Niloko ng Nobya ang Lalaki Kaya Ninais Niyang Tuldukan na ang Sakit na Nadarama; Doon Niya Pala Makikilala ang Tunay Niyang Prinsesa
Wasak na wasak ang puso ni Elmer sa mga oras na iyon. Mugto na ang mga mata at halos hindi na niya makita ang daan kung saan niya minamaneho ang kotse, pero bahala nang mab*ngga siya dahil wala na rin namang halaga ang buhay niya.
Bata pa siya nang maulila sa mga magulang. Sinawimpalad ang mama at papa niya sa isang aksidente dalawampung taon na ang nakakaraan. Pinag-aral siya ng isa niyang tiyahin at nakapagtapos naman sa kolehiyo nang may karangalan. May maganda na siyang trabaho, nakapagpundar na rin siya ng bahay at lupa pero hindi siya masaya, may kulang pa rin sa buhay niya pero nang makilala niya sa Bella, akala niya ay ito na ang babaeng makakasama niya habang buhay. Niligawan niya ito at minahal, ikatlong anibersaryo nga nila ngayon kaya sabik siyang sorpresahin ang nobya sa condo unit nito ngunit pagdating niya roon ay gumuho ang mundo niya sa nasaksihan.
Tumambad sa kaniya ang pinakamamahal niyang si Bella may katabing ibang lalaki sa kama. Nang mapansin siya ay saglit lang na nagulat ang mga ito. Bumangon ang babae at dali-daling nagsuot ng damit, nilapitan siya.
“I-Im sorry, Elmer,” tangi lang nitong sinabi.
Gusto niyang magwala sa mga sanding iyon pero pinigilan pa rin niya ang sarili. Hindi kasi siya ‘yung tipo ng lalaki na gumagawa ng gulo, dahil may pinag-aralan ay mas pinili niyang huminahon, pero parang mas dumoble ang sakit na nararamdaman niya nang biglang lapitan ng lalaki ang nobya niya at niyakap ito.
“Vince, hayaan mong mag-usap muna kami. Doon ka muna sa kwarto,” sabi ng babae.
“No, babe, dahil nabuking na niya tayo gusto ko lang na malaman niya na ako ang pinili mo kaysa sa kaniya. Ikaw si Elmer, ‘di ba? So, ngayon alam mo na kung bakit mas enjoy si Bella na kasama ako kasi hindi ako boring na tulad mo at mas napapasaya ko pa siya sa kama kaysa sa iyo na parang tuod,” tatawa-tawang sabi ng lalaki tapos ay tumalikod na.
Punumpuno ng galit ang buo niyang katawan na gusto nang sumabog pero nagawa pa rin niyang magtimpi. Sa halip na awayin ang dalawa ay nagmamadali siyang umalis sa lugar na iyon. Sa isip nga niya sana ay bangungot lang ang lahat pero totoo, eh.
“Gusto ko nang mam*t*y!” sigaw niya, mariing tinapakan ang preno ng kotse nang mapatapat sa gilid ng bangin.
Bumaba siya sa sasakyan at tumungtong sa semento. Ramdam niya ang lakas ng hangin sa may bangin, nakapikit siya habang umiiyak. Wala namang iiyak kapag nawala siya, wala na siyang pamilya, ang tiyahin naman na nagpa-aral sa kaniya ay pumanaw na rin noong nakaraang taon. Kaunti lang din ang mga kaibigan niya na ‘yung iba ay plastik pa sa kaniya.
Alam na niya kung bakit ipinagpalit siya ni Bella sa ibang lalaki. Napansin niya na ang lalaking kasama nito sa condo ay guwapo at macho samantalang siya’y mataba na nga, hindi pa ka-guwapuhan, kaya hindi niya masisisi ang nobya kung palitan siya nito. Napaka-konserbatibo rin niya, ni hindi nga siya marunong makipag-kuwan. Ganoon kasi siya pinalaki ng mga magulang at tiyahin niya.
“Ano pa ba ang silbi ko sa mundo? Wala na! Kaya kailangang wakasan ko na rin ang walang kwenta kong buhay!” sigaw niya.
Ngunit bigla siyang napalingon nang marinig ang boses ng isang babae, matipid pa itong tumawa.
“Kung tatalon ka, edi simulan mo na!” sabi nito.
Nakita niya ang isang dalaga sa hindi kalayuan. Nakaupo ito sa gilid ng bangin. Kanina pa ito naroon at ‘di niya napansin dahil masyadong durog ang puso niya.
“O, ano? Hindi mo kaya, ano? Mataas ‘yan, siguradong t*pok ka riyan” sabi nito habang nakatitig sa kaniya.
Maganda ang dalaga, mahaba ang gulo-gulo nitong buhok, kupas ang make up sa mukha at maganda rin ang hubog ng katawan. Mas seksi pa nga ito kaysa kay Bella. Napansin din niya na gaya niya ay namumugto rin ang mga mata nito. Galing din ba ito sa pag-iyak?
“Tatalon ka rin ba, miss?” tanong niya.
Lalo itong natawa sa tanong niya. Tumayo ang dalaga sa kinauupuan at inialok ang kamay sa kaniya, ‘di niya alam kung bakit pero tinanggap niya iyon. Bumaba na siya sa sementong tinatapakan niya.
Bumuntung-hininga ang dalaga at nagsalita. “Saka na tayo tumalon, marami pa namang araw, eh.”
Natawa si Elmer, ‘di niya alam pero gumaan ang pakiramdam niya sa sinabi ng dalaga. Tila ba nabawasan nang kaunti ang bigat na kaniyang dinadala.
Mabilis na lumipas ang tatlong buwan, nagagawa nang ngumiti ulit ni Elmer at dahil iyon sa tulong ni Charmie. Mula nang gabing magkakilala sila sa may bangin ay hindi na sila mapaghiwalay, palagi niya itong kinukuwentuhan ng tungkol sa buhay niya lalo na ang makadurog puso niyang love story, pero pagdating naman sa buhay pag-ibig ng dalaga ay tikom ang bibig nito. Hindi na siya nagtatangka pang magtanong, baka kasi ayaw nitong pag-usapan ang tungkol doon.
Sa mga araw na palagi silang magkasama ay hindi niya naiwasan na mahulog sa dalaga. Bukod sa maganda ay napakabait ni Charmie. Masarap din itong kausap at napakalambing.
“Alam mo, buti na lang at nagkita tayo noon sa bangin at hindi natuloy ang plano ko. Na-realize ko na hindi pala worth it na mawala ang buhay ko dahil lang sa walang kwentang babae,” naiiling na sabi niya.
“Ayan! Ganyan ang gusto kong marinig mula sa iyo. Hindi naman masamang umibig pero matuto tayo na magtira para sa sarili natin,” sagot ng dalaga. Papunta sila ngayon sa isang restawran para maghapunan.
Maya maya ay nagpaalam muna siya sa dalaga para pumunta sa palikuran pero pagbalik niya sa mesa nila ni Charmie ay laking gulat niya. Nakatayo ito at may kausap na isang lalaki. Hindi siya pwedeng magkamali, kilalang-kilala niya kung sino iyon.
Si Vince.
Paano niya ba makakalimutan ang g*gong ito? Ito ang umagaw noon kay Bella.
Nasulyapan siya ni Vince.
“Ikaw?” nakakunot ang noo nasabi nito.
Tumigas ang ekspresyon ng mukha ni Elmer. “Ako nga, ano ang ginagawa mo rito?” sagot niya. Wala siyang dapat na ikahiya rito, ito ang may atraso sa kaniya. Hindi na siya maaangasan nito tulad ng ginawa nito noon.
Ngumisi ang lalaki. Nagpabalik-balik ang tingin sa kanilang dalawa ni Charmie.
“Oh! What a coincidence, mahilig ka talagang makisawsaw ano, pare? Palagi ka namang talunan sa akin! So, you’re dating Charm, alam mo ba na ako ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay durog na durog ang babaeng ‘yan? ‘Di mo ba alam na ako ang ‘EX’ niya? Hinding-hindi mo ako mapapalitan sa puso niya lalo na ngayon na babawiin ko na ulit siya,” sabi ng lalaki.
Hindi nakaimik si Elmer. Sinulyapan niya si Charmie, inaasahan niya na tututol ito, ipagtatanggol siya pero hindi ito makatingin nang diretso sa kaniya.
Dahil sa nalaman niya ay wala na siyang dahilan upang manatili pa roon, pero hindi siya papayag na hindi man lang magantihan ang walanghiyang lalaking ito na nangwasak sa buhay siya.
“Bago ako umalis, may regalo muna ako sa iyo,” sambit niya saka sinuntok ng ubod lakas ang mukha ni Vince. Bulagta ito sa sahig at hindi na nakatayo. Siya naman ay patakbong umalis sa restawran, hindi na niya nilingon pa si Charmie kung ano ang naging reaksyon nito sa ginawa niya. Sa wakas, kahit paano ay nakaganti na rin siya.
Pero kahit nabawian niya si Vince, tama pa rin ang sinabi nito na talunan na naman siya. Ang sakit!
Hindi na siya nadala. Mas grabe ang sakit na naramdaman niya ngayon dahil mahal na mahal na niya si Charmie, pero tulad ni Bella ay iiwan din pala siya nito.
Para makalimutan ang nangyari ay sinubsob niya ang sarili sa trabaho. Ginawa niyang araw ang gabi, wala siyang ginawa kundi ang kumayod nang kumayod upang kahit paano ay maalis sa isip niya si Charmie.
Isang gabi, akmang isasara na ni Elmer ang gate ng bahay niya nang may humarang doon. Si Charmie.
“Ikaw, bakit mo ako iniwan sa restawran?” tanong nito.
Hindi niya inasahan na pupuntahan siya ng dalaga. Maayos niya itong hinarap. Panahon na para kalimutan niya ito, dahil mas pinili nito ang walang kwentang si Vince. Kahit masakit, kailangan na niya itong palayain.
“Im sorry, Charmie, pagod na ako. Pagod na pagod na ako magmahal sa mga babaeng iiwan din naman ako. Ayoko na,” sabi niya pero ang totoo, pinipigil niya lang ang maiyak.
Dumaloy ang kuryente at namula ang mukha niya nang hawakan ni Charmie ang dalawa niyang pisngi.
“Elmer, I’m sorry kung hindi ko sinabi sa iyo ‘yung kay Vince. Dahil kapag kasama kita, ang naiisip ko lang ay puro maganda. Puro masaya, akala ko hindi mo na kailangang malaman ang tungkol sa kaniya. Pero mali pala ako. Oo, ex ko si Vince. Siya ang dahilan kung bakit ako tatalon dapat ng gabing iyon, dahil nakipaghiwalay siya sa akin para sumama sa ibang babae. Hindi ko alam na ang ipinagpalit niya sa akin at ang ex mo ay iisa. Nang gabing magkita kami sa restawran, sinabi niya sa akin na hiniwalayan na raw siya nung Bella dahil sumama na raw ‘yung babae sa ibang lalaki. Gusto niyang makipagbalikan sa akin. Diyos ko, muntik na akong bumigay sa kaniya pero nang malaman ko ang ginawa niya sa iyo, gustung-gusto ko siyang sampalin pero naunahan mo na ako, sinapak mo na siya. Napagtanto ko na hindi talaga siya deserve na mahalin dahil may mas karapat-dapat sa aking pag-ibig at ikaw iyon, Elmer. Mahal na mahal na kita,” bunyag ng babae.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Elmer sa ipinagtapat sa kaniya ni Charmie. Sa gabing iyon ay hindi siya talunan dahil panalung-panalo siya sa puso ni Charmie.
“O, Charmie, mahal na mahal din kita, sobra,” sagot niya.
Sa ngayon ay masaya na silang namumuhay bilang mag-asawa kasama ang tatlo nilang anak.
Kailanman ay hindi solusyon sa anumang problema ang pagtuldok sa sariling buhay, dahil siguradong sisikat muli ang araw dala ang bagong pag-asa.