Naririnig na ni Rick ang sariling kulo ng kaniyang tiyan nang tanghaling iyon dahil sa gutom. Lampas na kasi ng tanghalian at hindi pa niya natatanggap ang kanilang sahod sa pagko-construction simula pa kahapon. Wala na siyang kapera-pera at tanging ang tatlong pirasong pandesal na iyon na lamang ang natitira niyang maaaring ipantawid gutom.
“Sa wakas makakakain din. Pwede na ‘to, gutom na talaga ako, e,” bulong niya sa sarili habang natatakam na pinagmamasdan ang tatlong pandesal. Naglalakad siya ngayon upang makahanap ng magandang pwesto kung saan siya pupuwedeng makainom ng tubig. Maaaring sa karinderya o kahit anong kainan na pwedeng hingian ng inumin.
Ngunit talaga yatang ayaw siyang pakainin ng tadhana. Paano ba naman ay may namataan siyang batang pulubi na halos kuba na dahil sa sakit ng sikmura nito. Hawak-hawak nito ang nagugutom na tiyan at pilit na nanghihingi ng limos sa mga taong kumakain sa karinderya. Iyon pa naman ang pinakakahinaan niya. Kailan man ay hindi niya natiis na makakita ng batang nagugutom sa daan.
“Ineng, nagugutom ka ba? Halika, saluhan mo ako sa pagkain,” alok ni Rick sa batang agad na umaliwalas ang mukha nang marinig ang kaniyang sinabi. “Kaya lang, tatatlong piraso lang itong pandesal, e. Sa iyo na lang ang dalawaʼt sa akin ang isa para mabusog ka kahit papaano. Susubukan kong humingi ng maiinom para sa atin,” sinsero pang sabi niya.
“Marami pong salamat, manong. Alam po ba ninyo na mahigit isang daang katao na ang nasubukan kong hingian ng limos simula kaninang madaling araw, pero kayo lamang po ang nagmagandang loob na pakainin ako kahit pa ito lang ang pagkain niyo? Napakabuti nʼyo po,” laking pagpapasalamat naman ng batang pulubing iyon kay Rick.
“Walang anuman ʼyon, Ineng. Halika na, kain ka na. Saan ka ba nakatira?”
Nagsimula silang lantakan ang tinapay habang nagkukuwentuhan.
“Wala po akong permanenteng bahay. Pagala-gala lang po ako sa kung saan-saan. Naghahanap ng matulunging mga tao,” wala sa loob na sagot naman ng bata. “Wala na rin po akong mga magulang o mga kapatid. Talaga lang pong mag-isa ako sa buhay,” dagdag pa nito.
“Ganoon ba? Kawawa ka naman pala.” Sa isip-isip ni Rick ay mas masuwerte pa rin siya kaysa sa batang ito. Siya kasi, ay marunong nang magtrabaho para sa kaniyang sarili, samantalang ang batang ito ay hindi pa.
“Hindi ka ba nag-aaral?” tanong pa ni Rick habang sunod-sunod na sumusubo ng pinagpira-piraso niyang isang pirasong pandesal na ipinagtataka niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nauubos.
“Hindi po, manong, eh. Pero huwag po kayong mag-alala, dahil hindi ko naman po kailangan noon,” sagot ng bata.
Napakunot ang noo ni Rick. “Naku, lahat ng bata kailangang mag-aral para may marating sa buhay. Tingnan mo ako, kulang ang inaral ko kaya, heto, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ako ng himala,” may himig ng kalungkutang payo pa ni Rick sa bata.
“Hayaan mo, manong… darating na ang himalang hinihintay mo,” ang nakangiti at tila siguradong-sigurado pang sabi ng bata kay Rick.
Nawirdohan siya sa mga salitang namunutawi sa bibig ng batang sarap na sarap sa kinakain nitong pandesal na isa pang ipinagtataka niya dahil parang hindi iyon nauubos. Nabusog na nga lang siya bago pa niya naubos lahat ng butil ng pandesal na piniraso niya sa maliit kahit na iisa lamang naman talaga iyon. Nang matapos ang bata sa pagkain ay agad siya nitong tinapik sa balikat. “Maraming-maraming salamat po talaga, manong. Hayaan moʼt isang malaking biyaya na po ang naghihintay sa iyo sa pag-uwi mo ng bahay mamaya,” sabi pa nito bago biglang tumakbo papalayo.
Sinubukang habulin ni Rick ang bata ngunit bigla na lamang itong naglaho. Ang naiwan na lamang ay ang plastik na pinaglagyan ng mga pandesal.
Nang makabalik sa construction site si Rick ay may sahod na sila. Nagulat pa nga siya dahil pinasobrahan pa pala ng kanilang bossing ang sahod, dahil na-late nga ito ng bigay. Nakabili tuloy ng masarap-sarap na pasalubong si Rick para sa kaniyang mga magulang at kapagid.
“Wow, Kuya, may lechong manok!” masayang sabi ng kaniyang kapatid na nagtatalon pa sa pagkatakam. Natatawa naman si Rick habang naghahain.
Nasa ganoon silang akto nang marinig ni Rick ang boses ng announcer ng lotto sa telebisyon. Halos magulantang siya nang malamang napanalunan niya ang jackpot prize na tumataginting na isang bilyong piso!
Matapos ang sitwasyong iyon ay nagsimulang maging maganda ang buhay ni Rick at ng kaniyang pamilya at sigurado siyang may kinalaman sa himalang nangyari sa kaniya ang batang tinulungan niya. Totoo man o hindi, malaki ang pagpapasalamat ng buo nilang pamilya sa Diyos, dahil ito ang siguradong nagbigay ng biyaya sa kaniya nang makita nito ang kabutihan niya. Ang himalang iyon ay idinulot ng huling mga piraso ng tinapay na hindi niya ipinagdamot.