Inday TrendingInday Trending
Mga Payasong Magnanakaw

Mga Payasong Magnanakaw

Kada buwan ay iba-iba ang gimik ng magkaibigang Fred at Makoy. Pareho silang manloloko, ang gusto ay easy money. Kung magtatrabaho nga naman ay maghihirap pa bago kumita ng pera. Eh, ang dali-dali namang mang-budol, ‘di ba?

Ang siste ay magkukunwari silang clown sa mga birthday party. Matapos mag-perform at makuha ang bayad ay sasamantalahin nilang abala ang pamilya ng birthday celebrant at ang mga bisita para makuha nila ang gamit ng mga ito. Bago pa man makahalata ang mga biktima ay nakaalis na sila.

“Hello, Mrs. Belmonte? Oho, narito na kami sa tapat ng building ninyo. Pang ilang floor po ulit? Second? Sige, madam,” sabi ni Fred bago ibinaba ang tawag.

Nagkangisian ang magkaibigan. Big time itong biktima nila ngayon. Sa condo pa nakatira! Sosyal rin siguro ang mga kaklaseng bisita ng batang magbe-birthday. Baka may mga yaya pa, tama! Marami silang cell phone na makukuha.

Pagpasok nila sa condo ay kinausap nila ang guard. “Boss, kay Mrs. Eliza Belmonte. Birthday ng anak,” sabi ni Makoy. Itinaas pa nila ang mga plastic na naglalaman ng kanilang costume. Tumango naman ang guard.

“Ipapasun-” Hindi na pinatapos ng dalawa ang sasabihin ng guwardiya.

“Di na, boss. Alam na namin. Kausap namin kanina sa cell phone si Mrs. Belmonte,” halos sabay pang wika nina Makoy at Fred.

Ipinasulat na lang ng guwardiya ang kanilang mga pangalan at hiningian sila ng ID. Siyempre peke ang ibinigay nila.

Sumakay na sila sa elevator at pinindot ang 2nd floor. Ilang segundo lang ay naroon na sila.

“Pare, ang lamig ng aircon,” bati ni Makoy. Nagtayuan kasi ang balahibo nito sa braso. “Anong gusto mo? Pati ‘yan nakawin natin? G*go mahahalata tayo ng guard,” tatawa-tawang sagot naman ni Fred.

Sinalubong sila ng isang babae. Ito ba si Mrs. Belmonte? Mukhang dalaga pa. Sabagay baka maagang nag-asawa. “Bilisan ninyo. Malapit nang mag-alas tres ng hapon,” tila natatarantang sabi nito.

“Oho, misis. Saan po ba puwedeng magbihis?” tanong ni Fred. Hindi umimik ang babae. Itinuro lamang ang isang kwarto.

Sabay nagpunta ang magkaibigan roon at nagbihis. Sila na rin ang naglagay ng makeup sa isa’t isa.

Hindi nila inasahan na seryoso pala sa personal si Mrs. Belmonte. Ang sabi kasi ng contact nila ay masayahin raw ito at makuwento. Mapagpaniwala rin sa kung ano man ang sasabihin ng kaharap.

Anyway, gagalingan na lang nila ang panloloko. Hah! Expert yata sila. Kayang magnakaw sa kahit na anong klase ng tao!

“Ready na kami, misis. Saan na po ang may birthday?” tanong ni Makoy. Nilalaro-laro niya pa ang pekeng bola. Habang si Fred naman ay pasimpleng minamasdan ang paligid at inaaral ang mga kukunin mamaya.

“Si Rica,” sabi ng babae. Tinawag nito ang bata.

“Hi, Rica! Kami ang clowns mo! Kumusta ka?” bati ni Makoy sa masayang tanong pero tinitigan lang siya ng bata. Napapahiyang idinaan na lamang niya ang lahat sa tawa.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nagdatingan na ang mga bisita. Pero ‘di gaya ng kanilang inaasahan ay walang yaya ang mga ito.

“Wow! Ang ganda at ang pogi naman ng mga bisita natin! Ano yan? Nagbiyahe kayo papunta rito?” biro ni Fred pero walang sumagot sa kaniya. Dahil tulad ni Rica seryoso ang mukha ng mga bata at nakatitig lang sa kanilang dalawa.

“Pare, parang lugi tayo rito,” bulong ni Makoy.

Tinabig ni Fred ang kaibigan. “T*nga. Kita mo ‘yang laptop sa gilid para sa sound effects? Kita mo ‘yang pakalat-kalat na cell phone ng nanay? ‘Yang kwintas ng bata? Diyan pa lang bawing-bawi na tayo. Kaya tumahimik ka na diyan,” sita ni Fred.

Ipinagpatuloy nila ang program kahit na hindi naman nakikisali ang mga bisita. Nakaupo lang ang mga ito at nagmamasid. “Ta*nginang mga bata ‘to, walang saya sa katawan,” komento ni Fred.

Makalipas ang isang oras ay naisipan na nilang isagawa ang plano. Ayaw nilang abutin ng dilim dahil nakakatakot ang mga taong ito. Ayaw man nilang aminin ay tinatablan na sila ng kilabot.

“Okay, lapit ka sandali rito, Rica. ‘Yan,” inakay ni Makoy ang bata palapit kay Fred. Kunwari ay hinihimas-himas ng lalaki ang balikat ng may birthday pero ang totoo ay mabilis ang kamay na natanggal na niya ang lock ng suot nitong kwintas.

“Ikot ka. Ikot-ikot. ‘Yan, tapos mag-wish ka!” masayang wika ni Fred. Paano kasi ay nakuha niya na ang kwintas. Matagumpay niya iyong naibulsa nang walang nakakahalata.

“Sana malaman na nila ang totoo,” sabi ng bata.

Nagkatinginan ang magkaibigan.

“Ikaw naman, Rica. Kakanood mo ‘yan ng teleserye! ‘Di ba, mommy?” kinakabahang sabi ni Fred. Bakit parang may alam ang bata? Tinignan niya ang ginang pero prente lang rin itong nakatayo sa isang gilid. Nakatingin sa kaniya.

“Bilisan ninyo. Malapit nang mag-alas tres ng hapon,” sabi lang nito.

Anak ng, pati nanay yata may saltik. Alas kwatro na, eh!

“O, sige. Bago matapos ang program may surprise kami sa inyo ni Kuya Clown Number 2. Pikit kayo lahat. Pati ikaw, mommy!” wika ni Fred.

Sumunod naman ang mga bata.

“Bibilang tayo ng 100, mga bata, ha?” sabi naman ni Makoy.

“1…2…3…”

Habang nagbibilang ay kinukuha na ng dalawa ang cell phone at laptop. Nag-thumbs-up sila sa isa’t isa nang mailagay na ang mga iyon sa bag.

“25…26…27…”

Palabas na sila ng pinto nang bigla na lamang dumilat ang nanay ng may birthday. Nanlalaki ang mga mata nito na sinugod sila at hinawakan sa balikat. “Bilisan ninyo! Lumabas na kayo! Malapit nang mag-alas tres!” sabi nito.

Paglingon ng magkaibigan sa mga bata ay ganoon na lamang ang kanilang pagkasindak nang makitang walang ulo ang mga ito!

Sa sobrang takot ay kapwa nahimatay ang magkaibigan.

Nahimasmasan na lamang sila dahil sa ilang pagtapik sa kanilang mukha. Sobrang liwanag ng paligid, nakakasilaw.

“Fred, Makoy, kayo iyon, ‘di ba?” sabi ng isang nag-aalalang ginang. Sa likod nito ay isang may edad na ring lalaki. Asawa yata nito. At mga bata na hindi pamilyar sa kanila ang mukha.

“Sino kayo?” gulat na tanong ni Makoy.

“Huwag! Huwag niyo kaming sasaktan!” sabi naman ni Fred.

Nagtaka naman ang babae. “Ano ba kayo? Ako ito! Si Mrs. Belmonte! Kanina pa nga namin kayo hinihintay. Wala pa ngang clown ang birthday ng apo ko. Ipinasundo pa namin kayo sa baba dito sa yaya namin pero nagkasalisihan kayo. Kung ‘di pa sabihin ng guard na umakyat na kayo ay ‘di pa namin titignan ang CCTV at ‘di namin malalaman na sa second floor kayo napunta,” wika nito.

Nagkatinginan ang magkaibigan. Kung ito si Mrs. Belmonte sino iyong mga tao kanina? Minasdan nila ang paligid. Ibang iba sa unang napuntahan nila.

“Sabi niyo ho second floor, hindi ba?” tanong ni Makoy. “Ha? Ang sabi ko huwag kayong bababa sa second floor dahil abandonado ang parteng iyon ng building. Naku, palibhasa putol-putol ang linya ng telepono kanina. Ikaw kasi, Isay, eh, Dapat talaga inantabayanan mo itong dalawa, eh,” sisi pa nito sa katulong.

Hindi makapaniwala ang magkaibigan kaya upang mapatunayang nagsasabi ng totoo ay sinamahan sila ng mag-asawang Belmonte sa second floor. Gumapang ang kilabot sa katawan ng magkaibigan nang makitang abandonado nga iyon. Walang tiles, sira-sira ang kisame at patay sindi pa ang ilaw.

“Ang sabi nila dati raw maliit na eskwelahan ang second floor. Daycare para sa mga bata. Maraming taon na ang nakalipas. Kaya lang ay nagkaroon ng sunog at na-trap lahat. Ang balita pa nga ay ibinuwis ng guro ang buhay niya pero ‘di niya pa rin nailigtas ang mga bata. Eksaktong alas tres ng hapon nagsimula ang sunog. Alas singko nawala ang apoy pero wala na rin silang lahat. Wala nang makagamit ng parteng ito kasi laging minumulto kaya isinara na lang ng building. Ewan ko nga sa inyo kung paano kayo nakarating rito.”

Habang nagkukuwento si Mrs. Belmonte ay may malamig na naramdaman sa kanilang mga batok ang magkaibigan. Pagkatapos noon ay namutla sila dahil may narinig silang bumulong.

“Bilisan ninyo. Malapit nang mag-alas tres ng hapon.”

Bigla na lamang silang kumaripas ng takbo. Hingal kabayo sila nang makasakay sa taxi.

Sigurado sila na multo ng mga nasunog roon ang nakausap nila kanina. Sigurado rin sila na nagpakita ang mga ito upang bigyan sila ng aral.

Sumuko ang magkaibigan sa pulisya at inamin ang kanilang mga kasalanan. Mas ayos na ang makulong kaysa gabi-gabi silang hindi patahimikin ng mga multo.

Advertisement