“Naniniwala ka ba sa tadhana?” tanong ni Cristy sa kaniyang kasintahan na si Jacob habang sila ay nasa isang cafe.
“Bakit mo naman natanong ‘yan?” pagtataka ni Jacob.
“Wala lang. Iniisip ko kasi kung mayroon nga kayang nakatadhana para sa atin, ikaw at ako kaya ‘yun?” tugon ni Cristy.
Matagal nang magkasintahan itong si Cristy at si Jacob. Kababata ng dalaga itong si Jacob hanggang sa nilisan na ng binata ang kanilang lugar kasama ang kaniyang pamilya dahil guminhawa na ang kanilang buhay. Ngunit hindi niya nakalimutan ang pag-ibig niya para sa dalaga. Taon-taon tuwing bakasyon ay dinadalaw niya si Cristy. Masaya silang nagkukwentuhan ng mga kaganapan sa kanilang mga sarili. Hanggang sa nagdalaga at nagbinata ang mga ito. Dito na pinagtapat ng binata ang kaniyang nararamdaman para sa dalaga. Walang mapagsidlan ang kasiyahan ni Jacob nang makamit niya ang matamis na oo ni Cristy.
“Kung mayroong nakatadhana sa’yo, ako lang ‘yun, Cristy,” sambit ni Jacob. “Pero hindi kasi ako naniniwala sa tadhana. Naniniwala ako na kung gusto mo ang bahay ay kailangan mong gawin ang lahat para makuha ito,” wika ni Jacob. “Dahil diyan kailangan ko nang umalis, Cristy. May meeting pa kasi ako sa kliyente,” saad ni Jacob na nagmamadaling umalis.
“Sandali lang, Jacob. Nakalimutan mo na ba na may ensayo ng kasal natin ngayon? Akala ko ba pinakansel mo na ‘yang meeting na ‘yan?” nayayamot na sambit ni Cristy.
“Biglaan kasi talaga. Hindi ko naman puwedeng talikuran ‘to ngayon kasi malaking kliyente ‘to. Kapag nawala ito sa akin ay malaki ang mawawala din sa kumpanya. Ikaw na muna ang bahala sa ensayo. Tutal tatayo lang naman ako sa may altar at hihintayin ka, kaya niyo na ‘yun,” sambit ni Jacob sabay alis.
Naiwan namang nag-iisa si Cristy. Dahil sa lungkot na nararamdaman ay tinawagan niya ang kaniyang matalik na kaibigang si Andrea.
“Bakit ganun no, bes, noong nililigawan pa lang ako ni Jacob halos lahat ng oras niya ay nasa akin. Gagawin niya ang lahat para lang makasama ako. Pero sa habang tumatagal ang realasyon namin at papalapit na kami sa kasal, parang lumalabo na,” malungkot na wika ni Cristy sa kaibigan.
“Bes, baka naman na-stress ka lang sa pag-aayos ng kasal ninyo. Hayaan mo nandito naman ako. Tutulungan kita,” paninigurado ni Andrea.
“Salamat, bes, ah. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka,” saad ng dalaga.
Ilang araw pa ang nakalipas ngunit madalas ay hindi na nakakasama ni Cristy itong si Jacob sa pag-aayos ng kanilang kasal. Madalas ay ang dalaga na lamang ang nagdedesisyon sa kung ano ang kailangan nilang gawin. Upang ibalik ang masasaya nilang ala-ala ay gumawa ng paraan si Cristy. Niyaya niya ito na magkita sila sa isang malapit na mall sa kanilang lugar.
Halos dalawang oras na naghintay si Cristy hanggang makatanggap siya ng isang text mula sa kasintahan na hindi ito makakarating at pupuntahan na lamang siya sa kanilang bahay. Nanlumo masyado si Cristy.
Sa kaniyang inis ay naglibot muna siya sa mall. Kahit nagagalit ay hinihintay pa rin niya ang tawag ng kaniyang kasintahan ngunit wala siyang tawag na natanggap. Habang tinititigan ang kaniyang telepono ay may isang babae ang nakabangga sa kaniya. Nang malaglag ang kaniyang telepono ay may isang lalaki naman ang pumulot nito.
“Pasensiya ka na, miss,” sambit ng lalaki habang iniaabot ang kaniyang telepono.
“Okay lang, walang kaso sa akin,” tugon naman niya. Tuluyan ng umalis ang lalaki.
Upang makapag-isip-isip ay minabuti muna niya na pumunta sa isang cafe. Inilabas niya ang dala niyang libro at binasa ito. Habang mag-isa itong ineenjoy ang pagbabasa at ang kaniyang kape ay may isang lalaki na lumapit sa kaniya.
“Miss, ikaw ‘yung kanina ‘di ba?” sambit ng lalaki. Tumango naman si Cristy at pinagpatuloy ang kaniyang pagbabasa.
“May nakaupo ba rito?” tanong ng lalaki. Ngunit hindi umiimik si Cristy.
“Sorry sa abala, miss. Nakita ko kasi ‘yang binabasa mong libro. Nagulat ako nang makita kong ikaw ‘yan. Sige hindi na muna kita aabalahin,” sambit ng lalaki na akma nang aalis.
“Gusto mo rin itong librong ito?” tanong ni Cristy.
“Oo, sa katunayan nga ay mga isang daang beses ko nang nabasa ‘yan. Natutuwa lang ako sapagkat may katulad ko palang nahuhumaling din sa libro na ‘yan.” sambit ng lalaki.
Pinaupo ni Cristy ang lalaki at nagkuwentuhan sila. Pansamantalang nakalimutan ni Cristy ang kaniyang lungkot. Maya-maya ay tumawag na ang kaniya si Jacob. Nasa bahay na pala nila ito at hinahanap ang dalaga. Agad namang nagpaalam si Cristy sa lalaki.
“Kailangan ko nang umuwi. Kanina pa tayo nagkukuwentuhan pero hindi mo pa nasasabi ang pangalan mo,” sambit ni Cristy. “Ako nga pala si Cristy. Sa totoo lang ay masaya ako na nakita kita ngayon. Pansamantala kong nakalimutan ang problema ko. Salamat,” dagdag pa niya.
“Ako nga pala si Noah. Kinagagalak ko din ang makilala ka,” sambit ng lalaki. Nang paalis na si Cristy ay hinabol siya ng lalaki. “Puwede ko ba makuha ang numero mo, Cristy? Kung walang magagalit. Wala lang, baka kasi hindi na maulit ang tagpong ‘to?” sabit ni Noah.
“Naniniwala ka ba sa tadhana, Noah? Kung ang dalawang tao ay nakatadahanang magkatagpong muli ay kahit ano ang gawin nila ay magkikita silang muli,” nakangiting wika ni Cristy. Dali-dali itong umalis.
Pag-uwi ni Cristy ay nadatnan niya ang kaniyang nobyo na naghihintay.
“Bakit ngayon ka lang?” naiinis na wika ni Jacob. “Saan ka ba galing? Kanina pa ako naghihintay sa’yo dito,” sambit ni Jacob kay Cristy pagkapasok pa lamang nito ng kanilang pinto. “Jacob, kailangan nating mag-usap,” wika ng dalaga. “Kung hindi mo mabibigyan ng panahon ang pag-aasikaso natin ng kasal ay mabuti pang iurong na lamang muna natin ang nakatakdang petsa. Baka mas kailangan mo nga ng panahon upang paglaanan ang trabaho mo,” giit ni Cristy. Nagulat siya sa tugon ng kasintahan.
“Talaga? Gagawin mo ‘yun para sa akin? Matagal ko na kasing gustong hilingin ‘yan sa’yo kasi kailangan ko talaga ng panahon na ‘to para palaguin ang kumpanya. Para sa atin din naman ito,” pahayag ni Jacob.
“Hindi talaga ako mali ng pakakasalan,” dagdag pa niya.
“Kailangan ko nang umuwi, Cristy. Marami pa kasi akong tatapusing trabaho,” paalam niya.
Tuluyan nang umalis si Jacob. Ilang saglit at nakatanggap siya ng tawag. Akala niya ay ang kaniyang kasintahan ito kaya malugod niyang sinagot.
“Cristy, si Noah ‘to,” sambit ng lalaki sa kabilang linya ng telepono.
“Paano mong nakuha ang numero ko, hindi ko naman ibinigay sa’yo kanina,” gulat ng dalaga.
“Naiwan mo kasi itong paborito mong libro sa cafe. Tapos nakita ko na nakasulat dito ang numero mo. Kaya agad kitang tinawagan,” tugon ni Noah. “Paano ko masasauli ito sa’yo?” tanong niya.
“Bukas ng umaga may gagawin ka ba? Pwede tayong magkita sa cafe na pinagkitaan natin,” saad ni Cristy. “Salamat, Noah. Pakiingatan na lang, mahalaga kasi iyan sa akin,” dagdag pa ng dalaga.
Muli silang nagkita at nagkakuwentuhan. Dahil sa bilis ng kanilang naging koneksyon ay nakahanap ng kaibigan si Cristy sa katauhan ni Noah at panandalian niyang nakalimutan ang kaniyang mga hinanakit sa kaniyang nobyo. Habang patuloy na nagkikita ang dalawa ay patuloy naman din sa pagkaabala itong si Jacob. Pilit man ilapit ni Cristy ang kaniyang loob sa kasintahan ay unti-unti naman ang paglayo nito dahil sa pagkasubsob niya sa trabaho.
Unti-unti nahulog ang loob ni Cristy kay Noah. Dahil naguguluhan siya sa kaniyang damdamin ay pinilit niya na makipagkita kay Jacob at ibalik ang koneksyon nya sa kasintahan ngunit hanggang sa puntong iyon ay walang inatupag si Jacob kundi ang kaniyang trabaho.
Dito na napatunayan ni Cristy na mas matimbang na sa kaniya si Noah. Hindi niya inaasahan na ganoon din pala ang nararadaman sa kanya ng binata. Ngunit masyado pang maaga upang masabi nilang pagmamahal nga ang kanilang nararamdaman.
Hindi inaasahan ay nakita silang dalawa ni Jacob na masayang nagkukwentuhan. Dali-dali itong lumapit at hindi na nagsalita pa. Pinilit niyang isinama si Cristy ngunit nagpupumiglas ang dalaga. Dahil nasasaktan na si Cristy ay nakielam na si Noah.
“Sino ka ba?” sigaw ni Jacob. “Hindi mo ba alam na ikakasal na siya sa akin?” sambit pa ng binata. Ikinagulat ni Noah ang kaniyang narinig.
“Ikakasal ka na?” tanong niya kay Cristy. Napatango na lamang ang dalaga. Patuloy pa rin sa pagpilit si Jacob sa paghila sa dalaga patungo sa kaniyang sasakyan. Nang makarating sila sa kotse ay saka sila nag-usap.
“Habang abala ako sa pagtatrabaho ay ito pala ang ginagawa mo? Nakikipagdate ka sa iba?” sambit ni Jacob sa dalaga.
“Hindi ko sinsadyang mangyari ito, Jacob. Maniwala ka,” tugon ni Cristy.
“Pero nangyari, Cristy. All this time, niloloko mo ako,” saad ni Jacob.
“Kaya gusto ko sanang makipaghiwalay na sa’yo,” nakayukong wika ng dalaga. “Hindi dahil para sumama na ako sa kaniya pero dahil hindi na ako sigurado sa’yo,” wika niya.
“Natatandaan mo noong panahon na nais kong makipagkita sa’yo? Nais ko sanang pag-usapan natin ang relasyon natin. Na ibalik natin ‘yung tulad ng dati. Pero hanggang sa mga sandali na ‘yon nasaan ka?” pahayag ng dalaga.
“Alam mo kung gaano kita kamahal, Jacob, pero nagbago na ang lahat sa pagitan natin. Ngayon ay hindi ko na nakikita ang sarili ko na kasama ka,” dagdag pa niya.
“Pero paano ang kasal?” tanong ni Jacob.
“Hindi ba, hindi mo na rin naman binibigyan ng pansin ang kasal natin. Ayaw mo nun mas marami ka nang oras para sa trabaho mo. Wala nang aabala sa’yo,” tugon ng dalaga.
“Palayain mo na ako, Jacob. Maiintindihan ko kung magagalit ka sa akin. Pero ayoko na talaga,” wika ni Cristy. At doon na tuluyang naghiwalay ang dalawa.
Ilang buwan ang lumipas at pilit pa ring nagmu-move on ang dalaga. Binigyan niya ang kaniyang sarili ng kalayaang gawin ang mga bagay na hindi niya magawa noong sila pa ni Jacob.
Isang araw habang nasa isang cafe ang dalaga ay may lumapit sa kaniyang lalaki.
“Miss, maganda ang libro na binabasa mo, sa katunayan nga isang daan beses ko na ‘yan nabasa,” wika ng lalaki. Nabigla si Cristy ng makita niya si Noah.
“Hindi ko alam kung tadhana ba ito, pero Cristy sa pagkakataon na ito ay hindi na kita pakakawalan pa,” sambit ni Noah.
“Natatandaan mo ba ang unang pagkikita natin, Cristy? ‘Yung babaeng nakabangga sa iyo noon kaya nalaglag ang cell phone mo? Siya ang dati kong kasintahan. Pinagbibintangan niya ako lagi na may iba. Noong araw na ‘yon halos mag eskandalo siya dito sa mall sa pag-aakala na itinatago ko sa kaniya ang aking babae. Hanggang sa napuno na ako. Sa galit ko, bigla ko na lamang nasabi na sana nga, dumating na sa akin ang babaeng palagi niyang ibinibintang sa akin sapagkat suko na ako sa kaniya. Nakipaghiwalay ako sa kaniya noon tapos nakilala kita,” mahabang pahayag ni Noah.
“Una pa lang kitang makita, Cristy, ay hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko pero sigurado ako na ayaw kitang mawala pa sa buhay ko. Ngayon hayaan mong patunayan ko sa’yo ang nararamdaman ko,” wika ni Jacob.
“Mahal kita, Cristy. Sana tanggapin mo ang pag-ibig ko,” wika ni Jacob.
Sa puntong iyon ay hindi na pinigilan pa ni Cristy ang kaniyang sarili at tuluyan nang binuksan muli ang kaniyang puso sa binata. Hindi nagtagal ay nagpakasal na ang dalawa. Namuhay sila ng masaya at ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga ng dalawang anak.
Isang araw habang nakikipaglaro sa kanilang mga anak ay nakita na lamang ni Noah na nakangiti si Cristy habang nakatitig sa kaniya. Nilapitan niya ito at tinanong.
“Bakit? May dumi ba ako sa mukha?” pagtataka ni Noah.
“Wala lang. Napapaisip lang ako,” sambit ni Cristy.
“Paano kaya kung hindi ako sa mall na ‘yon nagpunta? Paano kung hindi ako nabunggo ng ex-girlfriend mo. Paano kung hindi ko nadala ang libro na binabasa ko noon sa cafe? O hindi kaya nahuli ako ng ilang minuto. Mangyayari kaya ang lahat ng ito?”
“Natatandaan mo ba ang sinabi mo sa akin noon? Ang sabi mo kung nakatadhana talaga ang dalawang tao na magtagpo, kahit ano ang gawin nila ay magkikita at magkikita pa rin sila. Sa tingin ko, tadhana na ang naglapit sa ating dalawa,” tugon ni Noah.
“Kahit ano pa ang tawag mo don, Cristy. Masaya ako na nangyari ang lahat nang iyon sapagkat ngayon ay kasama kita. Wala na akong mahihiling pa,” wika ni Noah sabay yakap sa kaniyang asawa.