Panay ang Payo ng Kaibigan Nilang Babaeng may Pusong Lalaki na Mag-Iingat sa mga Lalaki at Huwag Pabubuntis Agad; Kakainin din pala nito ang mga Ipinayo sa Kanila

“Má, bayad po,” ani Mika, sabay abot ng pambayad.

Papunta siya ngayon sa Caloocan sa bahay ni Rae. Noong isang araw pa silang nagkausap na magkakaibigan at napagkasunduan na magkikita sa araw na iyon sa mismong bahay ni Rae upang dumalo sa binyag ng anak nito. Nag-text na kanina sa kanya si Sharon at sinabing naroroon na ito sa bahay ng kaibigan, kaya nagmadali na siyang maligo’t mag-ayos.

Matagal-tagal na rin mula noong huli silang nagkita-kitang magkaibigan. Mula noong grumaduate sila ng kolehiyo’y paminsa-minsan na lang silang nagkikita dahil na rin sa kaniya-kaniyang trabahong hindi agad-agad matakasan. Ngunit iba ang araw na ito… binyag ito ng anak ni Rae.

Hindi maiwasan ni Mika ang mapangiti sa alaalang kusang dumaloy sa kaniyang isipan. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang mas mauunang magkaanak si Rae sa kanila ni Sharon? Ang akala nila dati’y mas mauuna sila ni Sharon habang si Rae ay habang buhay nang magiging babae na may pusong lalaki, at babae ang magiging kasama hanggang sa pagtanda nito.

“Rae, pasundo naman ako, nandito na ako sa labasan,” ani Mika sa kabilang linya.

Maya maya pa’y naroon na nga ang kaibigan bitbit ang anak nito at kasamang naglalakad si Sharon. Agad na sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Mika sa nakita. Ang akala niya’y babaeng-babae na ang pormahan ni Rae, ngayong may anak na ito’t asawa, nagkakamali pala siya dahil kung paano itong magdamit noon, ganoon pa rin ito ngayon. Malaking T-shirt na pinaresan ng maong na short na maraming bulsa sa gilid at syete pa rin ang buhok. Ang kaibahan nga lang sa ngayon ay naging nanay ito, imbes na maging tatay.

“Tomb*y ka pa rin? Akala ko’y naging ganap na babae ka na,” natatawang komento ni Mika sa kaibigan.

Natawa nang malakas si Sharon at Rae sa komento ni Mika.

Advertisement

“Iyan din ang iniisip ko kanina nang papunta ako rito. Akala ko’y babaeng babae na siya,” tatawa-tawang komento ni Sharon.

“Sige kantyaw lang,” ani Rae.

Hindi naman ito napipikon sa kanila kahit noon pa. Talagang noon pa man ay palaman na ito ng biruan nila. Minsan pa nga’y ginagawa nila itong messenger sa mga manliligaw nila, dahil sa tikas nitong gumalaw. Lahat ng kaklase nilang lalaki’y tropa ni Rae, wala namang dapat ipagtaka roon. Minsan pa nga’y umaasal kuya ito sa kanilang dalawa ni Sharon. Madalas ay pinagsasabihan sila nitong mag-iingat sa mga lalaking nanliligaw sa kanila at huwag magpapa-uto, dahil mahirap ang mabuntis nang maaga at magkaroon ng anak. Kaya sinong mag-aakalang una itong magkakapamilya sa kanilang tatlo.

“Akalain mo iyon, Rae, ikaw itong hindi namin inaasahang magkaanak, pero heto ka… may asawa’t anak na. Umamin ka nga sa’min? T*bo ka ba talaga o nagpapanggap lang?” natatawang bulalas ni Mika.

Malakas na tumawa si Rae, saka sumagot. “Gagi! T*bo talaga ako,” anito saka pumasok sa bahay upang paded*hin ang nagugutom ng anak. “Ewan ko rin ba kung anong nangyari? Na in love na lang ako bigla sa asawa ko’t humiling na sana’y buntisin niya ako. Sinabi ko pa noon sa kaniya na kahit ‘di niya ako panagutan, ayos lang! Ang kaso’y mahal rin yata ako ng mokong, kasi heto… magkasama pa rin naman kami at malapit nang ikasal,” natatawang paliwanag nito.

“Sana all,” sabay na sambit nina Sharon at Mika.

Ipinaliwanag ni Rae na attracted pa rin siya hanggang ngayon sa babae, pero natatabunan ang pakiramdam niyang iyon sa pagmamahal nito sa asawa. Mahal na mahal nito ang asawa pati na ang naging anak nila, dahilan kaya iniwasan na ni Rae ang humanap ng babae.

“Napapalingon pa rin naman ako kapag may babaeng maganda, pero hindi ko na sineseryoso iyon. Pakiramdam ko hanggang ngayon ay lalaki pa rin ako, kaya nga tingnan niyo naman kung paano ako manamit… lalaking-lalaki pa rin. Pero sa mata at puso ng asawa ko’y isa akong tunay na babae,” anito saka humalakhak. “Animo’y isang dalagang pilipina.”

Advertisement

“Masaya ka naman?” tanong ni Mika sa kaibigan.

“Oo naman, sobra! Lalo na noong dumating sa buhay namin ang anak ko. Wala na akong ibang mahihiling pa,” matamis na ngumiti si Rae.

Hindi man nito sabihin sa kanila ni Sharon ay ramdam ni Mika na masayang-masaya nga ang kaibigan.

“Ang mahalaga lang naman ay tanggap ako ng asawa ko. Tanggap niya ang buong pagkatao ko’t mahal na mahal niya ako kahit ganitong klase ako. Sapat na iyon upang magtino ako at maging mabuting asawa’t ina sa anak namin, kahit na ba mukha akong tatay kung pomorma,” ani Rae.

Kumilos sina Sharon at Mika upang bigyan ng mahigpit na yakap si Rae. Natutuwa sila sa nangyari sa buhay nito. Noon pa man ay hiniling na nilang dalawa na sana’y dumating pa rin ang araw na maisip ni Rae ang mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya. Iba pa rin kasi ang pagkakaroon ng pamilyang alam mong hindi ka iiwanan kahit ano pa man ang mangyari.

Hindi naman nasusukat sa kasarian ang pagiging mabuti ng isang tao. Ang mahalaga’y ginagampanan niya nang maayos ang papel niya sa buhay ng kaniyang asawa’t anak.