Inday TrendingInday Trending
Agad na Nag-init ang Ulo ng Lalaki nang Makitang Nag-shopping na Naman ang Misis Niya; Nagulat Siya nang Malaman Kung Para Kanino Iyon

Agad na Nag-init ang Ulo ng Lalaki nang Makitang Nag-shopping na Naman ang Misis Niya; Nagulat Siya nang Malaman Kung Para Kanino Iyon

Perpekto na sana ang tingin ni Kiko sa kaniyang asawa. Masarap itong magluto, masinop sa bahay, magaling mag-alaga at magpalaki ng kanilang mga anak, at nagagawa pa nitong pasayahin siya sa kama halos gabi-gabi. Kaya lang, ang tanging kinaiinisan niya rito, ito’y may pagkagastadora.

Hindi nito nagagawang makontrol ang nailalabas nitong pera sa tuwing nasa mall ito kasama ang kanilang mga kaibigan. Ilang beses man siya nitong kumbinsihin na naialis na nito ang ganitong pag-uugali, hindi pa rin siya tiwala rito lalo na’t alam niya, mayroon itong sariling pinagkakakitaan kasama ang kanilang mga kaibigan.

Nagtitinda ito ng kung anu-anong nauusong pagkain katuwang ang isa nilang kaibigan at kahit kailan, hindi niya nalaman kung magkano ang kinikita nito, kung magkano na ang naiipon nito at kung saan napupunta ang pera nito.

Ito ang dahilan para ganoon niya na lamang paghinalaan na patuloy pa rin ito sa pagwawaldas ng pera. Hindi man nito ginagalaw ang ipon nilang mag-asawa, sigurado siyang may pera itong inilalaan para sa luho nito kaya sa tuwing uuwi itong may dalang supot ay agad na siyang magagalit dito.

Katulad na lamang ngayong araw ng Lunes. Pagod na pagod siyang umuwi sa kanilang bahay at ang unang bumungad sa kaniya ay ang sandamakmak na supot na nakahalera sa gilid ng kanilang sofa.

“Ano na naman itong mga ‘to, ha? Huwag mo sabihin sa aking nagwaldas ka na naman ng pera para sa mga walang kapararakang bagay?” galit niyang sabi sa asawa nang makita niya itong abala sa pagluluto ng kanilang hapunan.

“May kapararakan naman ‘yang mga binili ko, Kiko. Tingnan mo ito, binili ko ito…” masayang sabi nito habang sinusubukan buksan ang isa sa mga supot ngunit kaniya itong agad na pinutol.

“May kapararakan? Ang sabihin mo, hindi mo na naman nakontrol ang sarili mo na gumasta ng pera! Akala ko ba naiwasan mo na ang ugaling ‘yan? Hanggang ngayon pala gan’yan ka pa rin! Hindi porque may pera ka ngayon, makikipagsabayan ka na sa mga mayayaman nating kaibigan. Kaya hindi umangat-angat ang buhay natin, eh. Mahilig ka kasing makisabay kahit wala ka namang ipapanabay,” tuloy-tuloy niyang sermon dito dahilan para mapaiyak na lamang ito at dali-daling magkulong sa kanilang silid, “Sige! Ipakita mo sa mga anak natin na umiiyak ka dahil sa akin nang maging masama ang tingin nila sa akin!” sigaw niya pa rito at sa sobrang inis niya, isa-isa niyang pinagtatadyakan ang mga supot na nasa harap niya.

Kaya lang, pagkasipa niya sa isang supot, sumabog ang laman nitong puro puting damit na pamasok niya sa opisina. Doon na siya nagtaka kaya naman isa isa niyang binuksan ang mga supot na iyon.

Doon niya nakita na halos lahat ng mga supot na iyon ay naglalaman ng damit niya, bago niyang sapatos at tsinelas, bag niya pamasok ng trabaho at mga damit niya pangloob na talagang ikinagulat niya. May mga supot mang hindi para sa kaniya, para naman ito sa kanilang mga anak. “Para sa akin lahat ito?” tanong niya sa sarili.

“Opo, papa, napansin po kasi ni mama na naninilaw na ang mga damit niyong pamasok. Butas na rin po ang suwelas ng sapatos at tsinelas niyo at mapipigtal na ang hawakan ng bag niyo. Sabi niya rin po, isa na lang ang matino niyong panloob kaya binili niya po itong lahat para sa inyo. Sa totoo lang po, tinawaran niya maigi ang bawat gamit niyo, papa, dahil ayaw niya po kayong magalit sa paggastos niya ng pera,” sabat ng kaniyang anak na agad niyang ikinakonsensya.

Dahil doon, dali-dali niyang pinuntahan ang asawa niyang patuloy pa rin sa pag-iyak. Paulit-ulit siyang humingi ng tawad at nagpasalamat dito hanggang sa tumahan na rin ito.

“Pasensya ka na sa akin, mahal, ha? Ayoko lang naman na gumagastos tayo ng pera sa mga bagay na hindi dapat,” wika niya habang yakap-yakap niya ito.

“Alam ko naman iyon, mahal, kaya ko lang naman binili ang mga gamit na iyon para sa’yo dahil sa sobrang katipiran natin noong mga nakaraang buwan, nagmumukha ka nang kaawa-awa kaya ko iyon nabili lahat,” paliwanag pa nito na talagang ikinataba ng puso niya.

Simula noon, nagawa na niyang mapagkatiwalaan ang kaniyang asawa pagdating sa pera dahil ngayon, sigurado na siyang gumagastos na lamang ito para sa mga bagay na mahalaga at talagang kailangan nilang mag-anak.

Advertisement