Inday TrendingInday Trending
Hatid-sundo Ni Lolo

Hatid-sundo Ni Lolo

“Lolo, huwag niyo na po akong sunduin. Kolehiyala na po ako, eh. Kaya ko na po umuwi mag-isa,” wika ni Joy sa kaniyang lolo bago sumakay sa bisikleta nito.

“Eh, kahit na. Delikado na ngayon, baka mamaya may nag-aabang na sa iyo dyan sa may kanto,” depensa naman ni Lolo Efren, saka tuluyang pinedal ang kaniyang bisikleta.

“Mamamasahe na lang po ako, Lolo kaysa nakabisikleta tayo,” sagot ng dalaga, napakunot naman ng bahagya ang noo ng matanda.

“Ayaw mo no’n, hindi ka na gagastos? Dati nga kinukulit mo pa ako sumundo sa’yo, eh. Tapos ngayon parang kinakahiya mo na ako,” wika ng matanda, dahilan para mainis ang dalaga.

“Eh, lolo naman, matanda na po ako,” tugon nito, bigla namang napatigil sa pagpepedal ang matanda.

“Edi, kinakahiya mo na nga ako? O, sige na. Bumaba ka na, baka tuksuhin ka na naman ng mga kaklase mo, eh,” sambit nito, bakas sa kaniyang boses ang pagtatampo.

Hindi naman inaasahan ng matanda ang ginawa ng kaniyang apo, pagkasabing-pagsabi niya noon, agad-agad itong bumaba ng bisikleta at sumakay ng jeep. Napabuntong hininga na lamang ang matanda dahil dito. Tila nagbago na talaga ang malambing at mabait niyang apo.

Ang matandang si Lolo Efren ang siyang nagpalaki sa dalagang si Joy. Simula sa pagpapalit ng diaper noong baby pa ito hanggang sa paghahatid sundo noong magsimula itong mag-aral, matiyaga siyang inaalagaan at pinahalagahan ng matanda. Anak kasi sa pagkadalaga ang batang ito. Kaya upang kumita ng pera ang kaniyang ina, pinaalaga siya sa matanda at nangibang-bansa.

Ngunit dahil nga sa nagdadalaga na ang dating “baby girl” ng matanda, tila nag-iiba na ang ugali nito. Madalas naiinis na siya kapag sinusundo ng kaniyang lolo. Minsan pa nga tinatakasan niya ito at dumadaan sa kabilang gate ng paaralan nila huwag lang siyang makita ng matanda.

Nang araw na iyon, nagmadaling bumaba at sumakay ng jeep ang dalaga. Nakita niya kasing papalapit na ang kaniyang mga kaklase sa lugar kung saan tumigil ang kaniyang lolo.

Wala pang kinse minuto, nakarating na siya sa kanilang bahay. Ngunit labis niyang ikinainis, halos isang oras na ang nakalipas, wala pa rin ang kaniyang lolo. Hindi pa siya nakakakain ng hapunan.

“Naku, si Lolo naman, wala pang sinaing, eh. Baka nakipagkwentuhan pa sa mga kumpare niya sa kanto! Nakakainis naman! Alam naman niyang hindi pa ako nakain!” sambit ng dalaga.

Habang naghihintay, naisipan ng dalaga na magsaing na. Padabog niya itong isinalang dahil sa inis sa matanda. Sakto namang naramdaman niyang may naupo na sa kanilang sala.

“Lolo naman! Saan ka ba nanggaling? Kanina pa ako naghihintay dito. Nagsaing na ako dahil sa gutom na nararamdaman ko!” bulyaw ng dalaga sa matanda ngunit tila bigla siyang nanlamig sa nakitang nakahandusay na matanda sa kanilang sofa. Duguan ito at tila wala nang malay.

“Lo-lolo! Lolo! Tulungan niyo kami! Ang lolo ko!” iyak ng dalaga saka nagmamadaling lumabas upang maghanap ng makakatulong sa kanila.

Matagumpay na nadala at nagamot sa ospital ang matanda. Sa kabutihang palad naman, hindi ito napuruhan. Puno lamang siya ng mga pasa’t sugat sa buong katawan. Nang magising ito, doon lamang nalaman ng dalaga ang sinapit ng kaniyang lolo.

“Doon kasi may kanto ng inyong paaralan, may isang grupo ng estudyanteng humarang sa akin. Nakikilala daw nila ako dahil lagi kitang hinahatid sundo. Hinahanap ka nila. Gusto ka nilang bilhin sa akin, Joy. Nang hindi ako pumayag, doon na nila pinagtulungan. Sinira pa nila ang bisikleta ko. Gusto ko sanag lumaban kaso matanda na ako’t nag-iisa. Buti na lang talaga sumakay ka na ng jeep, kundi baka nakuha ka na nila sa akin,” kwento ng matanda, tila nadurog naman ang dalaga sa mga inika nito.

Lubos siyang naantig dahil imbis na kaawaan ng matanda ang sarili, inisip pa rin nito ang kapakanan niya. Walang ibang magawa ang dalaga kundi umiyak sa kamay na puro pasa’t sugat habang humihingi ng tawad.

Napagtanto ng dalaga na hindi niya dapat ikahiya ang pagmamahal na binibigay ng kaniyang lolo kahit pa nagdadalaga na siya. Dahil handang ibuwis ng matanda ang kaniyang buhay maprotektahan lamang siya.

Simula nang araw na iyon, tuluyan nang pinagbawalan ng dalaga ang matanda na sumundo sa kaniya, hindi dahil kinakahiya niya ito ngunit para sa kaligtasan nito.

May nirentahan na lamang na driver ang kaniyang ina upang maghatid sundo sa kaniya. Sa pagkakataon ito ang kaligtasan ng dalaga at ng matanda ay hindi na kapangamba-ngamba.

Madalas talaga kapag nagkakaedad tayo, nahihiya na tayong kasama ang ating mga lolo at lola dala ng kanilang kakulitan at pagkasabik sa kausap. Ngunit marapat lamang na isipin at alalahanin natin kung paano nila tayo minahal at ginabayan noong mga bata pa tayo.

Advertisement