Inakala ng Lalaking Ito na Maghihirap ang Kaniyang Asawa Oras na Ito’y Iwan Niya; Ito pa pala ang Magiging Dahilan ng Kaniyang Pagbagsak
“Maghiwalay na tayo. Ayaw ko na sa relasyong ito, Porsia,” turan ng kaniyang mister, pagkauwing-pagkauwi nito galing sa trabaho na ikinagulat naman ni Porsia.
“Ano’ng sinasabi mo, Miguel? Ano’ng problema mo?” tanong niya naman dito.
“May negosyong ino-offer sa akin ang kaibigan ko. Malaking project ’yon at siguradong ilang buwan lang ay yayaman na ako. Hindi na ako p’wedeng manatili lang sa katulad mo, Porsia. Hindi p’wedeng makita ako ng mga kaibigan kong kasama ko ang isang tulad mong walang pinag-aralan. Isa pa, sigurado namang kapag nangyari ’yon ay magiging pera na lang ang habol mo sa akin, kaya naman ngayon pa lang ay hinihiwalayan na kita,” mayabang na sabi naman ng kaniyang mister at dahil doon ay natawa nang mapait si Porsia.
“Kung ’yan ang gusto mo,” puno ng hinanakit na aniya sa asawa—na malapit na niyang maging ‘ex.’
Wala na siyang balak pang habulin ito. Hindi siya para magmakaawa sa isang lalaking mababa ang tingin sa kaniya. Para kay Porsia, mas mabuti na rin namang nakilala niya na ito habang maaga pa. Tutal ay wala pa silang anak at bago pa lamang silang nagsasama bilang mag-asawa. Wala pa kasing isang taon buhat nang sila ay magpakasal sa huwes.
Hindi niya akalaing ganito palang klaseng tao ang lalaking pinakasalan niya. Tatlong taon silang naging magnobyo, ngunit tama nga ang kasabihang hindi mo makikilala ang isang tao hangga’t hindi mo ito nakakasama sa iisang bubong, at ngayon pa lamang ay nakilala niya na ang tunay na ugali nito. Mayabang si Miguel. Mataas ang tingin nito sa sarili kahit pa wala pa naman itong napapatunayan.
Napailing na lamang si Porsia. Masama ang loob niya, ngunit hindi niya ugaling iyakan ang isang taong walang pakialam sa kaniya. Ang ginawa niya’y nag-apply siya ng trabaho na noon pa man ay hinahadlangan na ni Miguel. Alam kasi nito na kayang-kaya niya itong ungusan sa kita, kung tutuusin, kaya naman takot itong hayaan siyang magtrabaho.
Mabilis namang natanggap si Porsia sa trabaho. Sa galing at talinong taglay niya ay hindi nagdalawang isip ang magandang kompaniyang in-apply-an niya na tanggapin siya. Doon ay pinagbuti niya nang maigi ang kaniyang trabaho at hindi nagtagal ay agad siyang na-promote. Unti-unting tumaas agad ang posisyon ni Porsia sa kaniyang trabaho, hanggang sa bigyan siya ng malaking offer ng may-ari ng kompaniya.
“Gusto kong gawin kang isa sa mga major stock holder ng kompaniya ko, Porsia. Sa laki ng naitulong mo rito ay nababagay lang na ibigay sa ’yo ang posisyong iyon,” anang may-ari ng kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Porsia sa kaniya. Siya na kasi ang pinagkakatiwalaan nito ngayon lalo pa at siya ang halos nagpalago sa buong kompaniya nito.
“S-sigurado po ba kayo d’yan, ma’am?” nanlalaki ang mga matang tanong naman ni Porsia sa kaniyang boss.
“Sigurado pa sa sigurado, Porsia.” Nginitian siya ng kaniyang boss at doon ay natutop na lamang ni Porsia ang sariling bibig.
“Naku! Maraming-maraming salamat po, ma’am!” aniya rito bago siya nito kinamayan.
Dahil doon ay lalo pang lumaki nang lumaki ang kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Porsia. Tinalo na nito ang iba pang kompaniyang kalaban nila, kabilang na ang kompaniyang sinimulan ng dati niyang asawang si Miguel.
Halos manlumo si Miguel nang malaman niyang si Porsia ang dahilan ng naging pagkalugi ng kanilang kompaniya. Bigla niyang pinagsisihan ang ginawa niya sa kaniyang dating asawa, kaya naman ngayon ay naging kawalan ito sa kaniya. Kung sana ay nakipagtulungan na lamang siya rito imbes na kinalaban niya si Porsia, sana ay kasama pa siya sa naging pag-angat nito.
Dahil doon ay naisip na lamang ni Miguel na puntahan si Porsia upang makipagbalikan dito…
“Nagsisisi ako sa lahat ng ginawa ko sa ’yo, Porsia. Sa pang-iiwan ko, pati na rin sa hindi ko pagtitiwala sa kakayahan mo. Aaminin ko, mahal pa kita, kaya kung ayos lang sa ’yo ay gusto ko sanang magkabalikan tayo ulit,” sabi ni Miguel sa dati niyang asawa. Ganoon na lang ang lawak ng kaniyang pagkakangisi nang biglang hawakan ni Porsia ang kamay niyang nakapatong sa office desk nito, ngunit agad din iyong napawi nang bigla nitong ilagay doon ang singsing na ibinigay niya rito noong ikasal sila!
“On-going na ang pagpo-proseso ng annulment ng kasal natin, Miguel. Wala ka nang magagawa pa,” nakangising sabi nito bago ito tumawag ng guwardiya upang sipain siya palabas ng opisina nito!
Pahiyang-pahiya si Miguel. Durog na durog din ang puso niya dahil inayawan siya ng dating asawa. Ngayon ay naramdaman niya na ang sakit na naramdaman nito noon.