Dahilan upang ganoon na lamang masabik ang batang lalaki na makapanuod muli ng telebisyon.
Kinabukasan, maagang nagising si Fredo upang magpunta sa bahay ng kaniyang kaibigan, simana niya pa ang kaniyang kapatid para makapanuod rin. Ngunit ang pagsabik niya ay napalitan ng lungkot ang pagkaawa sa sarili nang dumating siya sa bahay nito.
“Aba, sino kayo? Sino nagsabing pwede kayong pumasok sa pamamahay ko? Tingnan niyo nga ang mga paa niyo, nanggigitata! Kakalinis ko lang ng sahig namin! Doon kayo, doon kayo! Ayokong marumi sa bahay namin!” bunganga ng ginang na nakakita sa kaniyang nakaupo sa sofa.
“Makikinood lang po sana kami, inaniyayahan po ako ni Kyle, sinama ko lang po ang kapatid ko,” sagot ni Fredo saka tinuro ang kaibigang kakababa lamang mula sa pangalawang palapag ng bahay.
“Hindi ko pinayagan ‘yang si Kyle na papuntahin kayo dito! Ayoko ng marumi! Ayoko ng gusgusin!” sigaw pa nito saka tuluyang pinalabas ang bata, nang makalabas na siya, binuksan nito ang kanilang telebisyon dahilan upang mapasilip ang bata sa kanilang bintana.
“Kyle! Isarado mo nga ‘yang bintana!” utos nito sa anak nang makitang nakasilip ang bata.
“Fredo, pasensya ka na, ha? Pangako, ikukwento ko na lang sa’yo. Umuwi na lang kayo, papagalitan na ako ni mommy. Sorry talaga,” bulong ni Kyle sa kaibigan, bakas sa mukha nito ang lungkot.
Tumango-tango lang naman ang bata saka tuluyang umalis, pigil-pigil ang kaniyang luha huwag lamang mapahiya sa kaniyang kapatid na hila-hila niya pauwi.
Doon nagsimula ang pangangarap ng batang si Fredo. Nagsumikap siyang mag-aral hanggang sa makatapos siya ng hayskul. Kahit pa walang baon, panay ang pagpasok sa paaralan ng lalaki. Minsan pa nga, naranasan niyang pumasok ng walang laman ang sikmura, ngunit hindi niya ito iniintindi.
Lagi niya lamang iniisip, “Gusto kong makapagtrabaho, mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko at makabili ng sariling telebisyon.”
Nagbunga nga ang pagsisikap ng bintana. Tila sinuwerte siya nang minsang makakilala ng isang pastor na tumulong sa kaniyang makapag-aral sa kolehiyo. Nakapagtapos siya sa kursong accountancy at isa na ngayong ganap na manager ng isang tanyag na bangko.
Doon niya unti-unting naiangat sa hirap ang kaniyang buong pamilya. Nabili siya ng sariling bahay, may kuryente na muli sila at higit sa lahat, nabili na siya ng pinapangarap niyang telebisyon.
Labis ang saya ng binata, ganadong-ganado siya sa pagtatrabaho. Paindak-indak pa siya habang nagmamasid sa mga ginagawa ng kaniyang mga hinahawakang empleyado hanggang sa nakabangga siya ng isang lalaki at natapon ang hawak-hawak nitong isang garapong barya.
“Ay, naku, sir pasensya na po!” wika niya saka tumulong magpulot ng barya.
“Fre- Fredo? Ikaw nga!” sigaw nito, dahilan upang mapatingin siya dito. Doon niya napagtantong ito pala ang dati niyang kaibigang si Kyle. Hindi niya ito kaagad nakilala dahil parang labis itong tumanda.
Nagkukumustahan ang dalawa hanggang sa nabanggit nito na malubha na raw ang pakiramdam ng ginang na nagsungit sa kaniya.
“Sa totoo nga niyan, ipon ko ito, ayaw kasi tanggapin sa ospital kapag tagpipiso, kaya ipapabuo ko dito,” kwento pa ni Kyle, saka bahagyang ngumiti.
Naawa ang binata sa pinagdadaanan ng kaniyang dating kaibigan. Kahit kailan nama’y hindi naging masama ang pakikitungo nito sa kaniya, at tanging nanay lamang nito ang nagpakita ng kalupitan sa kaniya.
“Kahit pa pinagdamutan ako nila ako noon, hindi tamang ipagdamot ko rin ang biyayang mayroon ako ngayon,” bulong ni Fredo sa sarili.
Kaya naman, noong oras ring ‘yon, sumama siya kay Kyle upang bisitahin ang ina nito. Nag-abot siya ng kaunting tulong at bumili ng ilang prutas. Muli siyang nagpakilala sa ginang, hindi na kasi siya nito maalala at noong nakapagpakilala na siya, labis ang paghingi ng tawad ng ginang.
“Ayos lang po ‘yon, ‘yon nga po ang siyang naging inspirasyon ko sa buhay.” nakangiting sambit nito.
Simula noon, napalapit ang loob ng binata sa ginang. Halos linggo-linggo siyang dumadalaw dito hanggang sa tuluyan na itong makauwi sa kanilang bahay. Labis ang bilib nito sa kaniya dahil kahit pa pinagdamutan siya noon, hindi siya gumanti ng sama ng loob.
Kung alam mo ang pakiramdam nang pinagdadamutan, huwag kang magdamot sa iba. Sobra-sobrang biyaya ang iyong makakamtan kapag mapagbigay ka.