Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ng Dalaga ang Ina na Panay ang Sunod sa Lahat ng Gusto ng Kaniyang Lola; May Matututuhan Pala Siya sa Tinatagong Rason Nito

Pinagtatawanan ng Dalaga ang Ina na Panay ang Sunod sa Lahat ng Gusto ng Kaniyang Lola; May Matututuhan Pala Siya sa Tinatagong Rason Nito

Agad na napapahalakhak ang dalagang si Agie sa tuwing nakikita niyang napipilitan ang kaniyang ina na gawin ang inuutos o hinihiling ng kaniyang lola. Bukod kasi sa kitang-kita niya na lingid sa kagustuhan ng kaniyang ina ang gustong mangyari ng kaniyang lola, ibang-iba rin kasi ang ugaling pinapakita nito kapag siya ang nasa harap nito at kapag ito’y nasa harap ng naturang matanda.

Kagaya na lamang noong kaarawan niya, inis na inis ito sa kaniya dahil napakarami niyang pinalutong putahe rito na pagsasaluhan nila ng kaniyang mga kaibigan. Kahit na ramdam na niya ang pagod nito, inutusan niya pa rin itong ikulot ang buhok niya dahilan para tuluyan na itong magalit sa kaniya. Imbes na intindihin niya na lamang ito, kung anu-ano pang panunumbat ang sinabi niya rito na lalo nitong ikinagalit.

Ngunit nang dumating ang kaniyang lola na walumpung taong gulang na kasama ang tagapag-alaga nito, agad na nagbago ang timpla ng kaniyang ina at ito’y agad na inalalayan. Sabi niya pa sa isip niya noon, “Ang plastik, ha? Takot na takot ka sa nanay mo, ha?” saka niya padabog na hinagis ang pangkulot niya ng buhok.

Madalas man niyang mapansin ang ganitong pag-uugali ng kaniyang ina, binabalewala niya lang ito. Madalas pa, kahit nasa harap sila ng ibang tao, kukutyain niya ang kaniyang ina kasabay ng malakas na pagtawa dahil pakiramdam niya, nagpapakitang tao lamang ito.

Isang araw, habang sila’y sabay-sabay na kumakain sa mahabang hapag-kainan sa bahay ng kaniyang lola, napansin niya na pinaghahandaan nito ang kaniyang ina ng isang malaking sabaw ng sinigang. Alam niyang mahina nang kumain ang kaniyang ina ngayon dahil mataas ang dugo nito’t cholesterol sa katawan kaya buong akala niya, tatanggi ito.

Ngunit siya’y labis na nabigla nang agad itong tanggapin ng kaniyang ina at dali-daling magsimulang kumain na talagang ikinangiti ng kaniyang lola.

“O, apo, kumain ka na rin! Ayaw mong gayahin ang nanay mo, napakalakas kumain kaya malakas din ang katawan nitong unica hija ko, eh!” sabi nito sa kaniya nang siya’y makitang natatawa.

“Ah, eh, opo, lola, ito na po!” tugon niya saka agad na sumandok ng kanin.

“Anak, gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape?” tanong pa nito sa kaniyang ina na ikinabulunan niya.

“Opo naman, mama! Kahit limang tasa pa ng kape ang itimpla mo, lahat ‘yan, iinumin ko!” tugon ng kaniyang ina na ikinatawa niya maigi pagkaalis ng kaniyang lola.

“Talaga lang, mama, ha? Baka mamaya, masobrahan ka naman at sa ospital ang diretso natin nito mamaya,” sabi niya rito sabay tapik sa balikat nito.

“Tumahimik ka na lang d’yan, Agie. Makisakay ka na lang sa akin. Iinom na lang ako ng gamot mamaya,” seryoso nitong wika habang pilit na inuubos ang malaking tasang pagkain nito.

“Diyos ko! Napakaplastik mo talaga, mama!” sigaw niya rito.

“Agie!” saway nito.

“Bakit mo ba ito ginagawa, mama, ha? Hindi mo naman talaga gusto, pinipilit mo para lang sumaya si lola, nagbabago ka ng ugali kapag nand’yan ka, at sinasakripisyo mo ang kalusugan mo para lang mapagbigyan siya sa kagustuhan niya. Ano bang nasa isip mo, mama?” pang-uusisa niya rito.

“Alam ko kasing bilang na lang ang mga araw na maaari kong makasama ang lola mo, Agie. Anumang oras, dahil sa katandaan at mga sakit niya, maaari na rin siyang bawiin ng Panginoon sa akin. Kaya lahat ng gusto niya, handa kong sundin at ibigay dahil sigurado ako, walang sinuman ang makakapalit sa nanay ko,” paliwanag nito saka agad na sinalubong ang matandang papalapit sa kanila na may hawak-hawak na isang tasang kape.

“Ang bango naman niyan, mama! Mukhang espesyal na naman ang kapeng ginagawa mo para sa akin,” masayang sabi pa nito na talagang nagbigay kurot sa puso niya.

Dahil doon, naunawaan niya na ngayon kung bakit ito ginagawa ng kaniyang ina. Magkahalong saya, lungkot, at pangongonsenya ang nararamdaman niya habang pinapanuod ang dalawang babaeng importante sa buhay niya na masayang umiinom ng kape.

Masaya siya dahil kaniyang nalaman ang dahilan ng kaniyang ina. Nakakaramdam naman siya ng lungkot dahil kagaya ng kaniyang lola, maaari ring kuhanin anumang oras sa kaniya ang nanay niyang palagi niyang pinagtatawanan at iniinis. Higit sa lahat, siya’y nakokonsensya dahil hindi niya kailanman nagawa ang ganitong klaseng pagmamahal sa kaniyang ina na binibigay nito sa kaniyang lola.

Dahil sa pag-uusap nilang iyon ng kaniyang ina, nagbago ang pagtingin niya rito. Kung dati’y pinagtatawanan niya ito, ngayo’y sinasamahan niya na itong gawin ang mga bagay na hiling ng kaniyang lola. Natutuhan niya rin itong pahalagahan, galangin, at mahalin sa paraang kaya niya.

Advertisement