Inday TrendingInday Trending
Tinaasan ng Kilay ng Mataray na Tindera ng Mamahaling Bag ang Bagong Kasamahan; Nganga Siya nang Malaman ang Tunay Nitong Pagkatao

Tinaasan ng Kilay ng Mataray na Tindera ng Mamahaling Bag ang Bagong Kasamahan; Nganga Siya nang Malaman ang Tunay Nitong Pagkatao

Isang oras bago magbukas ang isang kilalang store ng mga bag at sapatos ay naroon na ang sales representative na si Rochelle. Inip na inip na siya dahil kanina pa siya naghihintay. Maya-maya ay may dumating na isang babae. Kinuha ang susi sa bag at binuksan ang tindahan.

“At sino ka naman?” sambit ni Rochelle habang mababanaag sa kaniyang mukha ang inis.

“Ako nga pala si Mandy. Pasensya na, kanina ka pa ba?” saad naman ng dalaga.

“A, ikaw pala ‘yung tinutukoy nilang bagong salta. Wala kasi ako kahapon, day off ko. Himala at ikaw kaagad ang pinahawak nila ng susi nitong store. Sa uulitin ay agahan mo dahil kanina pa ako naghihintay. Marami pa akong kailangang gawin sa loob,” masungit na wika ni Rochelle.

Humingi naman ng despensa si Mandy.

Unang kita pa lang ni Rochelle sa bagong kasamahan ay kumukulo na ang dugo niya rito lalo na nang mapansin niyang malapit ito sa ilang kapwa empleyado. Matagal na kasi siya sa kompanya pero iwas pa rin sa kaniya ang mga kasamahan. Malamang ay dahil sa kaniyang mataray na pag-uugali.

Nang umaga na iyon ay may babaeng kustomer na agad dumating. Simple lang ang suot nito. Inilibot nga nito agad ang mga mata pagpasok pa lang ng shop. Labis itong namangha sa ganda ng paligid. Nilapitan ito agad ni Rochelle at saka pinaalis.

“Ikaw na naman? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na huwag ka nang babalik dito? Marami kaming hinihintay na kustomer. Baka mamaya ay mag-alisan ang mga iyon kapag nakita ka!” bulyaw ng dalaga.

“May titingnan lang naman ako. Saka kahapon ay hinayaan naman nila akong pumasok rito,” saad ng ale.

“P’wes, ngayong nandito na ako ay p’wede ka nang lumabas. Kahit ilibot mo pa ang mga mata ng isang libong beses ay wala kang mabibili sa pera mo. Umalis ka na at nakakaabala ka! Darating din ang amo namin ngayong araw, baka abutan ka pa rito at mapagalitan kami!” sambit pa ni Rochelle.

“Ang sungit mo talaga! Akala mo naman ay kung sino ka. Buti pa ‘yung babaeng iyon pinapasok niya ako rito kahapon. ‘Di bale na lang babalik na lang ako rito kapag day off mo ulit!” wika naman ng ale.

Inis na inis si Rochelle habang hinahatid niya sa pinto ang naturang ginang. Sinigurado pa niyang nakalayo na ito at hindi na makakabalik pa.

Pagpasok niya muli ng store ay kinompronta niya ang mga kasamahan.

“Sino sa inyo nagpapasok ng babaeng lukaret na ‘yun? Alam n’yo namang gusto lang nun ay kumuha ng litrato dito sa shop natin! Wala talaga iyong pambili!” sambit ni Rochelle.

“Ako ang nagpapasok sa kaniya kahapon. Mukha namang gusto talaga niyang mamili. Saka lahat naman ng papasok dito ay kustomer. Hindi tayo p’wedeng mamili ng aasikasuhin nang dahil lang sa kanilang itsura,” saad ni Mandy.

“At ano naman ang alam mo? Matagal na ako sa trabahong ito, Mandy. Baguhan ka pa lang pero ang galing mo nang magyabang dito! Hindi mo ba alam na ngayong araw bibisita ang boss natin? Gusto mo bang pare-pareho tayong mawawalan ng trabaho?” pagtataray pa ng dalaga.

“Paano naman tayo mawawalan ng trabaho kung inaasikaso naman natin nang tama ang mga kustomer? Tiyak akong gusto ng boss natin na ganoon ang ating gawin,” depensa muli ni Mandy.

“Huwag kang magmagaling at wala ka pang alam! Sige, kapag inabutan ng boss natin na may mga taong kagaya ng ale na iyon dito sa shop natin ay malilintikan ka talaga! Huwag mong sabihin na hindi kita pinagsabihan. At huwag na huwag mo akong idadamay!” sambit muli ng mataray na katrabaho.

Nilapitan ng ilang kasamahan si Mandy matapos ang pagtatalo nila ni Rochelle.

“Huwag mo nang intindihin ‘yang si Rochelle. Ganyan talaga ang ugali niya, ubod ng yabang! Akala mo ay sa kaniya itong shop na ito,” saad ng isang katrabaho.

“Ganyan ba siya noon pa? Kawawa naman kasi ‘yung babaeng ‘yun at pabalik-balik na pala siya rito. Gusto ko lang naman siyang bigyan ng pagkakataon. Malay naman natin kung may pambili talaga siya. O kung wala man ay nais kong iparamdam sa kaniyang kaya niya ring bumili ng ganitong mga gamit. Huwag siyang mawalan ng pag-asa,” pahayag naman ni Mandy.

Nang hapong iyon ay kani-kaniyang pag-aayos ang mga empleyado sa pagdating ng kanilang amo. Kilala kasi itong istrikto at ang lahat ay nais na magpalakas upang hindi mawalan ng trabaho.

Maya-maya ay dumating na naman ang nangungulit na ale.

“Ikaw na naman? Ilang beses ba kitang kailangang ipagtabuyan sa shop na ito? Umalis ka na at parating na ang amo namin. Hindi ka nababagay rito!” salubong ni Rochelle.

“Pabayaan mo nga ako at nagtatrabaho ka lang naman dito! May karapatan akong tumingin dito. Saka hindi ikaw ang gusto kong kausap kung hindi si Mandy,” wika ng ale.

“O, e ‘di sige! Kabago-bago lang niya ay matatanggal na agad siya sa trabaho dahil sa iyo,” natatawang sambit muli ng dalaga.

Lumapit si Mandy at inasikaso ang ale. Bigla na lang dumating ang kanilang boss.

“Ginoong Chavez, magandang hapon po!” bungad ni Rochelle.

“Kumusta naman ang benta ngayon? Parang wala akong nakikitang tao masyado. Ginagawa n’yo ba ang mga tungkulin ninyo?” sambit ng boss.

“O-opo! Kaso may matigas ang ulo dito sa store at nagpapasok ng kung sinu-sino para lang makabenta. Nakilala n’yo na po ba ang bagong empleyado? Inuunahan ko na kayo, sir, wala akong kinalaman sa mga ginagawa niya!” depensa agad ng dalaga.

Hinanap ni Ginoong Chavez si Mandy. Nakasunod naman si Rochelle dahil nais niyang makita kung paano pagalitan ng boss ang baguhang empleyado.

Ngunit pagkakita ni Ginoong Chavez sa dalaga ay yumuko ito.

“M-madam, ano pong ginagawa ninyo rito? B-bakit kayo naka-uniporme ng ganiyan?” pagpapakumbaba ng ginoo.

Nagulat ang lahat. Hindi nila akalain na ang bagong salta pala mismo ang isa sa may-ari ng kompanya.

“Iniisip kasi namin ng mga magulang ko kung bakit patuloy ang pagbaba ng benta dito sa store na ito. Kaya ako na mismo ang sumadya rito para matukoy kung ano ba talaga ang problema. Ngayon ay alam ko na. Ginoong Chavez, kailan pa tayo namili ng mga kustomer? Hindi ba’t bawat isa sa kanila’y mahalaga? Ang bilin ng mga magulang ko sa iyo ay siguraduhin na ang bawat isa‘y magkakaroon ng magandang karanasan sa store na ito. Bakit ganito ang nangyayari?” saad ni Mandy.

“Ako na po ang humihingi ng kapatawaran, madam. Hindi na po ito mauulit. Nasa inyong pagpapasya na po kung may nais kayong tanggalin sa shop na ito,” saad ng ginoo.

Malakas ang kutob ni Rochelle na matatanggal na siya sa trabaho.

“Sandali lang, ginagawa ko naman ang trabaho ko, a! Talaga namang walang pambili ang babaeng iyan! Nangungulit lang iyan dito,” depensa ng dalaga.

“Talaga ba, Rochelle? Ngayon lang ay bumili siya ng dalawang pares ng sapatos at isang mamahaling bag. Ireregalo niya ito sa kaniyang anak,” wika naman ni Mandy.

Napahiya nang lubos si Rochelle sa panghuhusgang kaniyang ginawa.

“Pasensya ka na, Rochelle, pero hindi ko kailangan ng kagaya mo sa shop namin. Masyado kang mapagmataas at mayabang. Mamahalin man ang mga bagay na narito ay wala kang karapatang humusga ng kapwa. Ikaw ang dahilan kung bakit nawawalan ng kustomer ang lugar na ito,” dagdag ng tunay na boss.

Sinisante ni Mandy si Rochelle dahil sa masamang asal nito. Ang ugali kasi niya ang puno’t dulo ng problema kaya walang nais na bumili doon. Mula nang mawala ang dalaga sa shop ay dagsa na ang mga taong namimili at gumanda na ang benta nila.

Sising-sisi naman si Mandy dahil kahit subukan pa niyang humanap ng ibang trabaho’y walang tumatanggap sa kaniya, ito na nga siguro ang karma niya.

Advertisement