“Jewel, may nakakita raw sa’yo kagabi. May kasama ka raw lalaki sa may kanto. Sino ‘yon? Manliligaw mo?” tanong ni Aling Tesie sa anak na dalaga.
“Ah, eh, opo, mama. Hinatid niya lang po ako sa kanto,” amin ni Jewel saka nangamot ng ulo, hindi niya magawang tumingin sa ina dahil sa takot at hiya.
“O, bakit hindi ka dito hinatid sa bahay? Anong klaseng manliligaw yan?” inis na pang-uusisa ng ginang.
“Sa katunayan po, balak ko po talaga siya papuntahin dito kagabi kaso natatakot po ako kay papa,” nakatungong paliwanag ng dalaga.
“Aba, dapat lang matakot ka doon at lalo sa akin! Bakit hindi ka nagsasabing may manliligaw ka na, ha? Kung wala pang nakakita sa inyo, hindi ka aamin sa amin. Diyos ko, Jewel! Papuntahin mo ‘yan dito bago mo sagutin para makilatis ko muna!” sermon ng kaniyang ina, dahilan upang manatiling nakatungo ang dalaga.
“Opo, mamayang gabi po. Pangako,” tipid na sagot nito, nagulat naman siya sa sumunod na tanong ng ina.
“Mahal mo na ba?” tanong nito.
“O-opo,” pag-amin niya, habang nakayuko pa rin.
“Kikilatisin ko muna. Hindi dapat puro puso, dapat gamitin mo rin ang isip mo. Baka mamaya tatamad-tamad ‘yan. O siya, lumakad ka na mahuhuli ka na sa klase,” pangaral nito saka bineso ang anak bago umalis. Tuluyan na ngang umalis ang dalaga, puno ng kaba ang kaniyang puso, akala niya’y papatigilin nito ang binatang manligaw sa kaniya.
Nag-iisang anak si Jewel kaya naman ganoon na lamang ang pag-aalaga at paghihigpit ng mga magulang niya sa kaniya. Kung tutuusin nga, labing siyam na taong gulang na siya pero isa pa lang ang nagtangkang manligaw sa kaniya. Ito ay dahil halos lahat ng binata sa kanilang paaralan, kilala ang dalaga sa pagkakaroon ng istriktong mga magulang.
May kagandahan naman ang dalaga at may angking talino. Ito rin ang isa mga dahilan kung bakit nais muna nila itong mag-focus sa pag-aaral. ‘Ika nila, siya lang ang natatangi nilang pag-asa upang makaahon sa kahirapan.
Noong araw ring ‘yon, agad na sinabi ni Jewel sa manliligaw na nais nga ng magulang niyang pumunta ito sa bahay nila mamayang gabi.
“Sigurado ka? Hindi ka na natatakot sa tatay mo?” paninigurado ni Gino, napabuntong hininga lang naman ang dalaga.
“Huwag ka mag-alala, gagawin ko ang lahat magustuhan lang nila ako para sa’yo. Hindi kita isusuko, ilalaban kita hanggang kaya ko. Huwag ka na malungkot o kabahan d’yan, pagkatiwalaan mo ako,” wika nito sabay ngiti dahilan upang umalwan ang pakiramdam ng dalaga.
Dumating na nga ang kanilang uwian at dumiretso sila sa bahay ng dalaga. Malayo pa lang sila natanaw na ng dalaga ang kaniyang mga magulang na naghihintay sa kanilang gate.
Ngunit laking gulat ng dalaga nang bigla silang sinalubong ng kaniyang ina.
“Gi- Gino? Ikaw ba ‘yan? Sabi na, eh! Kamusta na ang pinsan ko?” ‘ika ni Aling Tesie sabay yakap sa binata, tila naguguluhan naman ang dalaga sa mga nangyayari.
“Jewel, nasaan na ang manliligaw mo?” tanong nito sa dalaga pagkatapos yumakap sa binata.
“S- si Gino po ‘yung manliligaw ko,” nauutal na amin ng dalaga, dahilan upang magulat ang kaniyang ina.
Agad silang pinapasok sa bahay ng ginang. Halos hindi ito makapagsalita, todo iling na lamang sa likod niya ang kaniyang asawa sa pagkadismaya sa nangyayari.
“Ate, pasensya na po kayo. Hindi ko naman po akalaing si Jewel pala ‘yong anak mo. Sobrang napamahal na po siya sa akin, ate. Mahal na rin po ako ng anak mo,” mangiyakngiyak na sabi nito.
“Hindi pa naman kayo, hindi ba? Mas mabuting tuldukan niyo na ngayon ‘yang namumuong relasyon niyo, tanggapin niyong magtiyuhin kayo,” sabat ng tatay ng dalaga, wala namang ibang magawa ang dalaga kundi umiyak na lang. Labis siyang nadidismaya dahil pamilya na ang kalaban nila.
“Opo, pasensya na po, kuya,” sagot ni Gino, saka tuluyan nang nagpaalam.
Hinabol naman siya ng dalaga dahilan upang mapalingon siya, kitang-kita niya kung paano bumagsak ang mga luha nito, “Pasensya ka na, Jewel. Kahit pagbalik-baliktarin natin ang mundo, magkamag-anak pala tayo. Wala na tayong magagawa. Tama ang papa mo, hangga’t maaga, tuldukan na natin ‘tong relasyon natin,” sambit nito saka tuluyang naglakad palayo sa dalaga.
Simula noon, lagi nang umiiwas sa dalaga ang binata dahilan upang unti-unting matanggap nito ang katotohanan. Mahirap man, pero kinakailangan.
Ginawang inspirasyon ng dalaga ang pangyayaring iyon upang magpursigi sa pag-aaral habang naghihintay sa tamang taong nakalaan sa kaniya. Matagumpay siyang nakapagtapos at nakahanap ng magandang trabaho sa bangko.
Kung saan niya nakilala ang kaniyang unang nobyo na hindi naman kalaunan, mapapangasawa niya. Wala itong sabit o kahit anong koneksyon sa kanilang pamilya. Kasabay ng pagsagot niya ng “oo” sa proposal nito ang pagbaon niya sa limot sa kaniyang unang lalaking minahal, si Gino, ang tiyo niya.
Tunay na mapaglaro ang tadhana kaya kailangan mong lumaban dito upang magtagumpay sa buhay. Kung nabigo ka sa pag-ibig sa unang pagkakataon, huwag kang matakot na sumubok muli dahil nariyan lamang sa tabi-tabi ang kabiyak na tunay na nakatadhana para sa iyo.