Humahangos na dumating si Mang Roger bitbit ang isang magandang balita para sa misis na si Aling Frea na noo’y nagluluto ng pananghalian. Nasa eskwela naman ang kanilang tatlong anak.
“Frea! Approved ang working visa ko sa Canada!” masayang balita ni Mang Roger kay Aling Frea.
“Talaga, mahal? Congratulations!” mahigpit na niyakap at hinalikan ni Aling Frea sa pisngi ang pinakamamahal na asawa. Sa kabila ng kasiyahan ay nakaramdam ng lungkot si Aling Frea bagay na hindi nakaligtas sa paningin ni Mang Roger.
“Uy nakita ko iyon. Lumamlam ang mga mata mo. Huwag ka nang malungkot. Dalawang taon lang naman akong mawawala,” pag-alo ni Mang Roger sa misis.
“Syempre mami-miss ka namin ng mga anak mo. Pero ito talaga ang kailangan nating gawin para mapag-aral natin sina Carl, Fritz, at Jenny. Lumalaki na sila. Ako ay isang hamak na housewife lamang,” nasabi ni Aling Frea.
“Huwag mong nila-lang ang pagiging housewife mo, mahal. Tingnan mo naman, napalaki mo nang maayos ang mga anak natin. Dahil iyan sa iyo,” puri ni Mang Roger kay Aling Frea.
Isang bus driver si Mang Roger sa isang bus company. Dahil lumalaki na ang kanilang tatlong anak, kinailangan niyang mag-apply bilang driver sa Canada. Pinalad namang maaprubahan ang kaniyang visa. Si Aling Frea naman ay isang butihing maybahay. Tutok si Aling Frea sa pag-aalaga at pag-aaral ng kaniyang mga anak sa bahay.
Sa araw ng paglipad ni Mang Roger patungong ibang bansa, inihatid siya nina Aling Frea at ng kaniyang tatlong anak.
“Mag-iingat ka roon, mahal. Lagi kang mag-update sa chat. Magvideo call din tayo,” bilin ni Aling Frea.
“Oo naman, mahal. Ikaw rin. Ikaw na muna ang bahala sa mga bata,” nakangiting bilin ni Mang Roger sa asawa.
Ilang buwan ang lumipas at naging maayos naman ang pagpapadala ni Mang Roger ng sustento sa Pilipinas. Medyo malaki-malaki ang sweldo ni Mang Roger kaya naman naibibili ni Aling Frea ang lahat ng gusto ng kanilang mga anak. Dahil magaling mag-budget si Aling Frea, nakapag-ipon siya mula sa mga perang padala ng asawa sa kanilang joint account.
Makalipas ang isang taon at naipagawa na ni Aling Frea ang kanilang munting bahay. Tinatapos pa lamang ang ikalawang palapag nito nang isang masamang balita ang bumungad sa kanila. Naaksidente at sumakabilang buhay raw ang asawa habang nagmamaneho. Pakiramdam ni Aling Frea ay bumagsak ang langit at lupa sa kaniya.
Halos dalawang linggo ang lumipas bago maipadala sa Pilipinas ang mga labi ni Mang Roger na nakasilid sa malaking kahon. Tatlong araw itong naiburol bago nailibing. Hindi malaman ni Aling Frea ang gagawin. Mabuti na lamang at may naipon siya mula sa mga padala ng asawa. Subalit alam niyang hindi sapat iyon. Nag-aaral sa pampribadong paaralan sina Carl, Fritz at Jenny. Kailangan niyang humanap ng trabaho.
Isang araw, nagsadya si Aling Frea sa dating pinagtatrabahuhang bus company ni Mang Roger. Nakiusap siya sa dating amo ni Mang Roger na ipasok at tanggapin siya roon.
“Hindi kami nangangailangan ng sekretarya ngayon o konduktor,” sabi ng dating amo ni Mang Roger.
“Ganoon ba? Pero hindi naman iyon ang gusto kong pag-apply-an. Nag-apply ako bilang bus driver. Katulad ng ginagawa ni Roger,” sabi ni Aling Frea.
“Sigurado ka? Kaya mo ba?” nag-aalinlangang tanong nito sa balo.
“Oo. Marunong akong magmaneho. Saka, inoobserbahan ko si Roger noon. Kukuha lang ako ng lisensya. Nakikiusap ako sa iyo. Kailangan ko ng trabaho,” pagmamakaawa ni Aling Frea.
Pumayag naman ang dating amo ni Mang Roger. Matapos ang ilang oryentasyon, pagsasanay, at pagkuha ng lisensya, sumabak na sa pagmamaneho si Aling Frea. Isang araw bago ang aktwal na paglabas, kinausap ni Aling Frea ang kaniyang mga anak.
“Mga anak, kailangan kong magtrabaho. Para makaraos tayo. Sana’y maintindihan ninyo ang gagawin ko.”
Sa unang araw ng paglabas ni Aling Frea bilang bus driver, marami ang nagulat, natuwa, at humanga sa kaniya. Subalit may ilan ding nag-aalinlangan sa kaniyang kakayahan dahil isa siyang babae. Minsan, narinig pa ni Aling Frea ang bulungan ng isa sa mga pasahero niya.
“Bakit babae ang driver? Baka bumangga tayo,” sabi ng lalaking pasahero.
“Huwag kang maingay at baka marinig ka. Hindi naman siguro,” sagot ng kasama nito.
Hindi inalintana ni Aling Frea ang sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga, marangal ang kaniyang hanapbuhay.
Pag-uwi sa bahay, sinorpresa siya ng kaniyang mga anak. Binilhan siya ng mga ito ng paborito niyang brazo de mercedez.
“Para saan ito? Anong okasyon?” naluluhang tanong ni Aling Frea.
“Para po sa pagmamahal ninyo sa amin ni papa. Mahal na mahal po namin kayo at ipinagmamalaki namin!” tugon ng panganay na si Carl.
Niyakap ni Aling Frea ang kaniyang mga anak. Gagawin ng isang magulang, o ng isang ina ang lahat alang-alang lamang sa kaniyang mga supling.