Humahagulhol ng Iyak ang Babae nang Tumabi sa Kaniya ang Kaibigan ng Nobyo; Bakit Niya Ito Paniniwalaan Gayong Alam Niyang Pagtatakpan Nito ang Kaibigang Manloloko?

Tahimik na pinagmamasdan ni Camille ang buong parke habang payapang pinapakawalan ang luhang kanina pa nais mag-unahang lumabas sa kaniyang mga mata. Kagabi pa siya iyak nang iyak, ngunit hanggang ngayon ay gusto pa rin niyang umiyak. Tila hindi nauubos ang mga luha niya sa mata at nakakaramdam na siya ng pagkainis sa sarili.

Lihim siyang umiiyak mag-isa nang may tumapik sa kaniyang balikat dahilan upang mapalingon siya sa gumawa no’n. Nakita niya ang nakangiting mukha ni Skyler, ang kaibigang matalik ng kaniyang nobyong si Zion. Hindi man niya inimbita ang lalaki’y kusa itong tumabi sa kaniya.

“Nag-away na naman kayo ni Zion?” tanong nito, ang mga mata’y nakatuon sa malayo.

“Kasi nag-inuman kayo, at kahit hindi mo man aminin sa’kin, alam kong may kasama siyang ibang babae kagabi sa inuman niyo,” aniya. Mahina lamang ang kaniyang boses ngunit nakapaloob roon ang galit sa kausap.

“At kanino mo naman narinig ang balitang iyan?” muling tanong nito.

Hindi niya sinagot ang babae. Inirapan lang niya ito at muling itinuon sa ibang direksyon ang tingin. Bakit pa ba niya kinakausap ang lalaking ito? Wala naman siyang makukuhang matinong sagot dito dahil gagawin nito ang lahat maprotektahan at mapagtakpan lang ang kaibigan.

“Alam mo Camille, ikaw kang ang nagpapahirap sa sarili mong puso at isipan,” maya maya ay wika ni Skyler. “Oo nag-inuman kami kagabi, at oo sumama sa inuman si Zion, pero mali ka sa sinasabi mong may kasama siyang ibang babae. Wala kaming kasamang babae kagabi, kahit ang mga kaniya-kaniya naming nobya’y wala roon,” mahinahong paliwanag nito.

Nanatiling tikom ang bibig ni Camille sa paliwanag ni Skyler. Galit siya, at hindi pa rin siya maniniwala rito.

Advertisement

“Naiintindihan ko kung galit ka, naiintindihan ko rin kung nagseselos ka kaya ka nagkakaganyan, pero Camille, sa tingin mo ba kunsintidor kaming mga tropa?” anito at lumingon sa kaniya.

Gusto niyang sumagot ng oo, pero ‘di niya ginawa.

“Lahat kaming magkakaibigan ay stable na sa mga buhay pag-ibig namin. May mga kaniya-kaniya na kaming mga nobya na mababait, maunawain, at mahal na mahal kami. Ano pa ba ang hihilingin namin sa ganoon? S’yempre naroroon iyong hindi pagkakaunawaan minsan, away, selosan, at kung ano-ano pa, pero hindi sapat na dahilan iyon para magloko kami,” patuloy sa paliwanag ni Skyler.

Nanatiling tikom ang bibig ni Camille. Wala siyang maisip na isasagot, gusto lamang niyang pakinggan ang lalaki.

“Oo aminado ako na napapatingin kami sa ibang babae, pero balewala naman iyon. Hindi naman namin binibigyan iyon ng halaga, mahirap naman kung ‘di kami mapatingin sa iba e anong silbi ng mga mata namin, ‘di ba?” anito at bahagyang natawa.

Ngunit agad ring nagseryoso nang lingunin niya ito saka inirapan.

“Ang gusto ko lang namang sabihin, Camille, kung makita man naming nagloloko ang isa man sa mga kaibigan namin, hindi ko iyon kukunsintihin. Ako pa nga siguro ang pinakaunang aalma kapag nangyari ang bagay na iyon. Hindi mo kailangang pagdudahan nang pagdudahan si Zion dahil alam kong walang ginagawang masama ang nobyo mo. Wala siyang ibang babae kung ‘di ikaw lang, at gaya mo’y nasasaktan din siya kapag ganitong nag-aaway kayo, at mas lalo siyang nasasaktan kasi wala kang tiwala sa kaniya,” ani Skyler.

Tila lumambot ang puso ni Camille sa huling sinabi ni Skyler sa kaniya. Oo nga… hindi niya kayang ibigay ang tiwala niya sa nobyo, samantalang si Zion ay ang laki ng tiwala sa kaniya. Natatakot lang kasi siya na baka lokohin siya ng nobyo, natatakot siya na baka kapag ibinigay niya ang buong tiwala rito’y sayangin lamang ng nobyo.

Advertisement

Marahang tinapik ni Skyler ang balikat ni Camille saka nagsalita. “Hindi kami masasamang lalaki, Camille, at hindi rin kami manlolokong nobyo, oo umiinom kami, pero hindi naman palagi, kapag may kailangan lang gawing selebrasyon, o ‘di kaya’y kapag namimiss na namin ang tropa, at mas lalong hindi kami kunsintidor. Hindi na kami mga bata para magloko, malalaki na kami at nasa tamang edad na. Wala na sa isip namin ang panloloko, kung sino man ‘yong mga babaeng kasama namin ngayon, wala kaming ibang hinihiling kung ‘di sana sila na rin ang makasama namin hanggang sa pagtanda. Iyon ang totoo,” ani Skyler.

Pakiramdam ni Camille ay biglang gumaan ang pakiramdam niya matapos marinig ang sinabi ni Skyler. Ngumiti siya at nagpasalamat sa lalaki saka nagtanong kung alam ba nito kung nasaan si Zion. Nang sabihin nito ang kinaroroonan ng nobyo’y agad siyang tumakbo upang puntahan ito.

Tama si Skyler, siya lang naman ang nag-iisip nang masama at hindi kayang magbigay ng tiwala sa taong mahal niya, samantalang si Zion ay napakalaki ng tiwalang ibinibigay sa kaniya. At tama rin ito nang sabihing siya lamang ang nagpapahirap sa sariling damdamin.

“Zion,” mahinang tawag ni Camille sa pangalan ng nobyo. “I’m sorry, Zion, pangako hindi na ulit ako magpapadala sa mga hinala ko na siyang nagiging dahilan kaya nag-aaway tayo,” aniya tumakbo palapit sa nobyo at niyakap ito nang mahigpit.

“I love you, Camille,” mahinang bulong ni Zion.

“I love you too, Zion,” aniya at mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap.

Salamat sa maliwanag na pagpapaalala ni Skyler sa kaniya sa mga bagay na minsan niyang nakakalimutan kapag natatabunan na siya ng nag-uumapaw niyang emosyon. Walang mangyayaring maganda sa relasyon nila kung palagi siyang walang tiwala kay Zion. Kakambal ng pag-ibig ang pighati, at kakambal ng pagmamahal ang tiwala. Kung wala siyang tiwala sa nobyo’y baka tuluyang mawala ang pagmamahal nila sa isa’t isa.