May Lihim na Inggit ang Binatilyo sa Kaniyang Matalik na Kaibigan; Isang Bagay ang Kaniyang Lubos na Pagsisisihan

Nag-uunahan sa pagpasok sa eskwela ang matalik na magkaibigang sina Udong at Roroy. Nagpapaligsahan sila dahil kung sino ang mauuna’y siya ang magkakabit ng bandila sa itaas ng puno dahil walang flag pole ang kanilang paaralan.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagtakbo ay napahinto si Roroy nang makita ang ilang kaklase na nakasakay sa habal-habal.

“Kung may sasakyan lang sana tayo’y hindi na natin kailangan pang maglakad nang malayo. Hindi na natin kailangan pang gumising ng mas maaga at higit sa lahat ay hindi na tayo mapapagod,” wika ni Roroy.

“Ano ka ba naman, Roroy?” sambit ni Udong. “Swerte nga tayo dahil ehersisyo ang paglalakad. Mas lalakas ang pangangatawan natin. Saka isa pa, ensayo na rin ito sa pagtakbo. Kaya nga tayo ang pambato ng eskwelahan natin, e! Huwag ka nang mainggit sa kanila! Magpaunahan na lang tayo papuntang eskwelahan,” muling hamon ng kaibigan.

Nagpatuloy sa pagtakbo ang dalawa. Pareho silang mabilis ngunit mas maliksi talaga si Udong.

“Udong, ikaw na ang magkabit ng bandila. Dahan-dahan ka sa pag-akyat sa puno, a!” wika ng guro.

“Karangalan ko pong isabit ang bandila, maestra!” masayang wika ng bata habang paakyat ng puno. Naroon naman sa paanan ng puno si Roroy at tila naiinggit.

“Baka bukas ay manalo ka na sa akin. Roroy. Ikaw naman ang magkakabit ng bandila. Ang sarap talaga sa itaas ng puno. Ang ganda ng tanawin mula roon,” wika ni Udong.

Advertisement

Kahit na matalik na magkaibigan ang dalawa’y magkaiba pa rin ang kanilang ugali. Positibo palagi ang pananaw ni Udong sa buhay samantalang si Roroy naman ay puro reklamo. Dahil sa ugaling ito’y may tinatago siyang inggit sa kaniyang puso.

Pauwi ng bahay ay muling nagpaligsahan sa pagtakbo ang dalawa, ngunit hindi pa rin nanalo si Roroy kay Udong. Sinalubong naman sila ng kanilang mga magulang.

“Talagang mabilis tumakbo itong anak mo, marse, ano? Alam mo bang may nakausap ako sa bayan? ‘Yung anak daw niya’y nakapag-aral ng kolehiyo dahil magaling sa isport ng pagtakbo. Aba’y malaki ang pag-asa nitong anak mo,” wika ng ina ni Roroy.

Napatingin sa ina ang bata.

“Mabilis din naman pong tumakbo itong si Roroy. Kaya lagi po kaming nag-eensayo para pareho po kaming maging pambato at sabay po kaming makapag-aral sa kolehiyo. ‘Di ba, Roroy?” sambit naman ni Udong.

Tumango lang si Roroy pero mabigat ang kaniyang damdamin dahil sa sinabi ng ina. Mas hinahangaan pa nito ang kaibigan kaysa sa kaniya na sariling anak nito.

Kinabukasan ay muling nagkita ang magkaibigan para pumasok sa eskwela. Sa pagkakataong ito’y tila walang gana si Roroy na makipaghabulan.

“Tara na, Roroy! Malapit na rin ang kompetisyon natin sa pagtakbo, ensayo na rin ito! Halika na!” giit ng kaibigan.

Advertisement

Pinagbigyan naman ni Roroy ang kaibigan pero halatang wala siyang gana. Pagdating sa eskwelahan ay nanalo muli si Udong at ito ang magsasabit ng bandila sa itaas ng puno.

Nakatingin ang lahat kay Udong habang inilalagay niya ang bandila. Ngunit isang maling tapak lang niya ay biglang nabali ang sanga na kaniyang tinutuntungan at nalalaglag siya.

Pagplakda ni Udong sa lupa ay naiyak siya at napasigaw sa sobrang sakit. Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutang bayan at doon nalaman na nabali ang binti niya.

Walang humpay sa paghingi ng tawad ang guro dahil sa nangyari. Hindi naman nagtanim ng galit ang pamilya ni Udong. Mabuti na rin at maraming tumulong upang maipagamot ang bata.

Sa pagkakataong iyon ay hindi na muna makakatakbo si Udong.

“Roroy, ipanalo mo ang kompetisyon, a! Huwag mong hayaang masungkit ng iba ang tropeyo. Kailangang mapansin ka dahil mas mapapalapit tayo sa iskolarsyip na inaasam natin para makapag-aral ng kolehiyo,” wika ni Udong.

Hindi nakasagot si Roroy. Kahit na nasasaktan ang kaibigan ay siya pa rin ang iniisip nito.

“Huwag ka nang malungkot sa sinapit ko, Roroy, gagaling din ako. Ilang buwan lang at makakatakbo akong muli,” saad ng kaibigan.

Advertisement

Nasaksihan mismo ni Roroy kung paano naging mahirap para kay Udong ang kaniyang paggaling. Umiiyak ito palagi sa sakit at matagal ding hindi nakalakad.

Sa araw ng kompetisyon ay nagulat si Roroy nang makita ang kaibigan. Kahit hirap ito’y naroon pa rin ang kaibigan upang suportahan siya.

“Ipanalo mo ito para sa atin, Roroy, sayang at wala ako sa tabi mo para ilampaso ka,” tumatawang biro ng kaibigan.

“Pero seryoso ako, Roroy, galingan mo. Dahil kapag nagtagumpay ka ay parang nagtagumpay na rin ako,” saad pa nito.

Dito na napahagulgol si Roroy. Hinawakan niya ang kamay ng kaniyang kaibigan at saka siya napaluhod.

“Patawarin mo ako, Udong! Patawad! Ako ang may sala kung bakit ka nagkaganyan! Dahil sa labis na inggit ko sa iyo ay araw-araw akong gumagawa ng paraan upang magkaroon ng lamat ang sanga ng puno. Ninais kong malaglag ka para hindi ka na tuluyang makatakbo,” pag-amin ng kaibigan.

“Pero mali ang ginawa ko, Udong! Maling-mali! Ayoko nang tumakbo ngayon at wala rin itong silbi. Napagtanto kong wala ring halaga ang lahat ng ito kung hindi ko rin makakasama ang kaibigan kong nangarap kasama ko,” patuloy sa pag-iyak si Roroy.

Hindi maiwasan ni Udong ang maluha dahil sa inamin ni Roroy sa kaniya. Naalala pa niya ang araw na iyon, kaya pala parang hinayaan na lang siya nitong manalo. Ang hindi niya alam ay may binabalak na pala itong masama laban sa kaniya. Pero imbes na magalit ay ito lang ang kaniyang sinabi.

Advertisement

“Mas lalong kailangan mong tumakbo ngayon para makabawi ka naman sa akin! Ipanalo mo ito at patas na tayo, kaibigan,” nakangiting sambit naman ni Udong.

Nalungkot man si Udong sa nagawa ng kaibigan ay mas pinili pa rin niyang magpatawad dahil mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal niya sa matalik na kaibigan.

Sa pagtakbong iyon ni Roroy ay ibinigay niya ang lahat ng kaniyang lakas upang maipanalo ang laban. At nagtagumpay nga siya!

Inalay niya ang medalya kay Udong dahil alam niyang ito naman ang tunay na magwawagi kung sakaling maayos ang lagay nito.

Araw-araw ay inaalagaan ni Roroy ang kaibigan upang tuluyan na itong gumaling. Sa ganitong paraan ay makabawi man lang siya sa maling nagawa. Hindi nagtagal at tuluyan na ngang gumaling ang mga binti ni Udong at muli siyang nag-ensayo sa pagtakbo.

Buhay pa rin ang pangarap nilang magkaibigan na gamitin ang kanilang galing sa pagtakbo upang makapasok ng kolehiyo at makapagtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay makaalpas sila sa kahirapang kinasasadlakan.