
Alam ng Binatilyo na Kinupkop Lamang Siya ng mga Itinuring Niyang Magulang; Paano Kung Isang Araw ay Dumating ang Tunay Niyang Ina at Isinasama na Siya sa Ibang Bansa?
Bata pa lamang si Earl, alam na niyang hindi siya tunay na anak ng kaniyang kinikilalang mga magulang.
Kahit na ganito, hindi naman niya naramdaman ang pangungulila sa mga tunay na nagluwal sa kaniya. Kadugo ang trato sa kaniya nina Mang Faustino at Aling Jessa. Mababait sa kaniya ang mga kapatid na sina Kuya Henry, Ate Esmie, at ang bunsong si Roel.
Bagama’t alam ni Earl na hindi siya tunay na anak, hindi naman naikuwento nina Mang Faustino at Aling Jessa, kung ano ang dahilan kung bakit siya napunta sa poder nila.
Hindi na rin niya ginustong alamin pa kung sino ba talaga ang mga tunay na nagluwal sa kaniya. Lumaki siyang masiyahin, mabait, at responsableng tinedyer.
Ngunit minsan, may mga bagay talagang bigla na lamang dumarating kahit hindi inaasahan. Mga taong wala naman sa sistema ngunit tila nananadya ang kapalaran.
“Earl, may kailangan kang malaman,” sabi sa kaniya ni Mang Faustino pagkatapos nilang kumain ng hapunan. Tinawag siya ng kaniyang Mamang at Papang sa balkonahe ng kanilang bahay. Kakausapin daw siya.
“Bakit po, Papang?” tanong ni Earl.
“Hindi rin namin inaasahan, anak, na matapos ang 16 na taon, muling makikipag-ugnayan sa akin ang nanay mo, ang tunay mong nanay. Gusto niyang makipagkita sa iyo. Gusto niyang makilala ka,” paliwanag ng kaniyang Mamang na si Aling Jessa.
“Bakit po sa napakahaba ng panahon, gusto niyang makipagkita sa akin? Bakit ngayon lang?” naitanong ni Earl.
“Hindi rin namin alam, anak. Pero bilang mga tumayong mga magulang mo, gusto rin namin syempre na makilala mo ang pinagmulan mo. Para hindi ka na rin magtanong, ang nanay mo ay anak ng dati naming amo. Naging mga tao kasi kami sa bahay nila noon,” saad ni Aling Jessa.
Hindi maipaliwanag ni Earl ang kaniyang nararamdaman. Hindi siya nakatulog ng gabing iyon. Hindi niya alam kung paano pakikibagayan ang kaniyang tunay na ina.
Hanggang sa dumating na nga ang kinabukasan.
Nakatulala lamang si Earl nang makaharap ang tunay na ina. Maganda ito. Magandang-maganda. Maputi, makinis ang balat, blonde ang buhok, at halatang nakaaangat sa buhay. Mukha itong bata kaysa sa aktuwal na edad.
“Ma’am, wala kayong pinagbago…” papuri ni Aling Jessa.
Tipid na ngumiti ang nanay ni Earl na si Patricia.
“Heto na po si Earl, ang anak ninyo…”
Tila naiilang pa si Patricia sa pagyakap sa kaniyang anak. Gumanti naman ng yakap si Earl.
Pero nagtataka siya sa kaniyang sarili, bakit hindi kasing-init ng yakap ng kaniyang Mamang at Papang?
“Isasama ko muna si Earl sa amin, ipapasyal. Ibabalik ko rin naman siya sa inyo,” pagpapaalam ni Patricia.
Pumayag naman ang kaniyang Mamang at Papang.
Sa buong panahong magkasama sila, ramdam nila sa isa’t isa ang malaking ilangan, ang malaking pader na nakapagitan sa kanilang dalawa.
Hanggang sa naglakas-loob na si Earl na tanungin ang kaniyang tunay na ina.
“Bakit po ninyo ako ipinamigay?”
Hindi yata nakapaghanda si Patricia sa diretsahang tanong ng kaniyang anak.
“Unang araw pa lamang nating nagkikita ganyan na ang mga tanong mo sa akin. Hindi mo man lamang ba ako kukumustahin?”
“Bakit po kayo nagbabalik? Kukunin na po ba ninyo ako?”
Hindi nakahuma si Patricia.
“Patawarin mo ako kung naipamigay man kita kina Faustino at Jessa noon. Mahabang kuwento. Basta ang masasabi ko lamang, hindi pa ako handa noon. Hindi pa ako handang maging isang ina, lalo na’t hindi naman nalaman ng lola mo ang pagbubuntis ko. Kaya naman, nakiusap ako sa mag-asawa na alagaan ka muna.”
Hindi kumibo si Earl.
“Kung papayag ka, sana makasama kita habang nandito pa ako sa Pilipinas. Kapag komportable kang sumama sa akin, isasama na kita sa Canada. Nasabi ko na ito sa mag-asawa. Bukas, susunduin kita ulit. Doon ka muna sa bahay tutuloy. I will make it up to you.”
Kitang-kita sa mga mata nina Mang Faustino at Aling Jessa ang pangingilid ng kanilang mga luha. Ngunit ayaw nilang ipahalata sa kaniya.
“Sinabi ko na sa iyo ang mga paboritong pagkain ni Earl, maging ang mga ayaw at gusto niyang ginagawa,” bilin ni Aling Jessa.
Tumango-tango naman si Patricia. Giniya na si Earl pasakay sa kotse saka umalis na. Nakatanaw naman ang mag-asawa.
“Paano kung piliin ni Earl ang Mommy niya na mayaman? Hindi natin kayang ibigay sa kaniya ang mga materyal na bagay na kayang ibigay ng tunay niyang ina. Faustino, mukhang dumating na ang araw ng kinatatakutan natin…” naiiyak na pahayag ni Aling Jessa.
Tinapik-tapik ni Mang Faustino ang likod ng misis.
“Kailangan nating tanggapin ang katotohanan na hindi sa atin si Earl. Na ipinagkatiwala lamang siya sa atin, Jessa. Kung sinuman ang piliin niya, kailangan nating tanggapin. Masakit man…”
Sumandig na lamang si Aling Jessa sa balikat ng mister.
At lumipas ang isang buwan.
Tinanggap na nina Mang Faustino at Aling Jessa na sa pagbabalik ni Patricia sa ibang bansa, isasama na si Earl. Kaya naman inimpake na nila ang mga damit at gamit nito.
Kaya nang umuwi na si Earl sa kanila, laking-gulat niya nang makita ang mga maleta na nakahanda na ang lahat.
“Inihanda na namin ang mga gamit mo Earl para kukunin mo na lang,” sabi ni Aling Jessa.
“Bakit po?” takang tanong ni Earl.
“Nabanggit kasi ng Mommy mo noon na isasama ka na niya sa ibang bansa pagkatapos ng bonding ninyo.”
Napangiti naman si Patricia.
“Babalik na ako sa Canada, pero hindi sasama si Earl. Masakit man sa akin, pero mas pinipili ni Earl na manirahang kasama ninyo,” saad ni Patricia. “Naiintindihan ko naman. Minahal ninyong parang tunay na anak si Earl, at nagpapasalamat ako sa inyong dalawa, Faustino, Jessa, dahil pinalaki ninyo nang maayos ang aking anak. Kampante ako na kahit hindi ko siya kasama, nasa maayos siyang kalagayan.”
Halos maiyak naman sa galak ang mag-asawa.
“Nabuhay si Earl na wala ako, mabubuhay siya na malayo ako. Hindi naman mapuputol ang pagiging mag-ina namin. Isa pa, may internet naman, makukumusta ko siya kahit na anumang oras at kahit nasaan man ako,” dagdag pa ni Patricia.
Lumapit si Earl sa kaniyang ina at niyakap ito.
“Maraming salamat po, Mommy. Mag-iingat po kayo. Mag-chat po kayo kapag nasa Canada na kayo. Mahal po kita at pinapatawad na po kita. Kalimutan na po natin ang nakaraan, ang mahalaga po ay ang kasalukuyan.”
Niyakap ni Patricia ang anak. “Mahal na mahal din kita, anak! Maligaya ako dahil napatawad mo na ako sa nagawa kong kasalanan sa iyo. Kampante ang puso ko na nasa piling ka ng mga tumayong magulang sa iyo. Alam kong hindi ka nila pababayaan.”
At tinanaw na nga nina Mang Faustino, Aling Jessa, at Earl ang kotse ng kaniyang Mommy Patricia na patungo na sa paliparan.
Masayang-masaya ang mag-asawa dahil sa naging desisyon ni Earl, na kanilang anak kahit hindi nila kadugo.

Nagtatatalak ang Babae Dahil Hindi Raw Niya Nagustuhan ang Gupit sa Kaniya ng Hairstylist; Tuluyan Nga Ba Niyang Maipasasara ang Salon na Iyon?
