Nagtatatalak ang Babae Dahil Hindi Raw Niya Nagustuhan ang Gupit sa Kaniya ng Hairstylist; Tuluyan Nga Ba Niyang Maipasasara ang Salon na Iyon?

Kung mahuhusay at mababait na hairstylist din lamang ang pag-uusapan, nangunguna na riyan ang mga staff ni Mama Loi.

Palibhasa, bata pa lamang ay nabantad na si Mama Loi sa tamang paggugupit ng buhok at iba pang hair services dahil ang kaniyang itay ay barbero, at ang kaniyang inay naman ay hairstylist. Doon umano sila nagkakilala sa parlor na pinagsisilbihan nila noon.

At nang siya ay lumaki, pinangarap niyang magkaroon ng sariling salon upang ipagpatuloy ang mga gawain ng kaniyang mga magulang.

Matapos makapagtrabaho sa ibang bansa, nag-ipon, sa kaniyang pagbabalik sa Lupang Sinilangan ay agad na ipinatayo ang negosyo. Magmula noon hanggang ngayon, patok na patok pa rin ito.

Sadyang malambot din ang puso ni Mama Loi sa mga nangangailangan. Kaya naman mahal na mahal siya ng mga staff niya. Madali siyang malapitan. Nakaka-bale kaagad sila.

Pero kung ano ang ikinapalad niya sa pera o sa mga mababait na tao sa kaniyang paligid, hindi yata umaayon sa palad niya ang mga lalaking magmamahal sa kaniya nang wagas at tapat.

“Ganyan talaga ang mga beking gaya ko. Hayaan n’yo na. Masaya naman akez kahit walang love life. Hindi ko kailangan ng jowa, lalaki lang ‘yan,” laging litanya ni Mama Loi kapag may nagtatanong sa kaniya kung kailan siya magkaka-boylet.

Minsan ay may dumating na isang babaeng kustomer na sa hitsura pa lamang ay mukhang sosyalin na, bagama’t sa unang tingin pa lamang, alam na kaagad ni Mama Loi na ‘trying hard’ ito at hindi likas na mayaman. Laki sa hirap na nagkapera. O kaya naman ay laki sa hirap na umaastang mayaman at sosyal.

Advertisement

Agad naman itong inestima ng isa sa mga mahuhusay niyang hairstylist na si ‘Makopa’. Makopa ang tawag sa kaniya dahil namumula ang mga pisngi at noo nito dahil sa palagiang paggamit ng matapang na astringent, para kuminis ang balat.

Gayunman, isa si Makopa sa mga pinakamahuhusay na staff ni Mama Loi.

Sa simula ay payapa naman ang lahat. Ginupitan na ni Makopa ang bagong dating na kustomer. Nang matapos ito, doon na nagsimula ang paggawa nito ng eksena.

“Ano ba ‘yan! Anong ginawa mo sa buhok ko? Kay pangit-pangit!” bulyaw nito kay Makopa.

Napatingin ang lahat sa kanilang dalawa. Lalong namula ang mukha ni Makopa sa pagkapahiya, subalit pinili nitong magpakahinahon. Laging ipinapaalala sa kanila ni Mama Loi ang pahayag na ‘The customers are always right’ pero kung nasa tamang lugar at sitwasyon.

“M-Ma’am, maayos naman po ah. Ang ganda-ganda nga po eh…”

“Hindi! Ang pangit-pangit ng gupit mo sa akin! Para kang hindi propesyunal na hairstylist. Sabagay, propesyunal ka nga ba eh mukhang pipitsugin ka lang naman!”

Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi na mapapalampas ito ni Mama Loi. Kailangan niyang protektahan ang kaniyang tao, lalo’t nakikita naman niyang wala itong ginawang mali. Kung siya ang tatanungin, maayos, malinis, at bagay naman sa kustomer ang bago nitong gupit. Bumata pa nga itong tingnan.

Advertisement

“Excuse me po, Ma’am, mawalang-galang na po. Ano pong problema?” mahinahong tanong ni Mama Loi. “Ako ho si Loi, ang may-ari ng salon na ito.”

“Mabuti naman at nandito ka! Tingnan mo ang gupit sa akin ng tao mo, kay pangit-pangit! Hindi ko gusto! Sinira niya ang hitsura kong maganda!”

Umakyat ang dugo sa ulo ni Mama Loi subalit nagtimpi pa rin siya.

“Ma’am, alam n’yo po, isa sa mga mahuhusay kong hairstylist dito ang gumupit sa inyo. Kung ako po ang tatanungin ninyo, bilang boss niya at nag-aral ng hairstyling sa ibang bansa, masasabi ko po na wala namang mali sa ginawa niya sa inyo. Kung ako po ang gumupit sa buhok ninyo, ganyan ding estilo ang gagawin ko,” paliwanag ni Mama Loi.

“Ah ganoon? Wala akong pakialam kahit saang lupalop ka pa nag-aral. Kung ganyan ang sinasabi mo, wala nga talagang kuwenta ang tao mo na iyan dahil ikaw ang nagturo! Hindi ako masaya sa gupit ko, at kaysa naman sa magkademandahan pa tayo, hindi ko na lang babayaran ito.”

“Demanda? Anong kaso ang isasampa ninyo sa amin?” sarkastikong tanong ni Mama Loi.

“Ah… basta! Puwede ko kayong ireklamo sa barangay! Na hindi maayos at maganda ang serbisyo ninyo rito… na huwag kayong bigyan ng business permit. Gusto mo ba ‘yan ha? Nagsisisi ako ngayon kung bakit sa chipanggang salon mo ako nagpunta!”

Sasagot pa sana si Mama Loi subalit may isang babaeng kustomer ang sumansala at sumingit sa kanila.

Advertisement

“Mawalang-galang na, ha? Pero ikaw rin yung babaeng nagreklamo sa salon noong isang buwan, doon sa bayan. Ginagawa niya iyan para makalibre siya at hindi magbayad. Nagkataong naroon din ako. At ngayon, nagkrus ulit ang mga landas natin. Modus niya iyan para makalibre!”

Pahiyang-pahiya naman ang babaeng nagrereklamo sa rebelasyon ng babaeng kustomer na nakakita na sa kaniyang ‘modus’.

“Ma’am, umalis ka na lang rito bago pa kita kalbuhin,” banta ni Mama Loi.

Bubulong-bulong at parang walang nangyaring lumabas ng salon ang malditang babae. Nagkapalakpakan naman ang lahat. Nakahinga nang maluwag si Makopa.

“Naku mader, salamat ha? Manggagantso pala ang babaitang iyon! Dahil diyan, libre na ang gupit mo ngayon, at saka puwede ka pang mamili ng hair services namin, libre na rin!” tuwang-tuwang sabi ni Mama Loi.

Labis naman ang pasasalamat ni Makopa sa kanilang boss.

“Mama Loi, salamat po, the best ka talaga!” naiiyak na pasasalamat ni Makopa.

“Wala iyan, Makopa. Huwag mo siyang intindihin. Magaling ka, magaling kayong lahat,” saad ni Mama Loi sa kaniyang mga staff. “Tatandaan ninyo mga beks, kapag nasa katwiran, ipaglaban ninyo!”

Advertisement

At nagkapalakpakan ulit ang mga staff at maging mga kustomer ni Mama Loi na nakasaksi sa lahat ng mga pangyayari.

Simula noon ay lalo pang dumagsa ang mga kustomer na nagpapagupit at nagpapagawa ng iba pang hair services sa kanilang salon.