Mas Pinapanigan ng Ina ang Panganay na Anak Kaysa sa Bunso: Nakakapanlumo ang Kaniyang Matutuklasan Tungkol sa Paboritong Anak Niya
“Wow! May adobong manok. Ang sarap naman ng ulam natin ngayon, ‘nay. Sa wakas ay makakakain din ng masarap,” masayang bungad ni Jonna nang makita ang inihanda ng kaniyang ina.
“Umalis ka riyan at huwag mong galawin ang adobong manok. Niluto ko ‘yan para sa Ate Gemma mo. May talong at itlog pa sa may kusina, mag-torta ka na lang,” wika naman ng inang si Lita.
“Ang daya naman! Bakit si ate lang ang masarap ang ulam? Anak n’yo din naman ako, ‘ma,” pagtatampo ng dalaga.
“Hayaan mo na at hirap na hirap na nga ang ate mo sa pag-aaral. Ito lang ang konswelo na makukuha niya. Galingan mo rin kasi sa pag-aaral mo nang sa gayon ay makakain ka ng masarap! Tingnan mo nga ang grado mo, laging bagsak. Hindi mo gayahin ang ate mo, palaging nangunguna sa klase. Kaya tingnan mo rin ang lumalapit na lalaki sa kaniya, puro mayayaman at may sinasabi sa buhay!” sermon ng ina.
“Basta’t huwag mong galawin ang adobong manok na ‘yan, a! Para lang ‘yan sa ate mo,” dagdag pa nito.
Noon pa man ay paborito na talaga ni Lita ang panganay na anak na si Gemma. Lalo pa nga niyang naging paborito ito ngayong malapit na itong magtapos ng pag-aaral at mayroon pa itong banyagang nobyo. Malakas kasi ang paniniwala niyang ito na ang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan.
Taliwas nito ang iniisip niya sa kaniyang bunsong anak. Palagi niya itong isinasantabi at minamaliit porket hindi ito kasing galing ng ate nito sa eskwela.
Habang kumakain ng tortang talong si Jonna ay iniisip na lang niya ang lasa ng adobong manok. Pinapanood niya kung paano asikasuhin ng kaniyang ina ang nakakatandang kapatid. Ganoon na lang ang kaniyang paghahangad na isang araw ay ganito rin sana ang trato sa kaniya ng kanilang ina.
“Kumain ka lang d’yan, anak, marami pang ulam. Niluto ko talagang lahat ‘yan para sa iyo,” wika ng ina.
Natapos kumain si Jonna na hindi man lang siya inalok ng kaniyang nanay kahit man lang ng tubig. Inutusan pa siya nitong magligpit ng pinagkainan at maghugas ng pinggan.
“Tutal, wala ka namang gagawin dahil kahit anong pag-aaral mo ay ‘di rin naman papasok d’yan sa kokote mo, ikaw na ang bahala dito sa kusina. Kailangan nang magpahinga ng ate mo at napuyat ito dahil sa pag-uusap nila ng nobyo n’ya,” sambit pa ng ina.
Masama man ang loob ay sumunod na lang si Jonna.
“Isang araw ay mapapatunayan ko rin sa inyo, ‘nay, na may halaga ako,” saad ni Jonna sa kaniyang sarili.
Inggit na inggit ang dalaga sa panahon na ginugugol ng kaniyang ina sa pag-aasikaso sa kaniyang Ate Gemma. Dito na siya nagpasya na pagbutihin ang lahat ng kaniyang ginagawa nang sa gayon ay maging mahusay rin siya sa eskwela.
At nagtagumpay naman siya. Tumaas ang kaniyang grado at nakapasok siya sa top 10 ng klase. Masayang-masaya siyang umuwi upang ibalita ito sa kaniyang ina ngunit naabutan niyang nagmemeryenda na ito kasama ang kaniyang Ate Gemma.
“May pansit d’yan, nagpabili ako dahil nangunguna na naman ang ate mo sa klase nila. Grabe talaga ang galing nitong ate mo! Kahit katiting ay hindi ka man lang naambunan ng kakayahan niya,” saad ng ina.
“P-pero, ‘nay, gusto ko rin pong sabihin sa inyo na pang walo na ako sa klase. Tumaas po ang grado ko. Ito po ang card ko, tingnan ninyo,” masayang wika ni Jonna.
“Pang walo? Aanhin mo naman ang pang walo? Baka naman sampu lang kayo sa klase. Itago mo na lang ‘yang card mo at sigurado akong walang binatbat na naman ‘yan sa grado ng ate mo!” sambit pa ng ina.
“Ang galing-galing mo talaga, Gemma, mana ka talaga sa akin!” dagdag pa ni Lita.
Nanlumo si Jonna. Kahit anong gawin niya ay mas magaling pa rin sa mata ng kaniyang ina ang kaniyang ate.
Pero imbes na pabayaan niya ang kaniyang pag-aaral ay lalo pa siyang nagpursige. Ginawa n’ya ito hindi para katuwaan ng kaniyang ina dahil malabo naman itong mangyari kung hindi para na rin sa kaniyang sarili. Lalo pa’t alam niyang pagtanda niya ay wala siyang aasahan sa ina at kapatid.
Lumipas ang isang taon at hindi na makapaghintay si Lita sa pagtatapos ng kaniyang anak. Naghahanda na nga siya ng isusuot at ng kaniyang sasabihin sa entablo kapag sinabitan niya ang panganay na anak ng medalya.
Ngunit laking gulat niya nang mabunyag ang isang lihim.
Habang pauwi mula sa pagde-deliber ng kaniyang paninda ay nakasalubong niya ang isang kumare. Kaklase ni Gemma ang anak nito kaya naman sandali siyang nakipagkwentuhan.
“Handa ka na ba sa araw ng pagtatapos, mare? Ilang araw na lang at may mga graduate na tayo!” saad ni Lita.
“Talaga ba, mare, naayos na ng anak mo ang gusot niya sa eskwela? Makakapagmartsa na siya sa graduation?” tanong naman ng ginang.
“A-anong ibig mong sabihing gusot? E, ang anak ko pa nga ang nangunguna sa klase nila, ‘di ba? Sasabitan pa nga siya ng medalya, e!” kinakabahang tanong ni Lita.
“Naku, mare, tingin ko ay kayo na lang ng anak mo ang mag-usap. Pero iba kasi ang kwento sa akin ng anak ko. Tanungin mo na lang si Gemma dahil ayaw kong sa akin mismo manggaling ang masamang balita,” wika pa ng ale.
Kinakabahang umuwi si Lita. Nadatnan niya si Jonna na kasalukuyang gumagawa ng kaniyang asignatura.
“Nasaan ang Ate Gemma mo? Narito na ba siya? Nakauwi na ba?” bungad ni Lita.
“Nasa kwarto po at nagpapahinga. Kanina pa nga po kayo hinihintay dahil may ipapaluto raw siya sa inyo,” sagot naman ng dalaga.
Sinugod ni Lita ang panganay na anak sa silid nito.
“Gemma, ano ang sinasabi ni Mila na hindi ka raw makakapagmartsa ngayong taon dahil may gusot kang pinasukan? Ano ba ang ibig sabihin niya? Makakapagtapos ka ba ng pag-aaral ngayong taon o hindi?” deretsahang tanong ng ina.
Hindi naman nakaimik agad si Gemma. Yumuko ito at bigla na lang napaluha.
“Patawad, ‘nay! Patawarin n’yo po ako dahil nagsinungaling po ako sa inyo. Matagal na po akong hindi pumapasok sa eskwela. Marami rin po akong bagsak na grado. ‘Yung mga pinakita ko po sa inyo’y gawa-gawa ko lang. Ang akala ko po’y malulusutan ko ito,” pag-amin ni Gemma.
“Ano ba ang nangyari? Ayaw mo na bang mag-aral dahil kukunin ka na agad ng nobyo mong banyaga? Iyon ba ang dahilan?” sambit muli ni Lita.
Umiling si Gemma.
“Matagal na po kaming walang relasyon ni Phil. Hiniwalayan niya na po ako nang malamang may iba akong karelasyon. ‘Nay, buntis po ako. Hindi ko na po alam kung paano ito itatago sa inyo,” pagtangis ng dalaga.
Napaupo sa sobrang pagkadismaya si Lita. Hindi niya akalaing magagawa ito ng kaniyang paboritong anak.
“Sinungaling ka, Gemma! Paano mo nakayanang gawin ito sa akin? Wala akong ginawa kung hindi isipin ang kapakanan mo! Pinabayaan ko na nga si Jonna dahil ikaw lang ang inaasikaso ko! Tapos ay ito pa ang igaganti mo? Wala kang utang na loob! Wala kang isip, nagpabuntis ka pa! Sino ba ‘yang lalaking ‘yan?” nanggagalaiting saad ng ina.
Lalong nanlumo si Lita nang malaman na ang nakabuntis pala sa kaniyang panganay ay isang hamak na tambay lang at walang trabaho. Madalas na si Gemma pa ang gumagastos mula sa padala ng kaniyang nobyo sa ibang bansa.
Hindi makapaniwala si Lita sa nangyari. Parang gumuho ang kaniyang mundo dahil sa labis na pagkabigo. Nilapitan niya ang bunsong anak at saka niya ito niyakap. Tiningnan niya ang report card nito at nagulat siya na ito na pala ang nangunguna sa klase.
“Patawarin mo ako, anak. Hindi man lang kita nagawang pahalagahan. Palagi kitang minamaliit at binabalewala gayong ang gusto mo lang ay ipagmalaki kita. Patawarin mo ako. Hindi ko ito ginagawa dahil ikaw ang mag-aahon sa mahirap nating buhay kung hindi nais kong malaman mo na nagsisisi ako na hindi ko man lang naiparamdam sa iyo na anak din kita,” wika pa ni Lita.
“Hindi pa naman po huli ang lahat, ‘nay. Kayo lang naman ang hinihintay ko. Hindi naman din po nagbago ang pagmamahal ko sa inyo. Patawarin n’yo na rin po si ate sa nagawa niya. Huwag kayong mag-alala dahil ako naman ang tutupad ng pangarap ninyo. Magtatapos po ako ng pag-aaral at ako ang maghahango sa atin sa hirap,” wika pa ni Jonna.
Lumipas ang mga taon at nakapagtapos nga ng pag-aaral si Jonna at naging isang arkitekto. Tinupad niya ang kaniyang pangako na siya ang mag-aahon sa kanila sa hirap. Nanindigan siyang hindi muna siya mag-aasawa hangga’t hindi tuluyang nailalagay sa magandang sitwasyon ang kaniyang pamilya.
Salat man noon sa pagmamahal mula sa kaniyang nanay at ate ay hindi niya naman nagawang magdamot ng pagmamahal para sa kanila ngayon.