Inday TrendingInday Trending
Abusadoʼy Hindi Uubra

Abusadoʼy Hindi Uubra

“Salamat, pare ha? Sobrang laking tulong nito para sa anak ko.” Maluha-luha ang kasamahan ni Benji na si Kevin habang nagpapasalamat pagkatapos niyang ibigay ang inuutang nitong sampung libo sa kaniya. Paano kasi ay naospital ang anak nito at malala ang lagay. Naawa naman si Benji, kaya walang pagdadalawang isip niya itong tinulungan.

“Walang anuman iyon, Pare. Hayaan moʼt magiging ayos din ang lahat. Ipagdarasal natin ang anak mo.” Tinapik pa ni Benji ang balikat ng kasamahan.

Tila naman nanghahaba ang tainga ng kasamahan din nila sa trabahong si George. Kitang-kita rin nito ang pag-aabot ni Benji kay Kevin ng pera. Kilala si Benji sa kanilang kompanya bilang napakamatulungin. Kaya naman parang nakikini-kinita na ni George na magkakaroon na siya ng pantaya sa sabong mamaya kung susubukan din niyang humiram kay Benji.

“Oh, pare bakit parang nanlulumo ang hitsura mo?” tanong sa kaniya ni Benji, maya-maya, nang magpanggap si George na namomroblema. Panay ang kaniyang buntong hininga at sapu-sapo rin niya ang kaniyang ulo, para kumpleto na ang kaniyang acting. Sa likod naman ng kaniyang isip ay nagbubunyi si George dahil successful ang kaniyang plano. Agad nga siyang napansin ni Benji!

“Namomroblema kasi ako, Pare, para sa kapatid ko,” pagsisimula niya. Gusto na niyang ngumisi nang mga oras na iyon.

“Bakit, pare, ano baʼng nangyari?” may pag-aalalang tanong naman ni Benjibsa kaniya.

“Medyo nagkaroon kasi ng komplikasyon sa kidney ng kapatid ko, Pareng Benji, eh. Hindi na kinakaya ng katawam niya ang matinding sakit niya roon.” Umakto pa siyang parang maiiyak para lang mapapaniwala si Benji.

“Huwag kang mag-alala, pare, magiging maayos din ang lahat. Kung may maitutulong ako sa ʼyo, sabihin mo lang,” saad ni Benji na siyang pinakahihintay na sagot naman ni George. Halos magtatalon na sa tuwa ang kaniyang puso dahil talagang kumakagat ang uto-utong ito sa kaniyang patibong!

“Naku, Pareng Benji, huwag na. Nakakahiya naman sa ʼyo, eh,” paninilo pa niyang muli rito upang mas lalong kumagat.

“Ano ka ba, ayos lang sa aking tumulong sa mga taong totoong nangangailangan,” tila may kahulugan nang sabi ni Benji. Napalunok si George dahil parang pinagdiinan nito ang mga salitang, “totoong nangangailangan” sa kaniya upang siyaʼy makonsensiya.

“Baka guni-guni ko lang ʼyon,” aniya pa na pati ang sarili ay pinaglololoko na.

“Sigurado ka ba, Pareng Benji? Kasi, nangangailangan ako ng bente mil bilang paunang bayad para sa pagpapaopera ng kapatid ko, e,” sabi niya. Nag-uumpisa na siyang manghingi.

“Mayroon akong inipong bente mil sa bangko, pare. Pupuwede ko iyong ipahiram sa ʼyo,” sabi ni Benji. Iyon na ang pinakahihintay ng oportunista at abusadong si George. “Gusto mo bang daanan natin mamaya sa bangko, pagkatapos ay ako mismo ang magbabayad noon sa ospital para naman kung may extra charges pa ay ako na rin ang sasagot,” ngunit dagdag ni Benji na nakapagpalaki ng mga mata ni George.

“H-Huwag na, Benji, nakakahiya naman kung ikaw pa mismo ang magbabayad noʼn, e, pauutangin mo na nga ako,” nanginig na katuwiran ni George.

“Walang kaso sa akin ʼyon, pare. Saka, gusto ko lang makita ang kapatid mo. Malay mo, may maitulong pa akong iba sa kaniya, ʼdi ba?” muli ay giit ni Benji.

“H-huwag na talaga, pare, pero salamat ng marami sa alok mo. Kukunin ko na lang ang pera pagkatapos ay didiretso na ako sa ospital.” Kinakabahan na si George sa mga sagot ni Benji sa kaniya.

“Sige na, pare, pumayag ka na. Gusto ko kasi talagang makita ang kapatid mo. Ang alam kasi naming lahat ay wala kang kapatid, ʼdi ba? Only child ka kasi, kamo mismo sa amin,” dire-diretso at wala nang patumpik-tumpik pang saad ni Benji.

Natigilan si George. Napalunok muli. Pagtingin pa niya sa paligid ay nakatingin na palang lahat ng mga kasamahan nila sa kaniya.

“J-joke lang pala, Pareng Benji!” sabay bawi na lang niya sa sinasabi kanina.

Labis na kahihiyan ang inabot tuloy ni George dahil sa kaniyang kalokohan. Hindi niya alam na ganoon pala katalino si Benji. Oo ngaʼt napakamatulungin nito, ngunit hindi maiaalis na talagang marunong siyang kumilatis ng tao. Halos wala na tuloy maiharap si George dito.

Iiling-iling na lamang na bumalik sa trabaho si Benji. Masiyado siyang naiinis sa mga taong katulad ni George. Isa sa pinakamahalagang natutunan niya sa buhay ay ang pangangailangang maging matalino ka sa pagpili ng mga taong tutulungan, hindi lang para sa iyong sarili kundi para na rin sa kanila.

Advertisement