Inday TrendingInday Trending
Isang Daang Tinapay

Isang Daang Tinapay

“‘Neng, palimos naman. Kahit piso lang, malaking tulong na sa akin ‘yan.” limos ng isang matandang pulubi sa dalagang kumakain ng tusok-tusok sa kalsada.

“Wala po, lolo,” matipid na tugon ni Krisa saka tumusok ulit ng fishball.

“Sige na, ‘neng. Ayan o, may kumakalog sa bulsa mo,” pangungulit ng matanda.

“Wala nga po, doon na kayo!” taboy ng dalaga, tila napatingin sa kaniya ang ilang dumadaang tao, sabay dating naman ng kaibigan niyang bumili ng maiinom sa tindahan.

“Huy, Krisa! Bakit mo sinisigawan ‘yung matanda?” gulat na pang-uusisa ni Jona.

“Eh, paano kasi, ang kulit kulit! Hingi nang hingi sabi nang wala! Kapag binigyan mo naman ‘yan sila, sigurado ipapangsugal lang nila o ‘di naman kaya, ipapambili ng pinagbabawal na gamot!” kwento ng dalaga “O, dyan ka muna, ha? Magbabanyo lang ako. Kapag may lumapit sa’yong pulubi, huwag na huwag mong bibigyan! Tinutulungan mo lang ‘yan sila magbisyo!” bilin nito saka umalis upang magbanyo sa kapatapat na kainan.

Maya-maya, nilapitan naman ng matanda ang naiwang kaibigan ng dalaga.

“Ineng, pahingi naman kahit piso. Sige na, malaking tulong na ‘yon,” daing nito.

“Piso lang pala hinihingi ni lolo, eh,” ‘ika nito sa sarili, hindi niya na pinansin ang bilin ng kaibigan dahil naisip niya, hindi naman ito makakapagbisyo sa halagang piso.

“Ito po,” sambit niya at saka inabot ang piso sa matanda, bakas sa mukha nito ang kasiyahan, ngunit agad agad itong umalis nang marinig ang sigaw ng dalagang nagtaboy sa kaniya.

“Jona! Sabi sa’yo huwag mo siyang bibigyan e!” inis na ika ni Krisa.

“Bakit ba? Piso lang naman hinihingi niya, eh,” depensa naman ni Jona.

“O, sige. Halika! Sundan natin ‘yang matandang yan para makita mo kung anong ginagawa niya sa napapalimusan niya!” ‘ika ng dalaga.

“O sige, kapag binili niya ng pagkain ang perang binigay ko, humingi ka ng tawad sa kaniya, ha?” sambit ng kaniyang kaibigan.

“Oo, sige! Kapag ‘yan bumili ng masamang gamot o nagsugal, ibibili mo ako ng milktea!” tugon nito, sumang-ayon naman ang dalaga saka sila nagsimulang sundan ang matanda.

Bente ayos na ang dalagang si Krisa, ngunit simula noong napanuod niya sa balita noong sampung taong gulang palang siya ang tungkol sa mga pulubing ginagamit ang perang napamalimusan nila sa masamang gamot at sugal, tumigil siya sa pag-aabot ng tulong sa mga ito, kahit pa piso o isang pirasong biscuit, hindi siya nagbibigay sa mga pulubi.

Kaya naman ganoon na lang ang inis niya sa kaniyang kaibigan. Paniniwala niya pa kasi, kapag binigyan mo sila, hindi mo sila tinutulungan mabuhay, sa halip ay tinutulungan mo lang silang magbisyo.

Doon rin, tuluyan ngang sinundan ng magkaibigan ang matanda. Matagal-tagal rin muna ito nanlimos, hanggang sa naupo na ito sa isang sulok at tila nagbibilang na ng kaniyang napalimusan.

“O, ayan, mukhang nakarami na siya. Sigurado ako, ang susunod na pupuntahan niyan ay sugalan na o kaya naman bilihan ng masamang gamot,” bulong ni Krisa sa kaniyang kaibigan, tumingin lang naman ang dalaga sa kaniya, saka pinagmasdan muli ang matanda.

Naglakad ulit ito kaya naman dalidali silang sumunod. Laking gulat nila nang tumigil ito sa tapat ng isang bakery.

“Baka may nagtitinda ng masamang gamot doon,” bulong ni Krisa, napabuntong hininga na lang ang kaniyang kaibigan.

Maya-maya pa, may bitbit na ang matanda, hindi masamang gamot, kundi dalawang plastic bag na puno ng tigpipisong pandesal.

“O, humingi ka na ng tawad kay lolo! Pagkain yung binili niya!” utos ni Jona sa kaibigan.

“Saglit, malay mo ‘yan ang ibibigay niya kapalit ng masamang gamot. Sundan pa natin!” sagot nito, sinundan pa nga nila ang matanda hanggang sa nakarating sila sa tambakan ng basura.

Kitang-kita nilang kung paano magsitakbuhan ang mga batang pulubi nang makita ang matanda. Nagulat sila ng biglang nagsipilahan ang mga ito at binigyan ng tigdadalawang tinapay ng matanda.

Walang magawa ang magkaibigan kundi magpigil ng luha. Kitang-kita kasi nila ang matatamis na ngiti ng mga batang tuwang-tuwa na sa dalawang piraso ng tinapay. Isa pa, ang halakhak ng matandang nagpagod, makapagbigay lang sa mga kapuspalad kahit isa siya sa mga ito. Hindi na nakayanan ni Krisa ang mga nakikita, para bang tinutusok ang kaniyang puso. Kaya naman niyaya niya ang kaniyang kaibigan na umalis.

“Teka, Krisa, humingi ka muna ng tawad kay lolo,” wika nito sabay punas sa kaniyang luha.

“Oo, samahan mo muna ako,” seryosong sambit nito.

Pumunta sila sa pinakamalapit na grocery store at bumili ng inuming juice saka sila muling nagpunta sa tambakan. Sakto namang naroon pa ang mga bata at ang matanda na sabay sabay kumakain.

“Lolo, ito po oh. Inumin para sa inyo,” wika ni Jona, tila napatitig sa kaniya ang matanda na para bang nakikilala siya, “pasensya na po kayo kung nasigawan ko kayo kanina, pangako po, babawi ako,” dagdag pa nito dahilan upang mapangiti ang matanda at kunin ang mga juice na inabot niya.

Doon rin natuklasan ng magkaibigan na araw-araw pala itong ginagawa ng matanda. Nanlilimos siya at kapag mayroon na siyang isang daang piso, agad siyang pupunta sa bakery upang bumili ng isang daang tinapay na ibabahagi niya sa limangpung bata sa tambakan. Madalas, wala siyang nakakain ngunit ‘ika niya, “Nabubusog ako sa mga ngiti at halakhak ng mga batang pinagkaitan ng mundo,” dahilan upang lubos na lumuha ang magkaibigan.

Simula noong araw na iyon, kapag may sobrang pera ang magkaibigan, agad nilang hinahanap ang matanda upang bigyan ito.

Nakilala naman ang matanda sa buong siyudad nang minsang maikwento ito ng dalawang magkaibigan sa kanilang paaralan. Dumagsa ang mga donasyon sa matanda na labis niyang ikinasaya. Lubos ang kaniyang pasasalamat sa dalawang dalagang tumulong sa kaniya dahil sa wakas, kahit nasa laylayan sila ng lipunan, may tulong silang nakakamit.

Mag-ingat sa panghuhusga, dahil sigurado isang araw sasampalin ka ng tadhana ng konsensya’t katotohanan.

Advertisement