“Ano, pare? Uwi na tayo!” Narinig niya ang sinabi ng kanyang kaibigan.
Umiling naman siya dito at muling tinignan ang makulay na ilaw at malakas na musika. Nagsasayawan ang mga tao at sumisigaw ng malakas.
Muli siyang nagsalin ng alak at humalakhak nang gumuhit ang pait nito sa kanyang lalamunan. Muli sana siyang magsasalin nang agawin na nito sa kanya ang alak.
“Ano ba? Wag ka ngang KJ! Minsan na nga lang ako makainom, pinipigilan mo pa ako!” Inis niyang asik rito.
“Sinabi ko na kasing tama na dahil magmamaneho ka pa!” Medyo malakas ang boses nito, tila tinutumbasan ang ingay sa loob ng bar.
Ngunit walang pakielam si Eldon. Tiwala naman kasi siyang hindi mangyayari iyon. Sanay siyang magmaneho nang nakainom. Saka maganda ang kotse niyang kakabili lang ng kanyang ina, at hindi niya ipapahamak iyon.
Lahat yata ng magarbong bagay ay ibinibigay sa kanya. Sunod na sunod sa layaw. Nag-iisa kasi siyang anak, ang kanyang mga magulang noon ay hirap na makabuo ng anak. Kaya naman nang magbuntis ang kanyang ina ay talaga namang parang isang himala.
Pinalaki siyang nakukuha ang lahat ng gusto at nasusunod palagi. Hindi rin siya kahit na kailan ay pinagbuhatan ng kamay o kahit kagalitan man lang. Halos hindi siya padapuan ng lamok.
“Bahala ka! Basta ako uuwi na!” Inis nitong utas at saka umalis.
Samantalang siya ay nagpatuloy sa pagpapakalunod sa alak. Umaalon ang kanyang paningin at hindi na siya makalakad ng tuwid nang napagpasiya siyang umuwi.
“Sir! Wag na po kayo magmaneho!” Narinig niya pang pinigilan siya ng isang lalaki na nagtatrabaho sa establisimento.
Ngunit mabilis siyang nagalit, “Bitawan mo ako! Wag mo kong hawakan!” Aniya at dinuro-duro ito hanggang sa hayaan siya.
Dahil siguro sa alak na dumadaloy sa kanyang katawan, kaya masyadong mabigat ang talukap ng kanyang mga mata.
Halos makatulog siya habang nagmamaneho, ngunit dahil gustong makauwi agad ay hindi niya ito hininto at nagpatuloy.
Muli siyang napapikit at nang dumilat ay hindi niya na napigilan ang pagsalpok ng kanyang kotse sa isang bahay.
Natulala siya ng ilang segundo bago nakatulog ng tuluyan.
Nang idilat niya ang kanyang mata ay ang puting kisame ng ospital ang bumati sa kanya. Humahangos ang kanyang ina nang makita ang kanyang paggising.
“Ayos ka lang ba?” tanong nito.
“Anong nangyari, ma?” tanong niya. Wala namang masakit sa kanya maliban sa kanyang ulo kaya ano ang nangyari? Bakit siya nasa ospital?
“Hindi mo ba naaalala? May mga pulis dito kanina! Nakabangga ka raw kagabi habang nagmamaneho! Bakit ka naman kasi nagmaneho ng lasing?” problemado nitong tanong.
Sa dami ng sinabi ng kanyang ina, isa lang ang tanging rumehistro sa kanya.
“Anong nangyari sa sasakyan ko, ‘Ma?”
“Ano ka ba naman, anak! Yun pa talaga ang naisip mo? Pano na yung mga nabangga mo? Gusto nila na humingi ka ng tawad!”
Umiling agad siya. Syempre, hindi niya gagawin iyon.
“Hindi ko gagawin yan, Ma! Ang mabuti pa ay bayaran mo na lang. Mas matutuwa pa sila.” Tila siguradong sigurado sa sariling pangangatwiran niya sa ina.
Mukhang hindi nito gusto ang kanyang sinabi pero dahil alam niyang mahal na mahal siya nito ay wala na itong ibang magagawa.
Ang ama niya ay nagpapatakbo ng isang lalaking kompanya kaya naman alam niyang hindi siya mabibigo. Para sa kanya, ang lahat ng bagay ay kayang kayang resolbahin ng pera.
Wala na siyang narinig na balita sa kanyang ina. Maging ang mga pulis ay tila ginawan na nito ng paraan para hindi na niya kailanganin pang makulong.
Sanay na siya. Ang nanay niya ang gumagawa ng lahat at nag-aayos ng lahat ng problema niya.
Ngunit nagbago ang lahat nang isang araw ay may dumating na nagpakilalang nagtatrabaho daw sa isang bangko.
“Pasensya na ho pero kailangan niyo na hong ibigay ang bahay at lahat ng ari-arian niyo sa amin.” Sabi nito matapos magpakilala.
“Pero bakit nga?” Inis niyang tanong.
“Mas mabuti ho kung si Mr. Valdez na ang magpapaliwanag.” tugon naman nito.
Kaya naman nang dumating ang kanyang ama ay umiiyak nitong pinaliwanag ang nangyari. Sising-sisi ito. Palugi na raw ang kanilang kompanya kaya naman nangutang ito ng malaki sa bangko para iahon ang negosyo at maipagpatuloy ang magarbo nilang pamumuhay.
Ngunit wala na itong nagawa at tuluyan nang nalugi ang kompanya at napagpasyahan na isara. Kaya naman sinisingil sila ng bangko at dahil wala nang perang maibababayad ay ang mansyon at lahat ng ari-arian na lang ang kukuhanin.
Tila sa isang kurap ng mata ay nawala sa kanila ang lahat at ngayon ay narito sa isang maliit at maruming paupahan. Malayo sa malaking mansyon kung saan siya lumaki.
“Ayos lang. Makakabawi tayo.” Narinig niyang sinabi ng kanyang ina sa asawa.
Sa sumunod na araw ay naghanap ng trabaho ang mga magulang. Ang kanyang ama ay natanggap sa isang kompanya bilang normal na empleyado at ang ina ay tumanggap ng labada sa kapitahay.
Hindi masikmura ni Eldon ang lahat kaya maging siya ay naghanap na rin ng trabaho. Isang gabi, pagkauwi sa maliit na bahay ay sinalubong siya ng ina na umiiyak.
“Eldon, ang papa mo! Nabangga raw…”
Nang makarating sa ospital ay halos manghina siya dahil halos hindi na makalakad ang kanyang ama. Nabali raw kasi ang buto nito sa binti.
Galit niyang pinuntahan ang taong nakabangga at tila wala itong pakielam sa kanya at tinignan pa siya mula ulo hanggang paa.
“Magbabayad kami.” Pagyayabang ng nakabangga.
“Hindi yun sapat! Gusto ko na humingi ka ng tawad sa tatay at nanay ko!” Galit niyang sinabi.
Umiling ito, “Umalis ka na. Hindi ko gagawin yun. Hintayin mo ang abogado at sabihin mo kung magkano ang gusto mong ibayad ko.”
Matapos nito ay kinaladkad siya ng mga gwardiya nito palabas. Mapait siyang ngumiti.
Totoo nga talaga ang karma. Bilog ang mundo. Ang ginawa mo ay babalik rin sayo.