Dahil Kamukhang-Kamukha ng Binata ang Nasirang Nobyo ay Ipinakilala Ito ng Matanda sa Kaniyang Anak na Babae; Hindi Niya Inasahan na Iibigin Nito ang Dalaga
Si Arnold ay isang simpleng empleyado sa maliit na kumpanya. Sa edad na trenta’y dos ay wala pa siyang asawa at kahit nobya ay wala rin dahil hindi pa siya handang pumasok sa pakikipagrelasyon.
Araw ng suweldo kaya naisipan niyang i-treat ang sarili. Kumain siya sa isang mamahaling restawran. Ganoon ang ginagawa niya kapag bagong sahod, kumakain siya ng masarap at bumibili ng kung anuman ang gustuhin niya.
Lagpas isang oras na siya sa restawran na iyon nang mapansin niya ang isang matandang lalaki na kanina pa titig na titig sa kaniya. Nakaupo ito sa katapat na mesa.
“Aba, kanina pa ako pinagmamasdan ng matandang ito a! Hmmm…diskumpiyado ako sa taong ito,” sabi niya sa isip.
Akala niya ay may masamang tangka ang lalaki kaya nagmamadali siyang tumayo sa kinauupuan. Palabas na siya sa pinto nang tawagin siya ng matanda.
“Sandali lang, hijo! Sandali!” sigaw nito.
Nilingon niya ito at hinarap.
“B-Bakit po?” tanong niya.
“M-Maaari ba kitang makausap?” sambit ng matanda.
“Eh, ano po bang kailangan niyo?”
May dinukot ang matanda sa bulsa nito, mga litrato at ipinakita sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang taong naroon.
“T-Teka, a-ako iyan a!” gulat na sabi niya.
Umiling ang matandang lalaki. “Naku, hindi hijo. Hindi ikaw ang nasa mga litrato, kamukhang-kamukha mo lang. Iyan ang dahilan kung bakit gayon na lang ang pagkakatitig ko sa iyo kanina,” anito.
Inalok ni Arnold na umupo muna sila ng matanda. Bumalik uli sila sa mesa.
“Ganoon po pala, akala ko’y masamang tao na kayo, eh. Pero bakit kamukha ko po ‘yung nasa litrato? Wala naman po akong kakambal at wala akong kapatid na kamukha ko kaya nagtataka rin ako kung bakit magkamukha kami ng lalaking iyan sa litrato,” sabi niya.
“Hindi ko nga rin maintindihan, kahit ako ay nabigla. Ang nasa litratong ito ay ang nobyo ng kaisa-isa kong anak na babae, siya si Hansel. Malapit na silang ikasal noon nang sumakabilang buhay ang lalaki sa aksidente. Masyadong dinamdam ng anak kong si Isabel ang pagpanaw ng kaniyang nobyo kaya ngayon ay nakaratay siya sa sakit, at sa tingin ko’y ayaw na ring mabuhay,” naiiyak na sabi ng matanda.
Napailing si Arnold sa kwento ng kausap. “Tsk! Kawawa naman po ang anak niyo.”
“May gusto sana akong ialok sa iyo, hijo. Tulungan mo naman ako sa aking anak. Kung makikita ka niya’y siguradong babalik ang dati niyang sigla, gagaling siya at hahangarin niya pang mabuhay. Nakahanda akong magbayad ng kahit magkano, hijo. Nakikiusap ako sa iyo,” pagsusumamo nito.
Nakaramdam ng awa si Arnold. “Gusto ko kayong matulungan sir, pero wala akong panahon. Pumapasok ako sa opisina sa araw at sa gabi naman ay may part time job ako bilang virtual assistant,” sagot niya.
“Ako ang bahala sa iyo, hijo. Babayaran ko ang mga araw na igugugol mo sa anak ko. Doble pa ng kinikita mo sa trabaho mo ang ibibigay ko sa iyo. Huwag kang mag-alala, kapag natanggal ka sa opisinang pinapasukan mo’y bibigyan kita ng posisyon sa aking kumpanya,” sabi ng matanda. “Nga pala, ako si Mr. Paulito Gomez, isang negosyante at ikaw hijo, ano nga ang pangalan mo?”
“Ako po si Arnold. Sige po pumapayag na ako,” napilitang sabi ng lalaki. Sayang din naman ang kikitain niya.
Agad na dinala ni Paulito si Arnold sa anak nitong si Isabel. Pagkakita pa lang ng dalaga sa lalaki ay napabangon ito sa kama.
“Anak, may nakilala ako, kamukhang-kamukha siya ni Hansel. Gusto ka rin niyang makilala, gusto ka niyang tulungan na makalimot, siya si Arnold. Nagkakilala kami kanina sa restawran. O, di ba’t kamukhang-kamukha siya ni Hansel?” wika ng matanda.
Napaluha si Isabel nang makita si Arnold.
“Kung hindi ko nakitang inilibing si Hansel ay aakalain kong buhay pa siya. Magkamukhang-magkamukha kayong dalawa, pati tindig at porma ay parehong-pareho,” sabi nito.
Nang makita ni Arnold ang pagluha ng dalaga ay parang nakaramdam din siya ng matinding kalungkutan. ‘Di niya maintindihan ang sarili, pero bigla siyang nagkaroon ng pag-aalala rito. Pagkakita pa lang niya sa dalaga’y may kung anong kumabog sa kaniyang dibdib dahil ‘di maipagkakailang maganda si Isabel.
“Huwag ka nang umiyak. Kung makakaragdag din lamang sa sama ng loob mo ang pagkakamukha ko sa yumao mong nobyo, mabuti pang huwag na akong magpakita pa sa iyo,” sabi niya.
Umiling ang dalaga. “H-Hindi. Ang luhang ito’y dahil sa kagalakan sapagkat para na ring nabuhay si Hansel sa katauhan mo,” tugon ni Isabel.
Mula nang magkakilala sila ay biglang sumigla ang dalaga. Kung dati ay mahina ang katawan nito at palaging nakahiga sa kama, ngayon ay nagagawa na nitong lumabas ng bahay.
“Huwag mo na akong akayin, kaya ko nang lumakad na mag-isa,” anito.
“Ang yabang mo a! Kay bilis mong gumaling nang makita mo ako, sabi na nga ba ako lang ang makakagaling sa iyo, eh,” pabirong sabi ni Arnold.
Makalipas ang isang buwan ay tuluyan nang gumaling si Isabel. Araw-araw din nitong kasama si Arnold.
“Saan mo pa gustong pumunta tayo?” tanong ng lalaki.
“Kumain tayo sa labas tapos ay pumunta tayo sa park,” tugon naman ng dalaga.
At sa parke, habang nagkukuwentuhan sila ay napag-usapan nila ang tungkol sa isa’t isa.
“Alam mo, Arnold, kung ‘di ka dumating sa buhay ko’y maaaring wala na rin ako ngayon. Suwerte ko pa rin, kaya lang…”
“Kaya lang ay ano, Isabel?”
“Ang pagmamahal na iniukol sa akin ni Hansel, kailanman ay hindi ko na muling madarama,” sabi nito.
Umiling si Arnold. “Nagkakamali ka, Isabel. Sa pagkabuhay ni Hansel sa aking katauhan ay taglay ko rin ang pagmamahal niya sa iyo,” sinserong sabi niya.
Saglit na natigilan ang dalaga sa tinuran niya.
“Binubuhay mo lamang ang loob ko, Arnold, kaya mo nasabi ‘yan.”
“Totoo ang sinabi ko, Isabel. Unang kita ko pa lang sa iyo ay nadama ko na ang pagmamahal na ‘yan,” aniya.
“Totoo ba ‘yan?”
Hinawakan ni Arnold ang magkabilang pisngi ng dalaga. “Pinaka-iibig kita, Isabel,” buong puso niyang sabi.
Maligayang-maligaya si Isabel ng araw na iyon ngunit kinagabihan ay hindi niya sinasadyang marinig na nag-uusap ang papa niya at si Arnold.
“Mahusay ang pagkakatrabaho mo, Arnold. Ganap na ngang bumalik ang dating sigla ng aking unica hija. At gaya ng naipangako ko sa iyo, eto ang tseke na nagkakahalaga kung ano ang napag-usapan natin noon,” masayang sabi ni Paulito.
“Diyos ko! Niloko lang niya ako,” gulat na sambit ni Isabel sa isip.
Parang sasabog ang dibdib ng dalaga sa matinding pagdaramdam dahil sa natuklasan.
“Manloloko ka, Arnold, manloloko ka!”
Sa ganoong ayos siya dinatnan ng lalaki.
“A-Anong problema, Isabel? Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong nito.
“Ano pang ginagawa mo rito? Tapos na ang kasunduan niyo ni papa, ‘di ba? Nakuha mo na ang kabayaran sa ginampanan mong tungkulin kaya makakaalis ka na,” patuloy na hagulgol ni Isabel.
“Pakinggan mo muna ako, Isabel. Magpapaliwanag ako. Ang kasunduang iyon ay napag-usapan namin ng papa mo noong hindi pa kita nakikita at nakikilala, pero nang makita kita at makadama ako ng pag-ibig sa iyo ay kinalimutan ko na ang kasunduan na iyon. Kung ako man ay karapat-dapat gantimpalaan sa aking ginawa, ang nais ko’y pagmamahal mo at hindi salapi ng iyong ama. Hindi ang tsekeng ito,” paliwanag niya saka pinunit sa harap ni Isabel ang tsekeng ibinigay ni Paulito.
Maya maya ay humahangos na pinuntahan ni Isabel ang ama sa kwarto nito.
“Papa, papa, habulin mo si Arnold, umalis siya, eh. Bilisan mo, papa!”
Pagkatapos punitin ni Arnold ang tseke ay nagkunwari itong aalis na para subukin si Isabel kung pipigilan siya nito, at iyon nga ang nangyari. Hindi hinayaan ng dalaga na umalis siya.
“Huwag mo akong iiwan, Arnold, kailangan ko rin ang pagmamahal mo,” lumuluhang sabi nito habang yakap-yakap siya.
Niyakap na rin nang mahigpit ni Arnond si Isabel saka pasimpleng hinalikan ito sa pisngi.
“Okey, hindi na ako aalis, labs,” bulong niya.
Kinurot naman siya sa tagiliran ng dalaga. “Ikaw talaga, gusto mo pang hinahabol ka, eh!”
Nang makitang magkayakap at sweet ang anak at ang lalaki ay saka lamang naunawaan ni Paulito ang lahat.
“Aba, wala naman sa kasunduan ito, a! Pero ayos na rin. Lalong napaigi, tiyak na magkakaroon na ako ng apo,” tatawa-tawang sabi ng matanda.
Makalipas ang ilang buwan ay ikinasal sina Arnold at Isabel at nagkaroon sila ng kambal na anak.
Iba talaga kung kumilos ang tadhana, ano? Sino nga bang mag-aakala na mauuwi sa tunay na pagmamahalan ang kwento nila?