
Mahirap Lang Kasi ang Dalaga Kaya Tinabangan sa Kaniya ang mga Magiging Biyenan Niya; Ikagugulat Niya Nang Papirmahin Siya ng mga Ito sa Isang Kasulatan
Si Anita ang pinakamaganda sa kanilang barrio, kaya marami ang nanliligaw sa kanya ngunit sa kabila niyon ay marami na rin siyang binigo sa mga ito dahil…
“Ikinalulungkot ko, Greg, pero pagtingin lang sa isang kaibigan ang nararamdaman ko sa iyo,” wika niya sa pinakamasugid niyang manliligaw na kababata rin niya.
Sa pag-alis ng nabigong lalaki ay hindi ito naniniwala sa dahilan ng dalaga.
“Alam ko ang dahilan kung bakit hindi niya ako tinanggap ay dahil galing din ako sa isang mahirap na pamilya,” malungkot na sambit nito habang palayo sa bahay nina Anita.
Gaya ng lalaki ay pareho rin ang tingin ng mga kapitbahay niya tungkol sa kanya. Ang mga ito’y nagkakaisa sa pagsasabing…
“Dahil maganda si Anita ay tiyak na mayaman ang pipiliin niyang manliligaw upang maiahon siya sa hirap, gayon din ang pamilya niya,” sabi ng tsismosang kapitbahay sa mga kasama sa umpukan.
Lalong tumibay ang paniniwala ng mga ito ng sagutin ni Anita ang naging nobyo nitong si Sigfried Rivera, isang abogado at mayamang negosyante. Balita nga nila’y nagmamay-ari ang pamilya ng binata ng napakalawak na lupain sa Samar.
Agad na pinagtsismisan ng mga mahaderang kapitbahay ang dalaga.
“Naku, totohanin naman kaya ng lalaking iyon si Anita?” sabi ng isang babae.
“Baka kung ano ang taas ng lipad niya’y siya namang lakas ng lagapak sa pagbagsak,” sabad naman ng isa pang dalahira.
Subalit kahit anong sabihin ng mga ito’y seryoso talaga si Sigfried kay Anita. Isang araw ay dinala siya nito sa bilihan ng mga alahas. Bibilhan siya ng nobyo ng mamahaling singsing.
“Pumili ka ng gusto mo,” wika ng binata.
Pero umiling ang dalaga.
“Saka na, Sigfried…hindi pa naman tayo kasal, eh,” pagtutol ni Anita.
Ikinagulat ng nobyo ang pag-ayaw niya.
“Bakit? Kung gayon, eh, ‘di pakasal na tayo,” yaya ni Sigfried.
“Bayaan mo muna akong makatapos sa kolehiyo upang hindi naman lumabas na alangan ako sa iyo, tutal isang semestre na lang naman at makaka-gradweyt na ako,” tugon ng dalaga.
Pinagbigyan siya ng nobyo at nang makatapos siya ay plinano na nila ang kanilang kasal pero bago iyon ay kailangan muna siyang ipakilala ni Sigfried sa mga magulang. Nang makausap niya ang mga ito ay maayos naman ang pagtanggap ng mga ito sa kanya.
“Kaka-gradweyt mo lang pala, hija? Ano naman ang natapos mo?’ tanong ng mama ni Sigfried.
“Creative writing po,” sagot niya.
Napansin niya na biglang tumabang ang mukha ng ina ng nobyo niya.
“O, I s-see, pagiging writer lang pala ang gusto mong maging trabaho,” anito na sumimangot.
“Kahit ano pa ang kursong kinuha mo, ang mahalaga ay nakatapos ka sa pag-aaral, hija,” wika naman ng papa ni Sigfried.
Hindi nagpahalata si Anita sa nobyo pero pakiramdam niya ay dismayado ang mga magulang nito sa natapos niya ‘di tulad ni Sigfried na isang magaling na abogado.
Lingid sa kanya ay napansin din pala ni Sigfried ang reaksyon ng mga magulang nito nang malaman ang natapos niya. Kahit alangan siya sa mga ito ay hindi pumayag si Sigfried na hindi sila maikasal kaya madaling naihanda ang lahat para sa kanilang pag-iisang dibdib pero…
“A-ang sabi mo’y maayos na ang lahat, pero bakit parang may iba ka pang pinoproblema?” tanong ni Anita sa nobyo.
Umiling ang binata.
“W-wala ito, medyo pagod lang ako.”
May ibang nararamdaman si Anita, malakas ang kutob niya na may malalim na iniisip ang nobyo.
Kinagabihan, nang dumalaw siya sa bahay nina Sigfried ay naabutan niya na wala ang binata. Ang sabi ng mga magulang nito ay lumabas lang at may pinuntahan. Pagkakataon na pala iyon para kausapin siya ng mga ito. Hindi nga siya nagkamali ng sapantaha niya.
“Mabuti naman at dumalaw ka rito, hija. Tamang-tama dahil may papipirmahan kami sa iyo,” bungad ng mama ni Sigfried.
Nang iabot sa kanya ng mag-asawa ang papel ay alam na niya kung ano iyon.
“Kundi po ako nagkakamali ay isang prenuptial agreement ito, hindi po ba?” tanong niya.
Nakasaad sa naturang kasulatan na ang mamanahin ni Sigfried ay hindi magiging bahagi ng conjugal property nilang mag-asawa kapag sila’y ikinasal na, kaya kapag naghiwalay sila ay wala siyang habol sa mga iyon.
“Ang tungkol sa bagay na ito ang bumabagabag kay Sigfried na hindi niya maamin sa akin,” bulong ni Anita sa isip.
Dahil sa nakatakda na at maayos na ang lahat, pinirmahan niya ang kasulatan upang hindi malagay sa kahihiyan ang magkabilang partido. Sa araw ng kasal nila ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang ginawa ng mga magulang ni Sigfried.
“Masakit pa rin ang ginawa nila, iniisip pala ng mama at papa ni Sigfried na ang pagiging anak-mayaman niya ang inibig ko sa kanya,” sambit niya sa isip.
Kinagabihan, nasa loob na ng kwarto nila ang mag-asawa nang komprontahin ni Anita ang mister.
“Darling, ngayong mag-asawa na tayo, ang gusto ko’y bumukod tayo sa mas maliit na bahay. Hindi tayo titira dito sa malaking bahay ng mama at papa mo. Ibabalik ko na rin sa iyo ang mga alahas na ibinigay mo sa akin. Kahit magkano ay huwag mo akong aabutan ng pera. Ang lahat ng pangangailangan natin bilang mag-asawa ay paghahatian natin. Maghahanap ako ng trabaho para hindi masayang ang napag-aralan ko para may sarili akong perang panggastos sa sarili ko,” hayag niya.
Ikinagulat ni Sigfried ang sinabi niya.
“T-teka, mag-asawa na tayo, Anita, ang pag-aari ko’y pag-aari mo na rin at saka hindi mo kailangan magtrabaho agad, kita mong kakakasal pa lang natin. Hayaan mo na ako ang maghanapbuhay para sa ating dalawa,” wika ng mister niya.
“Pero hindi ‘yan ang nararamdaman ko. Alam ng Diyos na ikaw ang pinakasalan ko dahil ikaw ang mahal ko at hindi dahil sa anupaman. Hindi porket mahirap ako’y ginusto kong maging asawa ang mayamang tulad mo para makaahon sa hirap,” sagot niya.
“D-dahil ba ‘yan sa pinirmahan mong kasulatan? Kaya lang naman ako pumayag doon ay dahil sa iyo…ayokong maghirap ka sa piling ko, kung mawalan ako ng mana, pero balewala rin naman ang pinirmahan mo dahil hindi naman nating papayagan na masira ang ating pagsasama at humantong sa hiwalayan, hindi ba?” sambit ni Sigfried.
“Oo naman. Sanay ako sa hirap dahil iyon ang kinalakihan ko kaya hindi mahalaga kung mayaman o hindi ang mapangasawa ko, saka kahit hindi ako propesyunal na gaya mo ay kaya kitang mahalin nang tapat at totoo. Hindi ako mukhang pera, pumayag akong pumirma dahil nanaig pa rin ang pagmamahal ko sa iyo. Ayos lang sa akin na tumira kahit sa barong-barong, hindi ko rin kailangan ng mga alahas dahil hindi naman ako materyosong tao at kaya ko ring magbanat ng buto para tulungan ka sa pagbuo natin ng pamilya. Hindi ako magiging pabigat,” sabi pa ni Anita sa asawa na hindi napigilang maluha.
Niyakap siya nang mahigpit ni Sigfried.
“Alam ko, Anita, kaya nga ikaw ang minahal at pinakasalan ko dahil ang pagiging simple mo ang nagustuhan ko sa iyo.” tugon sa kanya ng mister.
Hindi nila namalayan na naluluha na rin ang mga magulang ni Sigfried na pumasok sa kuwarto nila. Kanina pa pala nakikinig ang mga ito sa pinag-uusapan nila. Tumambad kay Anita ang nagsisising mukha ng mga biyenan.
“Patawarin mo kami, hija, nagkamali kami ng iniisip laban sa iyo,” wika ng matandang babae.
“Patawad kung naging makitid ang aming isip. Nasaktan na namin ang damdamin mo kaya wala na rin sigurong halaga kung punitin namin itong pinirmahan mo,” sabi naman ng biyenan niyang lalaki na sinira ang pinirmahan niyang kasulatan.
“Ngayon namin napatunayan na mahal mo nga ang aming unico hijo,” dagdag pa ng biyenang babae.
Puno ng kaligayahan ang dibdib na niyakap ni Anita ang mga biyenan.
“Kalimutan na po natin ang lahat, magulang ko na rin po kayo ngayon,” wika ni Anita.
“O, siya tama na ang iyakan at baka makasama sa inyong honeymoon. Sabik na kami sa apo,” natatawang sabad ng papa ni Sigfried.
‘Di nagtagal ay nagbuntis si Anita at nagsilang ng sanggol na lalaki na pinangalanan nilang Andrew.