Matagal na Hinintay ng Mag-Asawa na Mabiyayaan Sila ng Anak; Hindi Nila Inaasahang Mangyayari Ito sa Sanggol

Limang taon na rin simula nang magpakasal ang mag-asawa at ganitong katagal na rin silang nag-aasam na magkaroon ng isang anak. Ilang pagsusuri na ang kanilang ginawa ngunit hindi pa rin sila nagtatagumpay.

“Sabi naman ng mga doktor ay ayos naman ang kalusugan natin. Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakabuo, Melchor? Sadya bang hindi tayo mahal ng Diyos at ayaw Niyang tuparin ang ating hiling?” malungkot na tanong ni Sheryl.

“Hindi tama na kuwestyunin mo ang Panginoon, Sheryl. Ang lahat ng ito ay may dahilan na tanging Siya lang ang nakakaalam. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Isang araw ay matutupad din ang ating dalangin,” wika ng mister.

Lumipas muli ang isang taon at wala pa ring nangyari. Malaki na rin ang kanilang nagagastos sa mga iniinom na gamot upang masuportahan ang kanilang kalusugan sa pagkakaroon ng anak, ngunit sadyang mailap sa kanila ang pagkakataon.

Hanggang isang araw ay biglang nagtataka si Sheryl dahil hindi pa rin siya dinadatnan ng buwanang dalaw.

“Kinakabahan ako, Melchor, ayaw kong umasa at baka mamaya ay masaktan lang tayo,” saad ng ginang.

“Manalig lang tayo sa Maykapal. Kung panahon na talaga’y ibibigay na Niya sa atin ito. Maghintay pa tayo ng ilang araw,” wika naman ng ginoo.

Sa loob ni Melchor ay may kurot sa kaniyang dibdib kaya ayaw na rin muna niyang umasa.

Advertisement

Subalit, nang mag-pregancy test itong si Sheryl ay laking gulat niya nang makitang buntis nga siya.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa. Walang paglagyan ang kanilang kaligayahan. Agad silang nagpunta sa doktor upang magpasuri. Doon ay kinumpirma ngang buntis talaga ang ginang.

Todo ang pag-aalagang ginawa ni Melchor sa kaniyang asawa. Sa loob ng siyam na buwan ay wala siyang ginawa kung hindi pagsilbihan ito. Hanggang sa tuluyan na itong manganak.

Nang makita niya sa unang pagkakataon ang sanggol ay agad siyang nagpasalamat sa Panginoon. Hindi niya kasi akalain na darating pa ang araw na magkakaanak sila.

Simula nang ipinanganak ang anak nilang si Angel ay napuno na ng walang hanggang kaligayahan ang kanilang mga buhay. Akala nila’y wala na itong katapusan hanggang dumating ang isang araw na napansin nilang hindi humuhupa ang lagnat nito.

Gabing-gabi na nang isugod nila ang anak sa ospital. Labis ang pag-aalala ng mag-asawa pero hindi nila akalain na malala pala ang sakit nito.

“K*ns*r? Dok, ang bata pa ng anak ko! Saan naman niya makukuha ang sakit na ‘yan? Maayos naman ang pagbubuntis ko sa kaniya,” umiiyak na wika ni Sheryl.

“Hindi pa rin tiyak kung paano ito nangyari. Kailangan na niyang magsimula ng gamutan upang maisalba ang buhay niya, pero ngayon palang ay tatapatin ko na kayo. Maliit ang tyansa na mapagtagumpayan niya ito dahil masyadong mahina ang kaniyang katawan,” saad ng doktor.

Advertisement

Iyak nang iyak si Sheryl. Maging si Melchor ay nahahabag din sa kanilang munting sanggol.

“Hindi ko maintindihan kung bakit ibinigay pa siya sa atin ng Panginoon para lang bawiin kaagad. Melchor, ano ang gagawin natin? Hindi natin kaya ang gamutan ni Angel. Hindi rin naman kakayanin ng kaniyang katawan,” pagtangis ng ina.

“Pero hindi na lang din natin p’wedeng pabayaang hindi lumaban ang anak natin. Paano siya gagaling kung hindi siya gagamutin, mahal? Kung p’wede ko lang kunin sa kaniya ito at ako na lang ang magkaroon ng malalang sakit ay gagawin ko,” umiiyak na rin ang ginoo.

Nagdesisyon ang dalawa na ipagamot pa rin si Angel kahit na masakit para sa kanila na makita nila itong mahirapan, ngunit mas mahirap kasi kung mawawala ito nang hindi man lang lumalaban.

Sa araw-araw na dumaan ay lumalakas ang kanilang pag-asa na mapagtatagumpayan ng kanilang anak ang matinding karamdaman na ito.

“Hindi ko na ata kaya pang makitang kung anu-ano ang nakakakabit sa anak natin, Melchor. Hirap na hirap na siya,” lumuluhang wika ni Sheryl.

“Lakasan mo pa ang loob mo, mahal. Mas kailangan nating magpakatatag ngayon dahil kailangan tayo ng anak natin,” saad naman ni Melchor.

Sa paglipas ng mga araw ay lalong nagiging mahirap para sa mag-asawa. Lalo na at lumolobo na rin ang bill nila sa ospital.

Advertisement

“Ibenta na natin ang bahay natin, Melchor. Ayos lang na wala tayong matirha basta kasama natin ang ating anak at buhay siya,” saad pa ng ginang.

Hindi na nagdalawang-isip si Melchor at sumang-ayon na agad siya sa plano ng kaniyang misis.

Kalauna’y nabenta na rin nila ang ibang kagamitan at ari-arian para lang maipantawid sa buhay ng sanggol.

“Marami pa naman kayong pagkakataon na gumawa ng ibang anak, isuko n’yo na ang buhay niyang bata. Hirap na hirap na rin siya,” saad ng isang kaanak na inuutangan nila.

“Sadsad na kayo sa lupa. Wala na kayong pagkukuhaan ng pera. Ang sabi naman ay himala na lang ang magpapagaling sa kaniya, ‘di ba? Huwag na kayong umasa sa siyensa dahil pinahihirapan n’yo lang ang anak niyo,” saad naman ng isang kaibigan nila.

Ganito na ang mga naririnig nila sa ibang tao. Pakiramdam nila’y kahibangan ang ginagawa ng mag-asawa dahil namulubi na sila para sa maliit na tyansa na mabuhay pa ang kanilang anak.

Nang wala na talagang makapitan pa ang mag-asawa ay dumalangin silang dalawa sa Panginoon.

“Diyos ko, isinusuko ko na po sa Inyo ang anak ko. Kayo na pong bahala sa amin. Mas mainam po kung makakasama pa namin siya nang matagal pero kung hindi na ito ang Inyong pagpapasya ay tatanggapin namin nang maluwag sa aming kalooban,” saad ng ginang habang kapit kamay ng mister.

Advertisement

Maya-maya ay narinig nila ang kanilang mga pangalan sa anunsyo sa mikropono. Pinapatawag sila sa ICU.

“Melchor, hindi ko ata kaya! Nanghihina ako,“ umiyak na agad si Sheryl.

“Magpakatatag ka, mahal. Narito ang Diyos sa tabi natin at hawak niya ang kamay ng anak natin,” saad ng ginoo.

Kinakabahan ang mag-asawa dahil malakas ang kutob nilang may masamang balita.

Pagkakita pa lang sa kanila ng doktor ay agad na silang nilapitan.

“Magandang balita po. Nagreresponde na ang katawan ng bata sa mga gamot. Unti-unti nang umaayos ang kaniyang kalagayan. Nalalabanan na niya ang kaniyang sakit!” masayang sambit ng doktor.

Nangangatog at nanlalambot ang mga tuhod ng mag-asawa. Napaluha sila sa labis na kaligayahan dahil sa magandang balitang ito.

“Maraming salamat, Panginoon, at tunay na may himala!” saad ng mag-asawa.

Advertisement

Ito na ang simula ng unti-unting paggaling ni Angel laban sa kaniyang sakit. Makalipas ang isang taon ng pakikipaglaban sa malubhang karamdaman ay tuluyan na rin siyang gumaling.

Parang nabunutan na ng tinik ang mag-asawa dahil sa wakas ay magaling na ang kanilang anak. Labis nilang ipinagpapasalamat sa Panginoon ang nangyari.

“Ang buhay mo, anak, ay isang malaking mirakulo mula sa Panginoon. Hindi lang dahil sa napagtagumpayan mo ang iyong sakit ngunit maraming aral ang napulot namin ng ama mo sa pakikipaglabang ito. Natutuhan naming maging matatag lalo na sa pananampalataya,” saad ni Sheryl.

“Sadyang tunay ngang walang imposible sa Panginoon, mahal. Ibinigay sa atin si Angel makalipas ng anim na taong pagsasama at ngayon naman ay napagtagumpayan natin ang kaniyang laban. Salamat sa Diyos at hindi Niya tayo iniiwan,” saad naman ni Melchor.

Malaki man ang nawala sa kabuhayan nila’y hindi pa rin ito maikukumpara sa laki ng pagpapalang kanilang natanggap nang madugtungan ang buhay ni Angel.

Inalay ng mag-asawa ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang binibigay Nito sa kanila. Mula noon ay hindi na bumalik ang sakit ni Angel at nakapamuhay na ito nang normal tulad ng ibang bata.