Inday TrendingInday Trending
Si Bea at Gerald

Si Bea at Gerald

Matagal nang magkarelasyon sina Bea at Gerald. Marami na rin silang pinagdaanan. Kapwa kasi silang galing sa hirap. Hindi mala-fairytale ang kanilang buhay na prinsipe at prinsesa sila.

Idagdag pa ang mga taong nakapaligid sa kanila sa tinitirhang iskwater. Ang problema kasi sa mga kapitbahay nila ang hirap na nga ng buhay, wala na ngang makain ay puro tsismis pa ang inaatupag. Para bang nabubusog ang mga ito kapag nakakagawa ng kuwento tungkol sa ibang tao. Paborito pang pag-usapan ang loveteam nilang dalawa.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nakabantay ang mga ito. Iyong iba ay may delicadeza at palihim lang kung mag-usap. Pero sadyang may makakapal ang mukha na talagang tumatambay sa tapat nila at tila isa silang circus na pinanonood ng mga ito.

Nakangiti lang naman ang magnobyo kapag ganoon. Katwiran nila ay wala naman silang magagawa, eh. Ganoon ang buhay. Kahit pa minsan siyempre masakit na rin.

“Kumusta ang araw mo, mahal?” tanong ni Bea kay Gerald. Kauuwi lang kasi nito galing sa pinapasukang talyer. “Ayos naman. Alam mo na naman iyon, eh. Mahirap. Pero para sa’yo, sa atin, kakayanin ko,” masuyong sabi ni Gerald.

Niyakap pa siya nito mula sa likod at sinamyo ang kaniyang buhok. “Amoy bawang,” tatawa-tawang biro ni Gerald.

“Hoy, ah! Siyempre kasi cook yata itong girlfriend mo sa karinderya ni Aling Mameng. Amoy bawang man ako masarap naman. Masarap magluto ang ibig kong sabihin,” pilyang biro ni Bea kaya napangiti si Gerald.

“Sus, buntis ka na ba?” bulong ng lalaki. “T*do!” nangingiting sabi ni Bea. Pinagkukurot ang balakang ng nobyo.

“Magpapakasal pa tayo, ‘di ba?” tanong ng babae.

Lumamlam ang mata ni Gerald nang marinig iyon. Masuyong hinawakan ang pisngi ng nobya bago niya ito hinalikan. Oo, magpapakasal na sila sa isang linggo.

Hindi iyon engrande. Sa katunayan ay kasalang bayan lang ito. Sagot ni mayor ang seremonya at reception basta tig-isa lang ang ninang at ninong. Simple lang kung tutuusin pero para sa kanila ay napaka-espesyal ang araw na iyon dahil sa wakas ay magiging iisa na silang dalawa.

Iyon naman ang mahalaga, eh. Legal sa mata ng Diyos at sa batas. Hindi na nila iintindihin ang mga bulong-bulungan sa tabi-tabi. Basta sila ay masayang magsisimula ng pamilya.

“Samahan mo akong bumili ng gown sa Divisoria, ha?” sabi ni Bea.

“Oo naman. Ako rin. Baka doon na ko kumuha ng barong, mahal. Naku, balita ko ay simpleng bestida lang ang isusuot ng mga kasabay natin. Tiyak kong pag-uusapan na naman tayo ng mga tsismosa,” sabi ni Gerald.

Alam niya naman kasi na wala sa bokabularyo ng nobya niya ang ‘simple.’ Kahit na mahirap ang buhay nila napaka-creative ni Bea. Nagagawan nito ng paraan na magmukhang maganda at maraming burloloy ang isang bagay kahit na maliit na halaga lang ang gagastusin. Kaya nga mahal na mahal niya ito, eh.

“Hayaan mo na. Favorite topic naman nila ang loveteam natin,” tugon ng babae.

Mabilis lumipas ang isang linggo at sumapit na ang araw ng kasalan. Tama si Gerald, tampulan na naman sila ng usapan. Ang iba nga ay ‘di pa nakontento. Pasimple pa siyang pinipicturan. May flash naman ang camera ng cell phone.

Minsan ay napapatanong si Gerald. Dahil ba nagsama sila na hindi kasal? Dahil ba maingay si Bea at tahimik naman siya? Sadyang nakakakita ang mga tao ng mapupuna.

Nabura ang lahat ng agam-agam ni Gerald nang makitang naglalakad na ang bride papalapit sa kaniya.

“Ganda.” bulong niya.

Ngiting-ngiting inabot ng nobya ang kaniyang kamay tapos ay sabay silang naglakad palapit kay mayor. “Ready ka na ba?” tanong niya.

“Ikaw kamo. Ready ka na?” sabi ni Bea. Kinikilig nilang tinanguan ang isa’t isa.

Nagsimula na si mayor. “Ikaw, Benecio Mahinay Jr., tinatanggap mo bang maging asawa ang babaeng ito?” “Si mayor naman!” angal ni Bea. Kaya nagtawanan ang mga tao bagama’t sumagot naman ito. “Yes na yes! Go, go, go!”

Nagpatuloy ang alkalde. “At ikaw naman, Geraldine Guerrerro, tinatanggap mo bang maging asawa ang lalaking si Bea?” Nakangiting tumango si Gerald. “Opo.”

“Kung ganoon idinedeklara ko sa ngalan ng batas at ng Diyos na kayo ay mag-asawa na! Kiss your bride,” masayang pahayag ni mayor.

Nagpalakpakan ang mga tao at naghalikan ang dalawa.

Oo.

Hindi sila tipikal na magkarelasyon dahil si Gerald ay babae at si Bea naman ay lalaki. Tiboom at beki.

Kaya rin paborito silang pag-usapan ay dahil nga ‘kakaiba’ sila.

Pero para kay Bea at Gerald hindi mahalaga ang kasarian dahil mga puso naman nila ang nag-uusap. Hay, pag-ibig!

Advertisement