Inday TrendingInday Trending
Natakot ang Batang Ito nang Hintuan Siya ng mga Pulis habang Naglalakad Siyang Nakapaa sa Gilid ng Kalsada; Babaguhin pala Nito ang Pananaw Niya sa Kanila

Natakot ang Batang Ito nang Hintuan Siya ng mga Pulis habang Naglalakad Siyang Nakapaa sa Gilid ng Kalsada; Babaguhin pala Nito ang Pananaw Niya sa Kanila

Tirik na tirik ang araw nang tanghaling iyon, ngunit ganoon pa man ay hindi iyon naging hadlang para sa batang si Eron upang makapasok ito sa eskuwela. Kahit pa nga ang tanging suot lamang niya ay ang butas at lumang-luma na niyang tsinelas. Galing lamang kasi siya sa isang mahirap na pamilya. Ang nanay at tatay ni Eron ay pawang mga nagtatrabaho bilang magbabasura, ngunit isang linggo nang napahinto ang mga ito buhat nang sila ay sabay na magkasakit.

Dahil doon ay kinakailangan tuloy nila ngayong magdildil ng asin, kaya naman kahit pa gustuhin ni Eron na magpabili ng bagong sapin sa paa’y hindi niya na lamang iyon ipinilit pa sa mga magulang. Nasa kalagitnaan na si Eron ng kaniyang paglalakad at malapit na sana siya sa kanilang eskuwelahan, nang bigla siyang matisod at muntik pang madapa dahil bigla na lamang napatid ang kaniyang tsinelas.

“Hala, nasira pa!” problemadong sabi ni Eron sa kaniyang sarili bago napapalatak nang makitang wala nang pag-asa pang maayos ang tsinelas niya. Dahil doon ay hinubad na lamang niya ang kabiyak nito at pareho nang itinapon iyon sa basurahang nadaanan niya. Maglalakad na lamang siya nang walang sapin sa paa.

Ngunit maya-maya pa, bigla na lamang nagulat si Eron nang hintuan siya ng dalawang pulis na sakay ng isang motorsiklo. Nanlaki ang mga mata ng bata dahil sa takot na baka sitahin siya nito dahil wala siyang tsinelas na naglalakad sa kalsada.

“’Toy, nasaan ang tsinelas mo? Bakit ka nakapaa? Ang putik-putik ng daan, o!” tanong sa kaniya ng isa sa mga pulis na agad namang nakapagpanginig sa katawan ni Eron.

“P-pasensiya na po, mamang pulis! Napigtas po kasi ang tsinelas ko habang papasok ako sa iskul, e! H-huwag n’yo po akong hulihin, please!” pautal-utal pang sabi niya habang magkasalikop ang mga kamay. Takot ang bata sa dalawang opisyal dahil lumaki siyang palagi na lamang silang nahuhuli ng mga kabaro nito sa tuwing magbobote o mangangalakal sila sa hindi dapat na lugar. Lumaki si Eron na lagi nilang tinataguan ang mga pulis na kagaya ng mga ito.

Dahil sa sinabi ni Eron ay nagkatinginan nang makahulugan ang dalawang pulis bago siya muling binalingan ng mga ito nang nakangiti. “Huwag kang mag-alala, hijo. Hindi ka naman namin huhulihin,” sabi pa ng mga ito bago sila bumaba upang pantayan ang taas ng bata. “Ang totoo n’yan ay bibigyan ka namin ng regalo. Okay lang ba sa ’yo?” tanong pa nito.

Hindi agad nakasagot si Eron. Wala siyang tiwala sa pulis. Ganoon pa man ay nakaisip na lamang ng paraan ang dalawang opisyal upang maibigay nila ang kanilang munting regalo sa masipag na batang nagpahanga sa kanila ngayong araw. Inihatid nila si Eron sa eskuwelahang pinapasukan nito upang makiusap sa guro ng bata na samahan silang bumili ng sapatos para kay Eron.

Naawa kasi ang dalawang opisyal ng pulis nang makita nilang naglalakad nang nakapaa ang bata. Bukod doon ay napahanga rin sila sa determinasyon nitong makapasok sa eskuwela, sa kabila ng kalagayan nito, kaya naman ito ang naisip nilang gantimpala para sa batang masipag.

Ganoon na lang ang galak ng guro ni Eron sa ginawa ng dalawang pulis, kaya naman mabilis pa sa alas-kuwatrong pumayag ito na samahan sila. Nagpunta sila sa isang may kagandahang tindahan ng mga matitibay na sapatos, at doon ay pinapili ng dalawang pulis si Eron ng limang pares ng iba’t ibang sapatos na gusto nito. Bukod doon ay bumili rin sila ng tsinelas nito, pati na rin mga gamit at pangangailangan ng bata sa eskuwela.

Galak na galak naman si Eron sa nangyari nang araw na ’yon. Hindi niya akalain na ang mga pulis na noon ay kinatatakutan niya lamang ang siya pa palang magbibigay sa kaniya ng panibagong pag-asa sa buhay. Noon, akala niya ay masasama ang mga ito, ngunit ngayon ay hinahangaan na niya sila! Sa totoo lang ay pinapangarap niya na ngayon na maging katulad nila sa kaniyang pagtanda.

Nangako naman ang dalawang pulis sa batang si Eron na susuportahan nila siya hanggang sa kanilang makakaya. Ipinakilala rin ng bata ang mga ito sa kaniyang mga magulang at sila rin ang gumawa ng paraan upang magkaroon ng regular na trabaho ang kaniyang ama, bilang janitor sa istasyon ng mga ito. Salamat sa dalawang pulis na may mabuting puso at isang bata na naman ang nagbago ang pananaw para sa kanila.

Advertisement