“Itay! Tara na ho at mananghalian!” Tawag ni Maila sa ama na kasalukuyang nagtatanim ng palay sa kanilang maliit na bukirin.
Nakita niya lang ang pagsenyas ng ama na tatapusin lang nito ang ginagawa at maya-maya ay nakita niya na paglalakad nito papunta sa maliit na kubong kinauupuan niya.
“O, ano ba ang pagkain na pinadala ng ina mo?” Bakas ang pagod, ngunit may ngiti sa mukha ni Mang Toto nang makalapit sa anak.
“E ano pa ho ba kundi ang paborito mo, Tay? Pakbet ho at galunggong!” Masiglang sagot ni Maila sa ama habang inaabutan niya ito ng malamig na tubig.
Maya-maya pa ay dumating din ang kanyang ina upang sumabay sa kanilang panananghalian. May bitbit itong minatamis na saging, panghimagas daw nila.
Ganito ang buhay nilang mag-anak. Payak at hindi marangya, ngunit tahimik at masaya.
“Dadalhan kita mamaya ng merienda, Tay!” Nakangiting paalam ni Maila sa ama na ngayon ay pabalik na upang ipagpatuloy ang pagtatanim.
Kumaway na lamang ang ama, bilang sagot, habang nagsimula na sila ng kanyang ina maglakad pauwi.
Naglalakad sila ng may humintong magarang sasakyan at sumungaw ang isang lalaki na sa tingin nila ay drayber ng may-ari ng sasakyan.
“Saan ho ba ng daan papunta sa mansyon ng mga Altamirano?” Tanong ng lalaki.
Sumagot ang kanyang ina. “Nasa tamang daan ho kayo. Diretsuhin niyo lang ang daang ito at sa dulo ay makikita niyo ang mansyon.”
“Salamat ho,” sabi pa nito bago isinarado ang bintana at pinaandar ang sasakyan.
“Iyon siguro ang bagong may-ari ng mansyon ‘nay, no?” Tanong ni Maila sa ina.
“Siguro. Sana kasingbait sila ng mga Altamirano,” kibit balikat ng ina.
Nang gabing iyon, naghahapunan sila nang magsalita ang ama.
“May bago na daw may-ari ang mansyon. Ang mga Salvacion. Bukas ay nagpapatawag ng pulong ang kapitan dahil may sasabihin daw siyang mahalagang bagay,” sabi ng kanyang ama.
“Gusto mo bang ako na ang pumunta? Magtatanim ka pa bukas, di ba?” Alok ng ina.
“Hindi, ako na lang. Palagay ko ay tungkol sa mga lupain ang pag-uusapan, kaya kailangan gusto kong pumunta,” sagot ng ama.
“Sige, Tay. Ako na muna ang magtatanim bukas. Wala naman akong pasok,” sabat naman ng kanyang Kuya June.
Kinabukasan ay maagang gumayak ang kanyang ama upang pumunta sa pagpupulong.
“Salamat sa pagpunta niyo, mga kabaranggay. Alam kong alam niyo na iba na ang nagmamay-ari ng mansiyon. Ibig sabihin lang nito ay iba na din ang pamamalakad sa mga lupain,” malungkot na panimula ng kapitan.
Nagkaroon ng bulong bulungan.
“Kap, dumating na ba ng araw na kinatatakutan nating lahat? Aangkinin na ba ng bagong may ari ang lupa na ipinahiram sa atin noon ni Don Altamirano?” Tanong ni Tatang Marcelo.
Si Don Marcial Altamirano ang dating may-ari ng mga lupain. Napakabait ng Don at pinahiram nito ang ilang parte ng lupain sa ilang mahihirap na pamilya. Kaso ay pumanaw na ito noong nakaraang taon kaya lumipat na ang buong pamilya nito, na walang interes sa pagsasaka, sa ibang bansa.
“Sa kasamaang palad, iba ang plano ng may ari para sa mga lupain. Gusto niya na siya ang mamamahala ng pagsasaka sa mga lupain kaya kukunin niya na ang lupa sa atin, ngunit bibigyan niya tayo ng isang buwang palugit,” pangungumbinsi ng kapitan.
“Hindi na daw niya kailangan ng mga magsasaka, dahil may mga makabagong makinarya sila na gagamitin,” pagpapatuloy ng kapitan.
“Paano kung hindi kami pumayag?” Tanong ni Aling Marie.
“Pinapakiusapan ko na pumayag ang lahat. Ang mga Salvacion ay malapit na kaibigan ng gobernador, at ayokong mapasama tayo. Mahirap kalabanin ang mga may kapangyarihan, hindi natin alam ang hangganan ng kaya nilang gawin,” malungkot na pakikiusap ng kapitan sa mga kababayan.
Muling binalot ng bulong-bulungan ang buong bulwagan.
“Paano na tayo? Dun lamang tayo umaasa ng ikinabubuhay natin!” Protesta ni Aling Mercy.
Madami pa din ang hindi kumbinsido hanggang sa matapos ang pagpupulong.
“O, kumusta ang pagpupulong?” Agarang tanong ng maybahay nang makauwi ang ama ng tahanan.
Laglag ang balikat na ibinalita nito sa asawa ang mga napag-usapan sa pagpupulong.
“Naku, tiyak akong mahihirapan ang bagong may-ari dahil marami sa ating kabaranggay ay yung lupain lang ang ikinabubuhay kaya hindi niya sila mapapaalis,” pagbibigay opinyon ng asawa.
“Iyon din ang inaalala ko. Ayaw pa naman ng kapitan na magmatigas tayo dahil malakas daw ang kapit nitong bagong may ari sa gobernador,” dagdag ni Mang Toto.
Mabilis na lumipas ang isang buwang palugit na ibinigay ng bagong may-ari.
Isa isang sapilitang pinaalis ang mga pamilya sa lupaing nasasakupan ng mga Salvacion.
“Maawa na po sa sa amin! Ito lamang ang aming ikinabubuhay!” Paglulumuhod ni Mang Celso sa bagong may ari.
“Binigyan na kayo ng palugit, wag kayong abusado!” Sigaw ni Don Salvacion, na sukbit isang de kalibreng baril.
“Kami ang nagpalago ng mga lupain, pero kayo ang makikinabang?” Galit na sumbat ni Mang Celso.
Tila hindi sanay na makarinig ng panunumbat ang matandang Salvacion kaya naman mabilis nitong kinuha ang baril at ipinutok ito sa magsasaka.
“Celso!” Sigawan ng mga matatandang magsasaka.
“Ganyan ang mangyayari sa inyo kung hindi kayo magsisialisan dito!” Galit na sabi ng matanda bago tuluyang tumalikod.
Sa lupa ay makikita ang nakahandusay na katawan ng kaawa awang magsasaka, at ang kanyang dugong umaagos sa lupa.
Dahil sa nangyari ay binalot ang bayan ng pangamba na matulad sa nangyari sa kaawa kaawang si Mang Celso kaya naman mabilis sila nagsialisan sa mga lupain.
Nabalot ng kalungkutan ang dating masaya at masaganang baranggay.
Sa kabutihang palad, sa karatig bayan ay may isang mabait na haciendero na nagpahiram ng kanyang lupain. Ang kaso, hindi daw gaanong mataba ang lupain kaya baka hindi marami ang kanilang ani.
“Naku, maraming salamat ho talaga sa pagtulong sa amin!” Sabi ni mga pamilyang natulungan ng butihing may ari ng lupa.
Ngunit sa panggigilalas nila ay naging marami ang ani nila. Tuwang tuwa ang mga magsasaka, gayundin ang mabait na may ari, dahil marami ang nakikinabang at natutulungan ng kanyang lupain.
Sa kabilang banda, tila binalot naman ng salot ang lupa na pilit kinuha ni Don Salvacion sa mahihirap na magsasaka.
Sa hindi malamang kadahilanan, kahit anong pananim ay hindi naging maganda ang pagtubo. Unti unting nabawasan ang ani ng dating masaganang lupain, hanggang sa tuluyan nang mam*tay ang lupa. Kaya nga may mga haka-haka na isinumpa ang lupain.
Nabalitaan na lang nila na binebenta na ni Don Salvacion sa murang halaga ang mga lupain ngunit walang interesado.
“Siguro ay biyaya ng langit na pumanig sa mga naaapi,” kuro-kuro ng mga taong dating nagsasaka sa tinaguriang “sinumpang lupain.”