Inday TrendingInday Trending
Nag-alaga ng Malaking Ahas ang Babaeng Ito Upang Takutin ang Kaniyang Biyenan; Pagsisisihan Niya pala nang Malaki ang Kaniyang Kalokohan

Nag-alaga ng Malaking Ahas ang Babaeng Ito Upang Takutin ang Kaniyang Biyenan; Pagsisisihan Niya pala nang Malaki ang Kaniyang Kalokohan

Inis na inis na naman si Jolina pagkagising na pagkagising pa lamang niya. Paano kasi ay nakita niyang nagawa na ng kaniyang biyenang babae ang lahat ng gawain sa tahanan nilang mag-asawa. Sa mesa ay mayroon na ring nakatakip na ulam at sinangag, at kakainin na lamang niya iyon, ngunit imbes na ikatuwa niya’y pakiramdam niya ay iniinsulto pa siya nito.

Tanghali na kasi siya kung gumising. Ni hindi niya nga nagagawang asikasuhin ang kaniyang asawa sa umaga kaya naman ang kaniyang biyenan na ang gumagawa noon, pero masama pa rin ito para kay Jolina. Kahit kailan talaga ay hindi siya marunong makisama sa kaniyang biyenan kaya nga hanggang ngayon, kahit maglilimang taon na silang nagsasama ay hindi pa rin niya ito makasundo.

“O, hija, kumain ka na riyan. Nakapagluto na ako. Ang tagal mo kasing gumising kaya nakialam na ako r’yan sa ref n’yo. Isa pa, binigyan din ako ng asawa mo ng pamalengke. May balak ka bang ipabili?” tanong pa sa kaniya ng biyenan na lalo namang nakapagpainit ng ulo ni Jolina. Minabuti na lamang niyang sumagot huminahon upang hindi na iyon pagmulan pang away nila ng kaniyang asawa. Ayaw niya naman kasing dahil lamang sa hindi nila pagkakasundo ng ina nito ay magkaroon ng lamat ang kanilang pagsasama.

“Wala ho,” malamig na tugon na lamang niya sa kaniyang biyenan.

Pagkaalis na pagkaalis ng ina ng kaniyang asawa ay saka lamang nakahiyaw si Jolina upang alisin ang kaniyang inis. Hindi siya sanay na may nakikialam sa kaniya dahil bata pa lamang siya noong mawala ang kaniyang mga magulang. Simula noon ay siya na ang bumuhay sa kaniyang sarili, hanggang sa makilala niya ang kaniyang mister. Hindi rin naman kasi ito malapit sa ina kaya naman hindi sila gaanong nagkakasama. Iyon nga lang, tila ba kung kailan nag-asawa ang mister niya ay saka naman gustong bumawi ng ina nito sa mga pagkukulang niya!

Dahil doon, isang masamang ideya ang pumasok sa isip ni Jolina. Paano kasi, habang nanunuod sila ng isang palabas kagabi tungkol sa anaconda ay ipina-off ng kaniyang biyenan ang kanilang telebisyon. Takot daw kasi ito sa ahas kaya ayaw nitong nanunuod sila ng mga ganoong palabas. Sa buwisit ni Jolina ay nagpunta siya sa pet shop ng kakilala niya, at doon ay bumili siya ng alagang sawa!

“Ahas! Ahas!”

Naghihiyaw ang biyenan ni Jolina nang makita nito ang alaga niyang ahas na nasa aquarium. Ganoon na lamang ang pagkalabog ng dibdib nito habang tuwang-tuwa naman si Jolina sa nakitang reaksyon ng biyenan.

“Jolina, anak! May ahas dito sa likod-bahay! Nasa aquarium!” muli ay sigaw nito.

Humagalpak muna ng tawa si Jolina sa bago siya nagtungo sa likod-bahay upang tingnan ang kaniyang biyenan. Ganoon na lamang ang gulat niya nang maabutan niya itong pinupuluputan na ng nasabing sawa ang braso nito at halos pumutok na iyon sa higpit ng pagkakapulupot nito!

Napasigaw si Jolina. Ang gusto lamang naman niya ay takutin ito, hindi niya akalaing ganito ang kalalabasan ng naisip niyang kalokohan. Mabuti na lamang at mabilis siyang nakatawag ng tulong sa kanilang kapitbahay na mabilis naman silang tinulungan. Agad na nadala sa ospital ang kaniyang biyenan na inatake rin ng ‘high blood’ sa ginawa niya!

Galit na galit ang asawa niya nang dumating ito sa kanilang tahanan. Kung hindi nga lamang siya mahal nito ay baka nagawa rin siyang saktan nito nang pisikal dahil sa ginawa niya sa nanay nito, na agad din naman niyang inamin. Mabuti na lamang at kinausap pa rin ng kaniyang biyenan ang kaniyang asawa na patawarin siya at bigyan pa siya ng isa pang pagkakataon kaya naman nakalma ang loob ng kaniyang mister at hindi na siya tuluyan pang hiniwalayan.

Labis ang pagsisising naramdaman ni Jolina dahil doon. Hindi niya inaasahang sa kabila ng kalokohang ginawa niya ay patatawarin pa siya ng kaniyang biyenan at bibigyan pa ng isa pang pagkakataon. Sana pala ay pinakisamahan na lamang niya ito nang maayos, bilang ito ang nagluwal sa kaniyang mister sa mundo.

Simula noon ay sinubukan nang kunin ni Jolina ang loob ng kaniyang biyenan. Nakisama siya nang maayos dito at doon na naging maganda ang kanilang pagsasama. Humingi rin siya ng sinserong tawad dito na mabilis naman siyang pinagbigyan. Ngayon ay masaya na silang namumuhay nang magkakasama pa rin, ngunit nagkakasundo.

Advertisement