Abala sa pag-aasikaso ng kanilang kasal sina Greg at Mandy. Ilang linggo na lamang kasi ay gaganapin na ang pinakahihintay nilang araw kaya dapat ay plantsado na ang lahat. Ngunit hati kasi ang oras nitong si Greg kaya maraming hindi pa naaasikaso. Si Greg kasi ang nag-aalaga sa kaniyang Lolo Tonyo na ngayon ay walumput tatlong taon gulang na. Kahit na may kalakasan pa ito ay hindi agad maiwan ni Greg ang lolo sapagkat unti-unti na itong nag-uulyanin.
Maagang naulila sa mga magulang itong si Greg. Mula noon ay kinupkop na siya ng kaniyang Lolo Tonyo. Siya na ang naging nanay at tatay para sa binata. Dahil bale na ay solong katawang inalagaan ng matanda ang noong bata pang si Greg. Pinag-aral niya ito hanggang sa makapagtapos. Dahil dito ay nangako si Greg na sa pagtanda ng kaniyang lolo ay hindi niya ito iiwan.
“Babe, kailangan na nating umalis. Kanina pa naghihintay ang mga suppliers sa atin,” sambit ni Mandy.
“Nakakahiya kung mahuhuli tayo ngayon. Noong nakaraan nga ay hindi na natuloy ‘di ba? Baka sa pagkakataong ito ay magsiatrasan na ang mga ‘yon,” dagdag pa ng babae.
“Sandali lang, babe. Hinihintay ko pa kasi si Aling Magda para tumingin kay Lolo Tonyo. Hindi ko naman pwedeng iwan na lang dito sa bahay mag-isa ang lolo ko. Baka kung ano na lang ang gawin niya,” tugon ni Greg.
Ilang minuto pa ay dumating na rin si Aling Magda upang saglit na bantayan ang lolo ni Greg. Maraming inihabilin si Greg bago sila nakaalis kaya lubusan na ang pagkayamot ni Mandy.
“Sobrang late na tayo, babe. Sana lang ay hindi pa sila naiinis sa atin. Lagi na lang tayong ganito,” nayayamot na sambit ng dalaga.
“Pasensiya ka na, babe. Hayaan mo hindi na ito mauulit. Mahirap kasing maghanap ng titingin kay lolo. Hindi ko naman siya mapagkatiwala sa iba,” wika ni Greg habang nagmamaneho ng sasakyan.
Nang makarating sa kanilang meeting ay agad humingi ng pasensiya itong si Greg. Mabuti na lamang ay naunawaan ito ng kanilang mga suppliers.
Ilang sandali pa ay nakatanggap si Greg ng isang tawag mula kay Aling Magda. Agad na lumabas si Greg sa naturang meeting.
“Greg, ang lolo mo nagpupumilit siyang lumabas. Hinahanap ka kanina pa,” sambit ni Aling Magda. “Pakibigay ninyo po ang telepono sa lolo ko para makausap ko siya,” wika ng binata.
“Lolo, si Greg po ito. Sandali na lamang po at matatapos na po ang meeting namin. Uuuwi na rin po ako kaagad. Ano pong pasalubong ang gusto ninyo?” saad ng binata upang pakalmahin ang kaniyang lolo.
Habang nabalang nakikipag-usap si Greg sa kanilang lolo ay naiwan naman si Mandy sa meeting. Inis na inis ito sapagkat hindi umuusad ang usapan nila dahil hindi hinihntay nila ang mga magiging desisyon ni Greg.
Pagpasok ni Greg sa loob ng silid ay bakas niya sa mukha ng kaniyang kasintahan ang pagkayamot nito. Nang matapos na ang meeting ay agad kinausap ni Mandy si Greg.
“Babe, kailangan ay pag-usapan na natin ngayon kung ano ang gagawin sa lolo mo. Matanda na siya at hindi na natin siya kaya pang alagaan. Paano kung gusto na nating bumuo ng sarili nating pamilya?” pahayag ni Mandy sa kasintahan.
“Hindi naman magiging abala ang lolo ko kung gusto nating bumuo ng pamilya. Alam mo namang ako na lang ang kamag-anak ng lolo ko. Hindi ko siya pwedeng pabayaan,” tugon ni Greg.
“Hindi naman natin siya pababayaan. Kaya nga ipapasok natin siya sa isang home for the aged. Mas maaalagaan siya don. Isa pa, marami siyang makakahalubilo. Puwede naman nating siyang dalawin kahit anong oras nating naisin,” wika ni Mandy. “Hindi ko naman hinihingi ang sagot mo ngayon. Pag-isipan mo lang. Ikonsidera mo ang ideya na ito,” dagdag pa ng babae.
Pag-uwi nila ay sobrang makalat ang bahay.
“Ano po ang nangyari dito, Aling Magda?” sambit ni Greg.
“Hay, Greg, kakatulog lang ng lolo mo. Kanina ay nagwawala siya. Pilit ka niyang hinahanap. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko. Ayaw na kitang maabala kaya hindi na kita muling tinawagan pa. Siguro ay napagod na rin kaya, iyan, nbakatulog siya,” saad ang ale.
“Tingnan mo na, babe. Kung dito tayo titira pagkatapos ang kasal at nandito pa ang lolo mo ay nnaisin mo banag makasama siya ng magiging anak natin. Baka mamaya ay kung ano pang gawin ng lolo mo sa kaniya,” wika ni Mandy.
Ilang sandali pa habang naglilinis si Greg ng mga nakakalat na kagamitan ay nagising na ang kaniyang lolo.
“Greg, ikaw na ba ‘yan?” sambit ng matanda. Pinilit nitong bumangon at puntahan ang binata. Habang naglalakad ito ay nakita ni Greg na unti-unting tumutulo ang ihi nito.
“Lolo, tara po sa banyo,” wika ni Greg habang inaalayaan ang matanda. Kitang kita ni Mandy na hindi na magkandaugaga ang kaniyang nobyo. Bago umuwi si Mandy ay kinausap niyang muli si Greg.
“Ikonsidera mo, babe, ang mga sinabi ko. Mahihirapan tayo kung kasama pa natin ang lolo mo. Baka hindi na tayo makakilos lalo. Atleast, kung nasa home for the aged siya, hindi na tayo ang aasikaso sa kaniya. Makakapagtrabaho ka pa ng mas maayos,” sambit ng dalaga.
Buong gabi inisip ni Greg ang kaniyang gagawin. Tunay nga kasing hindi siya malayang makakilos sapagkat lagi niyang iniintindi ang kaniyang lolo. Sa kaniyang pag-iisip ay muling sumigaw si Mang Tonyo.
“Greg!” sigaw ng matanda. Napatakbo naman palabas ng kaniyang silis ang binata at agad nagpunta sa kaniyang lolo.
“Anong nangyari sa inyo, lolo?” natatakot na sambit ni Greg. Ngunit hindi na siya nakilala pa ng matanda. Kahit pilit niya itong pinipigilan ay walang tigil naman ang matanda sa paglaban sa kaniya.
“Lolo, ako po ito si Greg!” sambit ng binata.
“Hindi ikaw ang apo ko! Asan ang apo ko?” pagpupumiglas ng matanda. Hindi sinasadya na sa pag-awat niya sa pagwawala ng kaniyang lolo ay nasapak si Greg sa mukha. Nasaktan ang binata. Sa puntong iyon ay umiinit na ang kaniyang ulo.
“Lolo! Tama na po! Ako nga ito, si Greg!” naiiyak na siya sa galit.
Lubusan nang nawawalan ng pag-asa si Greg. Muli niyang inisip ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kasintahan. Ilang sandali pa nang kumalma ang kaniyang Lolo Tonyo ay nagwika ito.
“Gusto ko lamang makita ang apo ko. Madami na kasi ang sumusundo sa akin, nakikita ko. Pero ayoko pang iwan si Greg sapagkat alam kong kailangan pa niya ako. Ayokong makita ang apo ko na malungkot. Kung aalis kasi ako ay alam kong malulungkot ng sobra ‘yon. Hindi ko makakaya na makita siyang ganoon,” sambit ni Mang Tonyo.
Lubusang naiyak si Greg sa tinuran ng kaniyang lolo. Hanggang sa huli ay siya pa rin pala ang iniisip nito.
“’Lo, si Greg ‘to. Opo, malulungkot nga ako kung iiwanan ninyo ako. Kaya sana po ay magpalakas kayo,” wika niya sa matanda habang yakap niya ito.
Nang mahimasmasan si Mang Tonyo ay kinausap niya ang kaniyang apo.
“Alam ko Greg ang usapan ninyo ng kasintahan mo. sa kalagayan ko ngayon ay pumapayag ako kung ilalagay ninyo na lamang ako sa isang home for the aged. Naiintindihan ko naman ang nais na mangyari ng nobya mo. Mahihirapan ka talaga kung palaging iniisip mo ang magiging kalagayan ko,” wika niya sa apo.
“Konting panahon na lamang ang ilalagi ko dito sa mundo at gusto ko naman na sa mga panahon na iyon ay hindi ka na mahirapan pa,. Kaya sige, apo. Ilagay mo na ako sa home for the aged,” dagdag pa niya.
Nang malaman ito ni Mandy ay laking tuwa niya sapagkat hindi na niy akailangan pang pilitin ang kaniyang kasintahan dahil kusa nang nagpapalagay si Mang Tonyo sa tahanan para sa mga matatanda.
“Pumayag na ang lolo mo, babe. Dalhin na natin siya,” giit ni Mandy sa kaniyang kasintahan.
“Hindi. Dito lang ang lolo ko,” mariing sambit ni Greg.
“Anong ibig mong sabihin, ayan na nga, nagpapadala na siya doon, bakit ayaw mo pa? Ayaw mo ba non hindi ka na mahihirapan sa pag-aalaga sa lolo mo. Mabubuhay ka na sa paraang gusto mo. Hindi ka na magmamadali laging umuwi kasi kailangan ka niya. At higit sa lahat mapagtutuunan na natin ng pansin ang ating kasal,” saad ng dalaga.
“Tama na, Mandy, mahal kita pero kahit anong mangyari ay hindi ko dadalhin ang lolo ko sa home for the aged!” pasigaw na sambit ng binata.
“Wala ako dito sa mundong ‘to kung ‘di dahil sa lolo ko!” wika pa ni Greg.
“Isipin mo nga, Mandy. Noong mga panahon na wala na ang mgamagulang ko ay hindi nagdalawang isip ang Lolo Tonyo na kupkupin ako. Ibinigay niyang lahat sa akin. Lahat ng oras at panahon niya ay ginugol niya sa pag-aalaga sa akin. Naging maganda ang buhay ko dahil sa kaniya. Ngayong matanda na siya at siya naman ang nangangailangan sa akin ay gusto mong ipamigay ko na lamang siya? Hindi ba dapat mas alagaan ko siya ngayon para naman makabawi ako sa lahat ng mga nagawa niya sa akin,” naiiyak niyang sambit.
“Mahal kita, Mandy. Hindi ako nagdadalawang isip sa nararamdaman ko sa’yo, pero mahal ko ang lolo ko. Kung hindi mo siya matatanggap bilang pamilya ko, mabuti siguro ay huwag na nating ituloy ang kasal,” sambit pa niya sa kasintahan.
Dito na natauhan si Mandy. Naisip niya ang lahat ng magagandang katangian ni Greg na nagpahulog ng kaniyang loob sa binata. Naisip niya na ang lahat ng ito ay dahil sa pagpapalaki ng kaniyang Lolo Tonyo. Humingi siya ng paumanhin sa kaniyang kasintahan.
“Tama ka, babe. Dapat mas sinusuportahan kita ngayon sapagkat alam kong nahihirapan ka. Pero imbis na makatulong ako ay tila dumadagdag pa ako sa mga inisiip mo. Pasensiya ka na. Pangako ko sa’yo, tutulungan kita sa pag-aalaga sa lolo mo. At pagkatapos ang kasal ay kasama pa rin natin siyang maninirahan dito,” wika ni Mandy.
Lubusang ikinatuwa ito ni Greg. Sa wakas ay naunawaan na rin siya ng kaniyang kasintahan. Hindi nagtagal ay natuloy na rin ang kasal. Tulad ng plano ay nanatili sa kanilang pangangalaga ang kanilang Lolo Tonyo.
Dalawang taon ang nakalipas at tuluyan nang binawian ng buhay ang matanda. Baon nito sa kaniyang pagyao ang pagmamahal at pagkalinga na isinukli sa kaniya ng kaniyang nag-iisang apong si Greg.