Inday TrendingInday Trending
Ang Bata sa Elevator

Ang Bata sa Elevator

lsang buwan pa lang na nadedestino si Vien sa kumpanya na kanyang pinagtatrabahuhan bilang guwardiya pero nagustuhan na niya kaagad ang trabaho. Hindi tulad ng mga kasamahan niya, gusto niya ang graveyard shift. Wala naman kasi siyang pamilya kaya ayos lang kung umaga na siya umuwi.

Nasanay na rin siya sa puyatan dahil sa bangko siya dati nagbabantay. Ang maganda nga lang sa call center, magaan at ligtas ang trabaho. Hindi tulad sa bangko na kailangan kang laging alerto. Masasabi ring nakataya ang buhay mo tuwing nakadestino ka. Sa call center, lalo na kapag graveyard, walang masyadong ginagawa.

Habang nasa trabaho ay tahimik lang siyang nakaupo sa kanyang desk na nasa elevator lobby sa ikalabing-anim na palapag ng pinapasukang call center. Tinitingnan ang lahat ng papasok kung may ID at itsetsek ang mga bag ng lahat ng lalabas. Kapag wala namang tao ay nakaupo lang siya at nagsusulat ng mga tula. Pangarap kasi niyang maging isang manunulat ngunit dahil sa kahirapan ay hindi siya nakatapos sa kolehiyo.

Minsan, habang nakaupo sa kanyang desk ay kinausap siya ni JR, ang guwardiya na kapalitan niya. Pauwi na ito at dala-dala sa likod ang malaking backpack.

“Uy, wala ka na namang kibo diyan. Mapapanis lang ang laway mo,” wika ni JR.

Ngiti lang ang isinagot ni Vien.

“Ano ba yang ginagawa mo?” tanong nito ng makitang tinatakpan niya ng mga kamay ang isang pirasong papel.

“Wala,” ang mabilis niyang sagot.

“Anong wala? Patingin nga ako niyan!”

Mabilis na inagaw ni JR ang papel na hawak ni Vien.

“Hoy, ibalik mo yan!” galit na sabi niya rito.

“Wow! Mahilig ka palang magsulat ng tula,” sabi ni JR ng mabasa ang sinusulat niyang tula sa kapirasong papel na hawak. “Manunulat ka pala, eh.”

“Sabi na ibalik mo yan, eh!” Tumayo si Vien at mabilis na lumapit kay JR. Kinuha niya ang papel mula rito.

“Ang galing mo naman. Buti ka nga may galing sa pagsusulat. Eh ako, talagang pag se-security guard lang ang alam,” nakangiting sabi ni JR.

Hindi naman sumagot si Vien. Kinuyumos niya ang hawak na papel at itinapon sa basurahan sa tabi ng kanyang desk. Natawa lang si JR sa ginawa niya.

“Gaano ka na ba katagal dito?” tanong nito.

Itinaas ni Vien ang kanyang mukha at tiningnan ang katrabaho. “Tatlong buwan pa lang.”

“Buti hindi ka nahihirapan. Lagi kang nasa graveyard shift. Pwede ka naman magrequest ng umaga o kaya tanghali ah?”

Umiling si Vien. “Graveyard talaga ang gusto ko. Tahimik kasi, mas nakakapag-isip ako.”

“Bago ka pa kasi kaya gusto mo sa graveyard. Pero pag nakita mo mo iyong bata…” mahiwagang sabi ni JR.

Tinitigan ni Ven ang lalaki, nagtataka sa sinabi ng katrabaho. Hindi ito nakatingin sa kanya, kundi sa lapag. Para bang malalim ang iniisip.

“Sinong bata?” tanong niya.

“W-Wala,” ang nakangiti ngunit halatang nababagabag na sabi ng kapwa niya guwardiya. Pinindot na nito ang buton paibaba ng elevator at mabilis naman iyong nagbukas.

“Sige, mauna na ako.”

Naiwan si Vien sa elevator lobby, iniisip ang sinabi ng kasama.

“Pero pag nakita mo iyong bata… Ano kaya ang ibig sabihin nun?” nagtataka niyang bulong sa sarili.

Iginala ni Vien ang kanyang mata. Medyo maliit lang ang elevator lobby sa ikalabing-anim na palapag.

Ting! Matinis na tunog ng elevator. Pagbukas nito ay lumabas ang dalawang babaeng nagtatawanan.

“Hi po!” masayang bati ng mga ito sa kanya.

“Good evening po, ma’am.,” sagot niya.

Pinagmasdan ni Vien and dalawa hanggang sa makapasok. Pagkatapos ay kumuha siya ng papel sa isang drawer sa kanyang desk at muling nagsimulang magsulat.

Mabilis ang paglipas ng oras para kay Vien kapag nasa graveyard shift siya, na isa pang dahilan kung bakit gusto niya ang shift na iyon. Pagtingin niya sa maliit na orasan na nasa kanyang desk ay nakita niyang malapit na pala siyang kumain. Napangiti siya. Itinabi niya muna ang papel na hawak.

Ting! Napatingin si Vien sa elevator na nagbukas, ngunit walang taong lumabas. Nawala ang ngiti niya sa mukha.

“Baka mga loko-lokong pumindot, hindi naman pala dito bababa. Kakabuwisit!” bulong niya sa sarili habang umiiling. Hindi niya maintindihan ang mga taong gumagawa ng ganoon.

Lumipas ang ilang minuto bago napansin ni Vien na bukas pa rin ang pintuan ng elevator. Hindi rin umiilaw ang Up o Down sign na nasa itaas nito. Nagtaka siya dahil ngayon lang niya nakita ang ganitong pangyayari.

“Naku, nasira pa yata,” naisip niya.

Inabot niya ang telepono para tawagan ang maintenance department, ngunit bago pa man siya maka-dial ay biglang nagbukas din ang katapat ng bukas na elevator. At katulad ng huli, hindi din nag-iilaw ang Up o Down sign nito.

Natahimik lang si Vien. Hindi alam ang gagawin. Pabalik-balik lang ang tingin niya sa magkatapat na bukas na elevator.

“Ano bang nangyayari dito?” naguguluhang tanong niya sa sarili.

Tatayo sana siya ngunit bigla siyang nagulat ng may batang lalaking lumabas mula sa isang elevator at mabilis na tumawid at pumasok sa katapat na elevator. Pagkatapos ay sabay na nagsara ang dalawang elevator.

Natulala si Vien sa nakita. Hindi niya gaanong napagmasdan ang bata dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ang tanging nasisiguro lang niya ay batang lalaki iyon.

“Ang batang sinasabi ni JR…” ang mabilis niyang naisip.

Tumayo siya at dahan-dahang lumapit sa elevator kung saan pumasok ang batang lalaki. Pinindot niya ang Down button, ang mga daliri niya ay nanginginig sa kaba. Makalipas ang ilang minuto ay bumukas ito ngunit walang tao sa loob. Tinitigan lang niya ang elevator at pagkatapos ay natawa.

“Ano ka ba naman, Vien,” ang malakas niyang nasabi sabay kamot sa ulo. Bumalik siya sa kanyang desk at pabagsak na naupo.

Ting! Muli siyang napatayo sa kinauupuan. Inaabangan ang paglabas ng batang lalake. Ngunit isang matandang lalaki na may bitbit na maleta ang lumabas.

“Relax ka lang Vien. Guni-guni mo lang iyon.” Napabuntong-hininga siya ng malakas at umupong muli. “Konti na lang at break mo na. Gutom lang iyan.” pangkukumbinsi niya sa sarili.

Naalala niya ulit ang sinabi sa kanya ni JR kanina.

Bago ka pa kasi kaya gusto mo sa graveyard. Pero pag nakita mo iyong bata…

“Ano? Anong mangyayari kapag nakita ko ang sinasabi niyang bata?” Napailing si Vien, halatang naguguluhan. Tumingin siya sa kanyang orasan at nakitang break na niya.

Biglang sabay-sabay na bumukas ang anim na elevator. Nanlamig ang buong katawan ni Vien sa nakita. Hindi maipaliwanag ang takot na nararamdaman. Sinubukan niyang tumayo ngunit nanlalambot ang kanyang mga binti.

“Hindi! Hindi totoo ito!” sambit niya.

Pumikit siya, pinipilit na kontrolin ang sarili. Binagalan niya ang kanyang paghinga, sinubukang mag-relax. Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay medyo kalmado na siya.

Walang nagbago sa kanyang nakikita. Bukas pa rin ang anim na elevator ngunit walang lumabas sa mga ito. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa bawat isang elevator.

Napansin lang niya na hindi pala siya humihinga nang marinig na bumukas ang pinto ng call center sa likod niya. Dito ay nakahinga siya ng maluwag.

“Oo nga pala, may mga uuwi na ng ganitong oras,” wika niya sa sarili. Tumayo siya at tumalikod upang salubungin ang mga pauwing empleyado, para itsek ang mga bag ng mga ito ngunit iba ang sumalubong sa kanya.

Nakatayo sa harap niya ang isang batang lalaki.

Natumba si Vien at napahiga sa lapag. Napasigaw siya ngunit hindi dahil sa nagulat siya. Napasigaw siya ng makita niya ang duguag mukha ng bata.

Humakbang pasulong ang bata, papalapit kay Vien. Umatras siya, gumagapang dahil sa takot. Hindi niya napansin na nakasandal na pala siya sa pader. Pilit pa rin siyang umaatras. Pagtingin niya ay nakita niyang tumigil ang bata sa harap ng isang elevator. Lumipas ang ilang sandali, ay dahan-dahang pumasok ang duguang bata sa elevator. Sabay-sabay na nagsara ang anim na elevator. Naiwan si Vien sa lapag ng lobby, umuungol at hinihingal sa takot.

Hindi siya nakapasok sa trabaho sa dalawang magkasunod na araw. Pagkabalik na pagkabalik niya ay kinausap niya kaagad ang kanyang bisor. Humiling siya ng pang-umaga o kaya ay pang-tanghaling shift. Tiningnan siya ng kanyang bisor, nakita ang maputla niyang mukha.

“O sige. Pero hindi na dapat mauulit iyang pag-absent mo ha,” sabi ng galit na bisor.

“Pasensya na po,” mahinang sagot ni Vien

Tumango lang ang bisor, na parang alam ang nangyari sa kanya.

Pumunta si Cris sa CR para magsuot ng kanyang uniporme. Doon ay nakita niya si JR.

“Nakita mo ba si…” tanong nito sa kanya.

Hindi siya kumibo. Nagpatuloy lang sa pagbibihis.

“Huwag ka mag-alala, hindi naman nananakit iyon. Ayon sa kwento-kwento ay anak iyon ng dating empleyado dito na aksidenteng nahulog mula sa ikalabing-anim na palapag hanggang sa ibaba ng gusali. Walang makapagsabi kung bakit nahulog ang bata basta sabi -sabi dito na nagmumulto siya sa mismong ikalabing-anim na palapag,” seryosong sabi ni JR sabay labas ng CR.

Naiwang nakatulala si Vien. Wala siyang kaalam-alam na may kababalaghan palang nangyayari sa gusaling iyon. Pagkatapos magbihis ay dumeretso na agad siya sa kanyang desk sa elevator lobby. Nagmamasid. Nakikiramdam. Naninigas ang katawan sa tuwing maririnig ang matinis na tunong ng elevator. Kinakabahan na muling magpakita sa kanya ang bata.

Advertisement