Inday TrendingInday Trending
Ang Dambuhalang Bangus ng San Esteban

Ang Dambuhalang Bangus ng San Esteban

Nagsimula ang lahat nang hawanin ng mangingisdang si Mang Teroy ang kaniyang anim na baklad na sumasalo sa mga tahong na ibebenta niya sa pamilihan. Nagulat siya dahil may isang maliit na bangus na nakapasok at naligaw dito. Iniuwi niya ito sa bahay at inihiwalay sa isang batyang may tubig. Naisip niyang ulamin ito.

Habang nag-iisip kung ihahawin, piprituhin, o isisigang ang bangus na naligaw sa kaniyang baklad, nakita ito ng bunsong anak na si Tolits. Masasakitin at malulungkutin ang batang ito. Pinaglaruan nito ang maliit na bangus. Tila may isip naman itong nakipaglaro sa anak.

“Tatang, huwag na nating ulamin ang bangus. Gusto ko po siyang alagaan,” hiling ni Tolits sa kaniyang tatay.

Humanap ng isang malaking garapon si Mang Teroy at inilagay roon ang munting bangus. Nilagyan ito ng tubig. Dumaan ang maraming araw at buwan. Naging masiyahin at masigla si Tolits dahil sa alagang bangus. Lagi nila itong pinakakain. Hanggang sa makalipas ang anim na buwan, lumaki ang bangus na kasinghaba ng itak.

Kinailangang humanap at bumili ng isang aquarium sa bayan si Mang Teroy upang may mapaglagyan sa lumalaking bangus. Kapansin-pansin din ang kakaibang gawi ng naturang isda. Tila may sarili itong isip at nakaiintindi sa kanilang mga kilos. Kapag dumarating na si Mang Teroy, nagiging malikot ito at kinakampay ang buntot, tulad ng isang asong kinakawag ang buntot kapag nakikita ang amo.

Makalipas ang isang taon at lalong lumaki at humaba ang alaga nilang bangus. Hindi na sapat ang aquarium para dito. Masyadong mahal kapag bumili pa sila ng mas malaking aquarium, kaya inilipat nila ito sa isang inflatable swimming pool na nahingi ni Mang Teroy sa kanilang kapitbahay. Dito na napansin ng kanilang mga kapitbahay ang kakaibang laki ng bangus. Kasinghaba at kasinlapad na kasi ito ng isang mesang kainan, bagay na kakaiba.

Halos araw-araw dinarayo ng mga tiga San Esteban ang malaking bangus upang makita ito. Marami ang nagpapaselfie rito. Para naman itong tao na titingin sa camera kapag kinuhanan. Hanggang sa maging viral at pag-usapan sa social media ang kakatwang bangus na kasinlaki na halos ng tao.

“Tatang, sikat na sikat na tayo dahil kay Bangee,” sabi ni Roxanne sa kaniyang tatay. Si Roxanne ang panganay na anak ni Mang Teroy na nag-aaral sa kolehiyo. Tatlo na lamang sila sa buhay dahil maagang namayapa ang maybahay niya.

“Talaga, anak? Nakatutuwa naman,” sabi ni Mang Teroy.

“Opo tatang. Marami po ang nagpapadala ng mensahe sa akin sa messenger. Gusto nilang makita si Bangee. May mga media rin po na gusto tayong makapanayam. Ibabalita raw nila ito sa TV!”

Marami ngang dumagsang mga tao mula sa iba’t ibang mga lugar gayundin ang iba’t ibang mga media men mula sa TV network, radyo, news sites sa internet, at diyaryong lokal at internasyunal upang itampok si Bangee. Lalo naman itong lumaki. Kung itatayo ito, mas matangkad pa ito kay Mang Teroy. Sumikat ang bayan ng San Esteban kaya sumigla ang turismo nito dahil kay Bangee. Sumikat din ang pamilya nina Mang Teroy.

Pinagkakitaan na rin ng pamilya si Bangee. Gumawa ng vlogs si Roxanne at Tolits na nagtatampok kay Bangee. Dahil sa dami ng viewers at subscriber ng kanilang channel, nakatatanggap sila ng kita. Naipagawa nila ang kanilang giray na bahay at nakabili ng mga karagdagang bangkang de motor si Mang Teroy.

“Swerte ang dala sa atin ni Bangee,” minsan ay nasabi ni Mang Teroy sa kaniyang mga anak.

“Oo nga po, tatang. Kaya kailangang alagaan natin siyang maigi,” sabi ni Roxanne.

Lalong sumikat si Bangee nang bumisita ang mga kinatawan ng Guinness Book of World Records at maitala si Bangee bilang pinakamalaking alagang bangus sa kasaysayan. Higit na dinagsa ng mga turistang lokal at dayuhan ang bahay nina Mang Teroy para lamang makita at makakuha ng larawan kay Bangee.

Nagsimula na ring magbago ang gawi at ugali nina Mang Teroy at Roxanne. Naging magaspang ang kanilang pag-uugali lalo na sa kanilang mga kapitbahay na naghihirap pa rin. Bumili ng dalawang kotse si Mang Teroy. Bumili na rin siya ng sariling lantsa.

Lalong naging hambog ang mag-ama nang may mga turistang nagsabing gumaling ang kanilang mga sakit sa paghawak kay Bangee. Instant mapaghimalang isda ang naging tingin ng mga tao kay Bangee. Bukod sa mga turistang nais makita ang dambuhalang bangus, nagtutungo rin doon ang mga taong may iba’t ibang sakit na umaasang gagaling sila kapag nahawakan nila si Bangee.

Isang umaga, naging matamlay ang dambuhalang isda. Kapansin-pansing hindi nito ginagalaw ang pagkaing ibinibigay nina Mang Teroy.

“Hindi pwede ito. Kailangang sumigla ni Bangee. Maraming pupunta para makita siya. Sayang ang kikitaing pera,” turan ni Mang Teroy.

“Ano kaya tatang kung ipasyal natin siya sa tabing-dagat? Baka kailangan lamang niyang lumanghap ng sariwang hangin,” payo ni Roxanne.

Ipinabuhat ni Mang Teroy ang inflatable swimming pool na tinitirhan ni Bangee sa binili niyang lantsa. Halos isang dosenang kalalakihan ang nagtulong-tulong upang mabuhat at mailipat ang dambuhalang isda. Nang umaandar at naglalayag na ang lantsa sa dagat, kitang-kita ang sigla kay Bangee.

Hanggang sa bigla na lamang itong tumalon mula kinalalagyang inflatable swimming pool at lumusong sa dagat. Nagmistula tuloy itong isang balyena.

“Tatang! Anong gagawin natin? Wala na si Bangee? Paano na ang kita natin?” nanlulumong tanong ni Roxanne sa tatay.

“Wala na tayong magagawa, anak. Bumalik na si Bangee sa kaniyang tunay na tahanan. Magpasalamat na lamang tayo sa swerteng naidulot niya sa atin,” paliwanag ni Mang Teroy.

Tuluyan na ngang bumalik ang bangus sa kaniyang pinagmulan kasama ng kaniyang mga kalahi. Nagulat ang lahat sa ginawa ng isda, at may mga taong mapagmahal sa hayop ang nagsabing nararapat lamang ang nangyari dahil masyadong nagambala ang katahimihan ng naturang bangus.

Ayaw nang bumalik sa hirap ni Mang Teroy kaya naman patuloy siyang nagsumikap upang hindi masayang ang kanilang pinaghirapan, dahil na rin kay Bangee, ang dambuhalang bangus ng San Esteban.

Advertisement