Inday TrendingInday Trending
Hindi Kinilala ng Lalaking Ito ang Kaniyang Anak; Nalugmok Siya nang Malamang Inako Ito ng Ibang Lalaki

Hindi Kinilala ng Lalaking Ito ang Kaniyang Anak; Nalugmok Siya nang Malamang Inako Ito ng Ibang Lalaki

“Bakit ayaw mong sa ’yo ko ipangalan ang anak natin, Jojo? Anak mo ito!” umiiyak na sabi ni Florin sa kaniyang kinakasamang si Mike habang nasa loob sila ng kuwarto ng opsital kung saan siya nanganak. Tinatanong na kasi ng nurse kung ano’ng apelyido ang ipinapangalan nila sa bata at nang sabihin niya ang apelyido ni Mike ay ganoon na lamang ang naging pagtanggi nito.

Matagal bago nakasagot sa kaniya si Mike. Nakayuko lamang ito na tila ba may malalim na iniisip. Ngunit maya-maya pa ay halos gumuho ang mundo ni Florin nang sa wakas ay sumagot na sa kaniya ang kinakasama…

“H-hindi naman ako sigurado kung ako ba ang tatay n’yan, e. Ayaw kong ibigay ang epelyido ko sa isang batang hindi ko naman anak!” hiyaw sa kaniya ng lalaki.

Sobrang nasaktan si Florin sa sinabi nito kaya naman ganoon na lang ang bilis ng pagtulo ng kaniyang luha. Ni hindi nga siya nakapagsalita dahil doon, maging ang nurse ay nagulat din. Paanong hindi ito magugulat, gayong kamukhang-kamukha ni Mike ang anak niya?!

“Sir, sure po ba kayo na ayaw ninyong ipangalan sa inyo ang anak n’yo?” tanong pa ng nurse na labis din ang awang nararamdaman para kay Florin. Hindi na kasi ito makapagsalita pa kaya naglakas-loob na ang nurse na magtanong.

“Hindi ko nga anak ’yan!” galit muling turan ni Mike. “Kunin mo ang cellphone mo, dali. Kung gusto mo, video-han mo pa ako habang sinasabi kong hindi sa akin ang batang ’yan, e!” muli ay sabi niya pa kaya naman mabilis siyang tinalima ng nurse. Kinuhanan siya nito ng video habang sinasabi niyang ayaw niyang tanggapin ang anak niya at ayaw niya itong kilalanin.

Mabuti na lamang at tinulungan ng mga kaanak niya si Florin kaya nakalabas siya ng ospital, hanggang sa makatatlong buwan siya at ang kaniyang anak. Doon lamang siya nagkaroon ng lakas na makapag-apply ng trabaho. Hindi niya naman inaasahan na ang may-ari pala ng kompaniyang ina-apply-an niya ay ang mortal na kaaway ni Mike noon—si Justine—na mahigpit nitong karibal sa lahat ng bagay, lalo na noong sila ay nag-aaral pa.

Hanggang sa negosyo ay sila pa rin ang magkaaway, kaya naman muntik na sanang umatras si Florin sa pag-a-apply dito kung hindi nga lamang niya inisip ang kaniyang anak.

“Sir, huwag po kayong mag-alala, dahil putol na ang relasyon ko kay Mike. Hindi niya rin kinilala ang anak namin, kaya mapagkakatiwalaan n’yo po ako,” paliwanag ni Florin sa kaniyang magiging boss na agad namang napakunot ang noo.

“Walang kaso sa akin ang nakaraan mo, Florin. Ang totoo n’yan ay gusto kong humingi ng tawad sa ’yo. Dahil sa akin kaya ginawa ni Mike ’yan sa ’yo,” nayuyukong sabi naman ni Justine sa kaniya.

“A-ano pong ibig mong sabihin, sir?” takang tanong naman ni Florin.

“Ang totoo n’yan, noong high school pa tayo ay nalaman ni Mike na balak kitang ligawan, kaya naman inunahan niya ako. Alam niyang mahal kita, Florin, kaya ginamit ka niya laban sa akin,” nayuyuko pang pag-amin sa kaniya ni Justine na nagpatulala naman kay Florin.

Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Talagang nagulat siya, dahil noon ay malaki rin naman ang pagkakagusto niya sa lalaki. Akala niya kasi ay ayaw nito sa kaniya kaya naman pinilit na lamang niyang ibaling kay Mike ang kaniyang atensyon.

Natanggap bilang sekretarya ni Justine si Florin. Dahil halos araw-araw silang magkasama sa loob ng halos ilang taon ay tila muling nanumbalik ang nararamdaman nila para sa isa’t isa, hanggang sa hindi na kaya pang pigilan ni Justine ang kaniyang sarili. Niligawan niya na si Florin, na noong una ay nagdadalawang isip pa kung susundin niya ba ang tibok ng kaniyang puso o hindi.

Sa huli ay nanaig pa rin ang damdamin nilang dalawa. Sinunod pa rin nila ang kanilang mga puso, hanggang sa magdesisyon silang magpakasal na. Tinanggap ni Justine ang anak ni Florin kay Mike at ipinangalan ito sa kaniya.

Halos ganoon na lang ang pagguho ng mundo ni Mike nang malamang ang karibal niya ang siyang tumatayo at kinikilalang ama ng kaniyang anak. Sinubukan niyang ihabla at ilaban ang karapatan niya, ngunit hindi siya pinanigan ng korte, dahil hawak pa rin nina Florin ang ebidensiyang ayaw niya sa anak niya noon. Gusto lamang niyang pasakitan ang karibal niya gamit ang bata, kaya naman hindi iyon pinayagan ng korte. Natalo siya sa kaso at wala na siyang nagawa pa upang hadlangan ang kaligayahan ng mga ito.

Advertisement