Inday TrendingInday Trending
“Weirdo” ang Unang Impresyon ng Binata sa Dalagang Makapal ang Kolorete sa Mukha; May Napakabigat Pala Itong Dinadala

“Weirdo” ang Unang Impresyon ng Binata sa Dalagang Makapal ang Kolorete sa Mukha; May Napakabigat Pala Itong Dinadala

Tahimik at abala ang lahat sa kani-kanilang trabaho nang pumasok si Ma’am Marie, kasunod ang babaeng hindi pamilyar sa kanilang lahat. Nakayuko ito at may makapal na kolorete sa mukha. Tumayo ito sa harapan upang magpakilala sa kanilang lahat.

Matapos magpakilala ng babae ay itinuro ng ginang ang katabi niyang lamesa na matagal nang nababakante. Ibig sabihin ay makakatabi pa niya ang babaeng hindi siya sigurado kung weirdo ba o talagang hilig lang nitong mag-make-up nang makapal kaya nagmumukha itong katawa-tawa. Agad namang naglakad ang babae sa bakanteng lamesa upang ilapag ang mga bitbit nitong gamit. Hindi maiwasan ng ibang babae ang magtaasan ng kilay para sa bagong kasama, lalong-lao na ang grupo nina Thea, Valerie at Alyssa. Ang tinaguriang It girl kuno o magaganda at seksing babae ng kanilang kumpanya.

“Hi, ako nga pala si Aiden,” pakilala ni Aiden sa bagong kasama.

“Hello,” anito, halata ang pagkailang sa mukha.

Hindi maiwasan ni Aiden na titigan ang mukha ng babae. Maganda naman ito, ngunit talagang hindi lang bumagay sa mukha ang makapal na koloreteng suot. Pulang-pula ang lipstick at masyadong makulay ang eye shadow, makapal din ang pagkakalinya nito sa kilay at itim na itim pa.

“Pasensya ka na kung sisitahin kita ah, pero hindi yata bagay sa’yo ang suot mong make-up, pakiramdam ko, mas bagay sa’yo ‘yong walang make-up o ‘di naman kaya’y iyong light lang,” komento niya.

Naiilang na ngumiti ang babae saka sumagot. “Ang totoo’y hindi talaga ako marunong mag-make-up, pasensya na ah. Huwag mo na lang pansinin ang mukha ko kung hindi ka kumportable,” anito at muling ibinalik ang atensyon sa pag-aayos ng mga gamit.

Hindi na lang din muling nagsalita si Aiden. Sabagay, tama ang babae, kung hindi siya kumportable sa mukha nito’y huwag na lang niyang tingnan. Nagmamalasakit lang naman siya, ayaw niyang nagmumukha itong katawa-tawa sa iba.

Sisimulan na naman sana ni Aiden ang ginagawa nang lumapit sa pwesto nila sina Thea, Valerie at Alyssa. Nagtataasan ang mga kilay ng tatlong nakatingin sa bagong katrabaho. Ito na nga ba ang sinasabi ni Aiden, sa tatlong taon niyang pagtatrabaho sa kumpanyang ito’y kilala na niya ang mga ugali ng kaniyang mga kasamahan. Para sa tatlong babae’y bawal sa kumpanya nila ang mga ganitong klaseng itsura.

“Alyssa at Valerie, hawakan mo nga sa kamay itong babaeng ‘to at babawasan natin ang makapal niyang make-up,” ani Thea.

Agad namang nagpumiglas si Ayla, dahilan upang matanggal ang suot nitong wig. Sabay-sabay na napasinghap ang mga kasamahan nang tumambad sa kanila ang walang buhok na ulo ni Ayla. Nang makabawi ay sabay-sabay naman silang nagtawanan, maliban kay Aiden.

Tumayo si Aiden saka pinulot ang tumilapong peluka at muling isinuot sa ulo ni Ayla. Hiyang-hiyang hindi magawang iangat ng babae ang mukha sa lahat. Nanatili itong nakayuko at tila nagtatago sa sariling anino habang malakas na naghalakhakan ang mga kasama. Hindi naiwasan ni Aiden ang makaramdam ng habag para sa dalaga. Kahit siya’y nagtataka kung bakit wala itong buhok, ngunit wala namang nakakatawa sa bagay na iyon. Sumigaw siya upang patigilin ang mga ito.

“Bakit ba, Aiden?! Kitang-kita mo naman ang dahilan kaya kami natawang lahat. Ano bang masama roon?” natatawa pa ring wika ni Thea.

“Ano ba naman iyan… ang kapal-kapal na nga ng make-up mo, panot ka pa,” tawang-tawa namang dugtong ni Valerie.

“Baka naman kapag iyang make-up mo na ang tinanggal namin e mas lalo kaming matawa sa itsura mo,” ani Alyssa.

Hindi niya maiwasang maawa kay Ayla na nasa tabi pa rin niya, nakatayo habang nakayuko sa labis na kahihiyan.

“Ano bang itinatago mo? Bakit hindi mo ilantad? Tutal nakita na rin namin ang anit mo sa ulo, huwag ka nang mahiya,” tukso ni Thea.

Gumalaw si Ayla saka matalim na tinitigan ang tatlong babae. Naglakad ito papalapit sa lamesa, may kinuha at ipinampunas sa sariling mukha. Dahan-dahang tinatanggal sa mukha ang makapal na koloreteng suot. Nang matapos itong tanggalin ang makapal na make-up ay tumambad sa lahat ang totoong itsura nito.

Hindi naiwasan ng lahat ang malakas na pagsinghap nang tumambad sa kanilang lahat ang maputlang mukha ni Ayla. Wala rin itong buhok sa kilay, at animo’y walang dugo ang buong mukha sa kaputlaan.

“Ito ang itinatago kong ayaw niyong malaman,” ani Ayla, isa-isang hinarap ang mga kasamahan. “May malala akong sakit at may taning na ang buhay ko,” pumipiyok nitong bunyag.

“Gusto ko na bago man ako mawala sa mundo’y maranasan kong maging normal gaya ninyo. Kaya nakiusap ako sa aking ama na hayaang pumasok at magtrabaho sa kumpanya namin, para kahit papaano ay maranasan ko namang mag-trabaho bago ako bawian ng buhay. Pasensya na kayo kung hindi kayo kumportable sa mukha ko. Pero iyon lang ang alam kong paraan upang maranasang maging normal sa nalalapit kong pagkawala rito sa mundo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Ayla.

Tila naputol na ang dila ng tatlong babaeng may pasimunong pakialaman ang nananahimik na si Ayla, habang ang iba naman ay hindi maiwasang maiyak sa sinabi ng babae. Humakbang si Aiden upang bigyan ng mahigpit na yakap ang babae.

Ito pala ang dahilan kaya nakakaramdam siya ng kakaibang awa kanina pa simula nang makita niya si Ayla. May lihim pala itong dinadalang problema. Kaya dapat lang talagang huwag kang magbigay ng husga sa bawat taong nakakasalamuha, dahil hindi mo alam kung ano-ano ang labang ipinapanalo nila sa araw-araw.

Hindi na nagsumbong pa si Ayla sa amang may-ari mismo ng kumpanya. Humingi naman ng tawad ang tatlong babae at nangakong hindi na uulitin ang ginawa. Sino ba naman si Ayla para hindi patawarin ang tatlo? Ang gusto niyang mangyari’y ilaan sa masaya at hindi malilimutang tagpo ang mga natitira pa niyang araw sa mundo. Wala na siyang panahon para sa galit.

Advertisement