Habang nasa sala si Grace at abala sa kaniyang telepono ay bigla itong niyaya ng kanyang kaibigan sa social media para makipagkita at uminom na rin ng alak. Dahil hindi na rin makapag-intay ang dalaga na saksihan ang tunay na itsura ng kausap niya sa online, pumayag ito sa kagustuhan ng lalaki.
“San tayo magkikita? Gusto mo bang sunduin kita riyan?” alok ng lalaki habang magka-usap sila sa telepono.
“Hindi na, hindi ka naman kilala nila mama kaya doon nalang tayo magkita sa pag-iinuman natin,” pabulong naman na sagot ng dalaga para siya ay hindi mahalata ng kanyang mga magulang.
Pagkatapos ng kanilang usapan ay agad itong nanghingi ng tulong sa kanyang kapatid na si Mabel para makalabas ng bahay. Alam kasi niyang malabo siyang payagan ng mga magulang dahil menor de edad pa nga siya.
“Ate, kikitain ko kasi si Noel ngayon. Baka pwede mo akong tulungan makalabas? Bibigay ko sa’yo yung matitirang pera ko pagkauwi, promise!” pakiusap niya sa kanyang kapatid ate.
“Bigyan na kita ng 500 ngayon, sige na,” dagdag pa ng dalaga sa panunuhol ng kanyang ate.
“Akin na,” sagot naman ni Mabel sa sabay ikot ng mata kay Grace.
“Ayusin mo lang ha, ilulusot kita pero umuwi ka ng maayos!” saad ni Mabel sa kaniya. Isang malaking ngiti naman ang isinagot ni Grace sa kapatid at tuwang-tuwa ito.
Dahil dito ay mabilis na nilapitan ng magkapatid ang kanilang mga magulang para magpaalam na lalabas sila kasama kuno ang nobyo ni Mabel.
“Ma, alis po muna kami ha, magkikita kami ni Erwin. Sasama ko lang si Grace para hindi na ako papahatid sa kanya dito,” paalam nito sa kanyang ina na nanonood ng telebisyon kasama ang asawa.
“Basta ‘wag kayong magpapagabi at delikado sa daan,” sagot naman nito at dali-daling lumabas ang dalawang magkapatid.
Matagumpay na nakalabas ng bahay ang dalawang magkapatid. Balak ni Mabel na samahan na lang si Grace sa kalandian nito ngunit biglang nag-iba ang plano.
“Grace, nagtext si Erwin, pupunta muna ako sa kanila. Magkita tayo ng alas otso ulit dito, ha. Umayos ka! Saglit lang akong mawawala at malapit lang naman ang kina Erwin dito,” wika ni Mabel sa kaniyang kapatid.
“Oo, ate, babalitaan kita sa text. Sige na, pumunta ka na sa jowa mo!” masayang taboy naman ni Grace sa kapatid.
Halos isang traysikel lamang ang layo mula sa kanilang bahay ng napag-usapang lugar ng tagpuan nila Noel at Grace. Pagkarating nito sa inuman ay agad siyang sinalubong ng nagpakilalang binatang si Noel at isinama siya sa pwesto nito kasama ang ibang mga kaibigan ng lalaki.
“Mas maganda ka pala sa personal,” natatawang sabi nito kay Grace habang hinahawi ang buhok ng dalaga.
“Mas bolero ka pala sa personal. Ilang taon ka na pala? Hindi ka naman mukhang eighteen years old,” sagot naman ng dalaga sa kanyang kausap.
“Bente singko na ako, bawal na ba pag ganun na katanda?” tanong ni Noel sa babae. Hindi na sumagot pa si Grace at nakisali muna sila saglit sa inuman ng mga tao sa lamesa. Umikot ang alak at ang kwentuhan ng bawat isa. Mabilis ding napansin ng lalaki na nakatingin si Grace sa kaniyang uniporme, kaya naman buong yabang siyang napangit-ngiti na lang.
“Seaman ka pala?” naka-ngising tanong ng dalaga habang hindi niya napapansing tinataasan ang tagay ng kanyang inumin. Medyo hilo na siya nang mga sandaling iyon.
“Oo, dito lang ako sa Pinas pero malaki naman na ang kita,” sagot ng binata.
Hindi naman malaman ni Grace ang kaniyang nararamdamang hilo at kilig na may halong saya at agad na lang siyang sumunggab ng halik sa lalaki. Noong una ay isa lamang ngunit sumagot na rin si Noel sa mga halik ni Grace kaya agad namang nagtawanan ang mga kasamahan nila sa lamesa nang makitang masaya nang naghahalikan ang dalawa sa maiksing panahon.
“Uy bro, take out mo na yan. Ayaw naming makita ‘yung mga laman niyo dito sa lamesa,” natatawang sabi ng isang kaibigan ng binata. Tinignan na muna niya si Grace kung papayag ito.
“Stroll tayo, saglit,” bulong ni Noel sa tenga ni Grace na may kaunting halik pa sa leeg ng dalaga.
“Wow naman, may motor ka rin pala? Tara! Dalhin mo ‘ko sa langit,” sagot ni Grace sa lalaki at mabilis siyang yumakap dito para lumabas.
Hanga naman kaagad ang dalaga sa porma ng lalaki, nakapalakas ng dating nito. Saglit niyan tinignan ang kaniyang relos, “May isang oras pa ako, kaya pa ‘to,” sa loob-loob ng dalaga.
Habang humaharurot sa daan ang dalawa at nilalagpasan ang kanilang mga nakakasabay ay hindi lubos akalain ng mga ito na nasa kaliwang bahagi na sila ng kalsada at sila na ang iniiwasan ng mga nakakasalubong nilang sasakyan. Natigilan na rin sa pagtaas ng kamay si Grace nang mahimasmasang puro busina na ang sumasalubong sa kanila.
“Noel! counter flow tayo!” sigaw niya sa binata at mabilis na yumakap sa lalaki.
Nagulat naman si Noel sa higpit ng yakap ni Grace at tila nahimasmasan ang lalaki sa kanyang ginagawa. Mabilis niyang itinabig sa kanan ang motor gamit ang kanyang buong lakas. Ngunit isang malakas na semplang ang napala ng mga ito.
Mabilis na nakaresponde ang ambulansya at nang magising ang dalawa ay nagulat ang mga ito ng malaman na sila ay nasa ospital na. Takot naman ang naramdaman ni Grace nang makita ang kanyang mga magulang na natutulog sa kaniyang paanan.
“Ma?” sabi nito habang ginigising ang ina. Agad naman na nagising ang ale. Halatang natataranta pa rin ito sa kalagayan ng kanyang anak.
“Grace! Nako! Kumusta ka? May masakit pa ba sa iyo? Gusto mong tawagin ko ‘yung doctor?” nag-aalalang ng kaniyang nanay at mabilis siyang niyakap nito.
Dahil dito ay napa-iyak na lamang ang dalaga dahil sa kasalanang nagawa niya at paulit-ulit na humingi ng tawad sa ina.
“Ma, kasalanan ko lahat ng ‘to. Nagpadala ako sa suhol ni Grace tapos iniwan ko pa siya sa lalaking hindi naman niya kakilala pa masyado. Ako ang dapat na sisihin,” umiiyak na wika ni Mabel.
“Hindi, mama, ako ang may kasalanan ng lahat. Patawarin niyo po ako,” lumuluhang pakiusap ni Grace sa kaniyang mga magulang.
“Tama na, hindi niyo kailangan pang magsisihan. Ang tanong ko lang sana, Grace kung sino ‘yung kasama mo sa aksidente? Kilala mo ba ‘yun?” tanong ng kaniyang nanay.
“Sa facebook ko lang po ‘yun nakilala, mama, sorry!” at humagulgol pa lalo ang dalaga. Hinanap naman kaagad ni Mabel ang binatang nagpakilalang Noel sa ospital ngunit nakaalis na raw ito.
Pinilit pang tawagan ni Grace ang binata ngunit hindi na niya makontak pa ang lalaki. Ngayon ay natutunan ni Grace ang isang malaking aral, na walang mabuting madudulot ang paglilihim niya sa mga magulang para lamang makilala ang mga tao sa online world lamang niya nakikita.
Wala naman sigurong masama kung kilalanin muna natin ang mga taong nakikita natin sa social media, ngunit sa mas mabuting paraan at walang impluwensya ng alak. Dahil ang sarap na byaheng langit ay minuto lamang tatagal sa inyong memorya ngunit ang magiging kapalit nito ay maaring panghabang buhay na.