Maaga pa lamang ay nagising na si Ella sa malakas na katok sa pinto ng kwartong inuupahan.
Kumalas siya sa pagkakayakap kay Tantan, ang kanyang kapatid at inayos ang kumot nito.
Halos madapa siya sa pagmamadali nang marinig ang boses ni Aling Myrna. Malamang ay maniningil na naman ito sa kanya dahil halos dalawang buwan na siyang hindi nakakabayad ng renta.
“Ella! Gumising ka diyan!” umaalingawngaw na sigaw nito.
Kahit na hindi pa nagsusuklay ay lumabas na siya agad at sinalubong ng masungit na kilay ni Aling Myrna.
“Ano, Ella? Tapos na ang palugit ah? ‘Wag mong sabihin na hindi ka pa rin magbabayad?”
Ngumiwi siya sa ginang. “Pasensya na po. Pramis! Magbabayad na talaga ako…”
Tumaas ang kilay nito at humaba ang mapula nitong nguso. Alam naman kasi niya na hindi nito makakaya na palayasin siya dahil kahit na masungit ito sa kanya ay alam pa rin niyang may pakialam ito sa kanilang magkapatid.
“Sige na po. ‘Wag na kasi kayong magpaka-stress! Sayang naman ang ganda n’yo. Magbabayad naman ho ako agad,” pangungumbinsi pa niya.
“Kailan naman iyon kung ganon?” tila nakukumbinsi naman ito nang sumagot.
Sandali siyang nag-isip. ‘Yon nga lang, hindi siya sigurado. Wala pa kasing sumasagot sa mga pinadalhan niya ng kopya ng akda.
Gayunpaman ay hindi siya nawawala ng pag-asa.
“Pag na-imprenta na ho yung libro ko!”
“Naku, naku ha! Basta bayaran mo ako agad… tapos bigyan mo ako ng kopya niyang libro mo.” Ngumiti ito sa kanya at umalis na.
Nang pumasok sa bahay ay doon niya pa lamang nakita kung gaano kagulo at karumi ito. Hindi niya napapansin dahil sa pagtutok sa sinusulat. Tumunog ang kanyang cellphone at lumundag siya nang maisip na baka isa na yun sa hinihintay niya pero wala. Ang sinasabi lang ay ubos na ang load niya.
Napahilata siya at tumingin sa kisame. “Hay, Lord! Kailan mo ba ako bibigyan ng himala? Sana yumaman ako o kaya manalo sa lotto!”
Siyempre alam naman niyang imposible iyon mangyari. Pero minsan ay naiisip niyang pano kaya kung hindi ganito ang buhay niya?
Yung hindi siya mahirap?
Habang naglalakad sa kalye ay agad niyang nakita iyong matandang lalaki na nakaupo. Kumuha siya ng barya at inilagay sa palad nito.
“Hija, hindi ako nanlilimos.”
Kumunot ang kanyang noo at agad na kinuha ang baryang inilagay.
“Ay, pasensya na ho!”
Kung titingnan ang matandang ito ay kakaiba nga ang itsura nito sa iba. Hindi nga ito mukhang nanlilimos at malinis ang itsura.
Maliban doon ay ang maliit na kahon kung saan maraming maliliit na bagay ang nakalagay.
“Ayos lang, pero kung gusto mo na makatulong ay bumili ka na lang nitong paninda ko…”
Wala naman siyang balak na bumili dahil nagtitipid siya pero dahil ayaw niya namang biguin ang matanda ay umupo siya at tiningnan ang mga binebenta nito.
Mayroong libro, singsing, kwintas, pulseras, makulay na panulat at iba’t-ibang klase pa ng laruan.
“Ito na lang ho siguro? Mahilig kasi ako magsulat,” aniya at kinuha ang panulat.
Tumango ito.
“Magkano ho ba?”
“Mura lang iyan, sampung piso.”
Dumukot naman siya sa bulsa at natigil ng makita na iyon na lang ang nalalabi niyang pera. Gayunpaman, ay huminga siya ng malalim at ngumiti.
“Salamat po.”
Problemado siya pag-uwi. Mukhang ang natitirang cup noodles na naman ang kakainin niya. Tinignan niya ang panulat.
“’Di bale na, basta ang importante, nakatulong ako!” Pangungumbinsi niya sa sarili.
Matapos kumain ay pinatulog niya ang kapatid.
“Pasensya na Tan ha, alam ko nangako ako sa’yo at kila nanay bago sila mawala na aalagaan kita at bibigyan ng magandang buhay. ‘Wag ka mag-alala, tutuparin iyon ni Ate Ella!”
“Okay po. Antok na ako. Mahal kita, ate kong maganda!” ngumiti ito ng matamis at humalik sa kanyang pisngi bago ito nakatulog.
Pagkatapos ay bumalik siya sa pagsusulat. Hindi niya maiwasan na sana siya na lang si Anicka, ang mayaman niyang karakter sa sinusulat.
Kabaliktaran nito ang kanyang buhay. Mayaman ito at ‘di na kailangan pang magtrabaho, maganda at kinainggitan ng lahat.
Sa sobrang pagod ay nakatulog siya sa mesa habang hawak ang panulat na iyon.
Nang magising siya ay tinawag agad siya ng isang taong hindi niya kilala. Nakasuot ito ng uniporme ng katulong – kagaya ng mga napapanood niya sa palabas.
“Mam Anicka, handa na po ang maligamgam na tubig na pagpapaliguan n’yo.”
Kumunot lang ang noo niya, walang naiintindihan. Inilibot niya ang tingin sa kwarto kung nasaan siya. Magarbo ito, malayo sa kwartong inuupahan niya.
At ang kama? Napakalambot at napakabango!
Isa lang ang naiisip niyang problema bago niya isipin na perpekto ang lahat.
“Hindi ho ako si Anicka. Ang pangalan ko ay Ella.”
“Hay naku, Ma’am Anicka! Palabiro talaga kayo!”
Natigil siya nang may maisip. Anicka? Hindi ba iyon ang pangalan ng karakter na sinusulat ko?
Sa pagpapatuloy ng araw ay halos lahat ata ng karangyaan ay naranasan niya. Bawat utos niya ay nagkakandarapa ang lahat para sundin.
Hindi siya makapaniwala na nararanasan niya ang buhay na kabaligtaran ng totoo. Naisip niyang sana ay habang buhay na lamang ito ngunit nawala ang ngiti ng may maalala habang nakatingin sa sariling repleksyon sa salamin.
Magarbo ang kanyang suot at kitang-kita ang karangyaan nito. Matagal niya na itong pinapangarap ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso ay hindi siya masayang-masaya.
“Kamusta ka, Anicka? O dapat ba ay Ella?”
Nanlaki ang kanyang mata ng sumulyap ang isang matanda sa kanyang harap. Ang lolo na nagtinda ng panulat sa kanya!
“Kayo po ba ang may gawa nito?”
Tumango naman ito sa kanyang tanong. “Masaya ka ba dito? Kitang-kita ko ang kabutihan ng iyong puso, Ella kaya kita tinulungan. Ipinaranas sa iyon ang buhay na matagal mo ng inaasam.”
Ngumiti siya ng malaki.
“Masaya po ako rito. Masayang-masaya,” sambit niya.
“Kung ganon ay pwede kong ibigay sa iyo ang buhay na ito habang buhay. Kung hihilingin mo! Gusto mo ba?” ngumisi ito sa kanya.
Nawala ang ngiti ni Ella. Alam niya ang kanyang sagot. Tinignan niya ang mundo na matagal niyang inaasam.
Unti-unti ay umiling siya.
“Maraming salamat po sa kabutihan nyo sa akin ngunit sapat na po sa aking ang isang araw. Kahit na anong garbo ng mga bagay ay hindi ko kailangan ipagpapalit ang aking kapatid. Mahal na mahal ko po kasi siya higit sa kahit na ano.”
Ngumiti naman at tumango si Lolo. Kinumpas nito ang isang kamay at sa isang iglap ay nagising si Ella na hawak ang panulat.
Ngumiti siya dito bago niyakap ang natutulog na kapatid.
Alam niyang kahit na kailan ay hindi niya pagsisisihan ang kanyang desisyon. Sigurado siyang kahit anong karangyaan ang itapat sa kaniya, kung hindi niya makakasama ang mga mahal niya sa buhay, ay ‘di bale na lamang.
Simula noon, nagsumikap pang lalo ang babae upang makamtan ang pinapangarap na maginhawang buhay kasama ang mga mahal niya sa buhay.