Inday TrendingInday Trending
‘Play Money’ ang Ibinayad Niya sa Tinderong Hindi Nakapag-aral; Nakakikilabot na Pangyayari Tuloy ang Mararanasan Niya

‘Play Money’ ang Ibinayad Niya sa Tinderong Hindi Nakapag-aral; Nakakikilabot na Pangyayari Tuloy ang Mararanasan Niya

Napansin ni Aling Lorna ang matandang tinderong iyon ng gulay na bagong salta lamang sa kanilang lugar. Nakapuwesto ito sa kanto ng kanilang subdibisyon at nadaanan niya ito pagkatapos niyang magbayad ng kuriyente sa kabilang dako ng highway.

“Mama, lolo ’yan ng kaklase ko noong isang taon. Alam n’yo po ba, nakakaawa ’yan, dahil hindi po ’yan nakapag-aral. Wala po ’yang alam. Hindi nga raw po ’yan marunong magbasa, e,” sabi ng anak ni Aling Lorna na kasama niyang magbayad kanina ng bill.

“Ganoon ba?”

Dahil doon ay napangisi na lang ang ginang. Kinuha niya ang kaniyang pitaka at sinilip kung naroon pa ba ang ilang ‘play money’ na ginamit ng anak niya noong isang araw bilang proyekto sa eskuwela. Sa isip-isip niya’y mukhang sinusuwerte na naman siya ngayong araw. Mukhang makakalibre pa siya ng mga gulay at magagawa niyang itaya sa huweteng ang sobra niyang pera ngayon.

“Manong, magkano ho ito?” kunwari’y tanong ni Aling Lorna sa matandang tindero ng gulay na agad naman siyang sinagot nang nakangiti.

“Singkuwenta na ang kilo n’yan, ineng. Medyo mahal na kasi ang kuha ko, dahil mahirap ang transportasyon ngayon,” paliwanag naman ng nasabing matanda sa presyo ng kaniyang tindang repolyo.

“Sige ho, pakikilo na lang ito,” sagot naman ni Aling Lorna bago pumili pa ng ilang produkto sa paninda ng matanda.

Masaya namang kinilo ng matanda ang mga pinili niyang gulay. Tuwang-tuwa pa ito dahil ang daming binili ni Aling Lorna. Ngunit ganoon na lang ang mabilis na pagkunot ang noo ng matanda nang bigla nang ibayad ni Aling Lorna ang kaniyang pera…

“Ma’am, peke ho ito, e,” anang matanda.

Hindi akalain ni Aling Lorna na agad nitong marerekognisa ang kaniyang pekeng pera, ngunit imbes na manghingi na lamang ng pasensiya at huwag nang ituloy ang masamang balak niya’y nagawa pa nitong sigawan ang matanda!

“Anong peke? Hindi peke ang perang ibinigay ko sa ’yo, manong! Bakit napakabilis ng kamay mo’t napalitan mo agad ’yan? Namemera ka lang, ’no?!” hiyaw niya, at dahil doon ay mabilis nilang nakuha ang atensyon ng iba pang nagdaraan sa nasabing kanto.

“Ma’am, hindi ko ho gawaing manloko ng tao! Nakikiusap ho ako sa inyo, ibalik n’yo na lang sa akin ang paninda ko’t kunin n’yo na ulit ’tong play money n’yo!” mangiyak-ngiyak namang sabi ng matandang tindero sa kaniya ngunit hindi pa rin tinablan si Aling Lorna. Patuloy pa rin niyang kinuha ang mga tinda ng matanda at umuwi na siya nang diretso sa kanila, kasama ang kaniyang anak na kanina pa hindi kumikibo.

Alam kasi ng anak niyang si Lea ang kaniyang ginawa. Nakita nito ang lahat, at sa totoo lang ay hindi ito sang-ayon sa kaniyang ginawa. Kaya naman nang makarating sila sa kanilang bahay ay dire-diretsong pumasok si Lea sa kaniyang silid at doon ay nagkulong. Hindi ito nagawang pigilan man lang ni Aling Lorna dahil nahihiya siya sa anak.

Kinabukasan, tanghali na ay hindi pa rin lumalabas ng silid ang anak ni Aling Lorna, kaya naman naisipan na niyang dalhan ito ng makakain. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ni Aling Lorna nang pagpasok niya sa silid nito ay nakita niyang nakalutang sa hangin ang kaniyang anak.

“Lea, anak ano’ng nangyayari sa ’yo?!” malakas na hiyaw niya nang makitang nakangisi ito habang nakatingin sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata nitong nangingitim ang palibot, habang gulo-gulo ang buhok nito at may tumutulong berdeng likido sa bibig.

“Masama kang tao! Ibalik mo ang kinuha mong hindi sa ’yo! Masama kang tao!” paulit-ulit na hiyaw ni Lea sa kaniya, at doon ay bigla nang nanumbalik sa isip ni Aling Lorna ang ginawa niya sa matandang tindero kahapon.

Agad na nagpatawag ng albularyo si Aling Lorna at doon ay nalaman nilang ang matandang tinderong inagrabiyado pala ni Aling Lorna kahapon ay may alam sa itim na mahika! Ito ang nagpaparusa ngayon sa kaniyang anak, at dahil doon ay labis ang naging pagsisisi ni Aling Lorna.

“Patawarin n’yo po ako! Pangako, hindi ko na kailan man uulitin ang ginawa ko, basta’t tanggalin n’yo na ang kung anumang sumpang inilagay ninyo sa anak ko!” umiiyak pang sabi ni Aling Lorna, habang tumatawa nang malakas ang kaniyang anak.

Halos hindi na siya makahinga, nang bigla na lamang nahulog si Lea mula sa pagkakalutang nito at tila nagising mula sa isang masamang panaginip. Doon ay napaiyak na lamang si Aling Lorna habang yakap ang kaniyang anak at punong-puno siya ng pagsisisi. Talagang hinding-hindi na siya uulit sa kalokohang ginawa niya.

Advertisement