Inday TrendingInday Trending
Batugan, Lasenggero, at Mayabang ang Mister ng Ginang; Kung Maibabalik Lamang ang Kabataan Niya ay ‘Di Ito ang Lalaking Pakakasalan Niya; Darating Pa Kaya ang Araw na Magbabago Ito?

Batugan, Lasenggero, at Mayabang ang Mister ng Ginang; Kung Maibabalik Lamang ang Kabataan Niya ay ‘Di Ito ang Lalaking Pakakasalan Niya; Darating Pa Kaya ang Araw na Magbabago Ito?

Piyesta sa San Martin. Umaga pa lamang ay may nag-iinuman na sa harap ng plasa, sa maliit na tindahang madalas tambayan ng mister ni Aling Lucy na si Mang Kosme. At ngayong umaga, naroon na naman si Mang Kosme, umiinom ng kaniyang bitamina, ayaw-paawat. Napabuntung-hininga na lamang si Aling Lucy.

Naiisip ni Aling Lucy na kung maibabalik lamang niya ang kaniyang kabataan, hindi siya magpapahulog sa taglay na ‘hitsura’ ng mister at sa mabubulaklak nitong mga salita. Palibhasa ay probinsyana siya, madali siyang nabola ng isang gaya ni Mang Kosme na matinik sa babae. Huli na bago niya napagtantong nagkamali siya. Lima na ang mga anak nila.

Batugan, lasenggero, at mayabang. Iyan ang tatlong katangiang kinabubuwisitan ni Aling Lucy sa kaniyang napangasawa. Tunay nga na malalaman mo lamang ang tunay na kulay ng isang tao kapag nakasama mo na siya sa iisang bubong.

Hindi naibigay ng mister ang mga bituin sa langit sa kaniya. Ipinalasap sa kaniya. Minsan, napagbubuhatan siya nito ng kamay, nasasapok siya sa mukha, kaya mga talang maiitim ang natatamo niya. Hindi na nga siya nagagandahan sa sarili, nadagdagan pa ng mga pasa sa mukha. Nalosyang na siya nang tuluyan sa kunsumisyon sa mister.

“’Nay, ang Tatay, naglalasing na naman,” nababahalang sabi sa kaniya ng bunsong anak. Kabado na naman sila dahil nagwawala si Mang Kosme kapag nalalasing. Naghahanap ng gulo. Kapag walang mapagbuntunan, siya ang ginagawang punching bag.

“Hayaan mo siya, anak. Huwag mo na siyang intindihin,” pakalma ni Aling Lucy sa kaniyang anak, kahit na siya mismo ay kinakabahan na sa mga eksenang posibleng maganap maya-maya, kapag nakauwi na ito sa kanila.

Kung maaga pa lamang ay umiinom na ito, tiyak na pagdating sa hapon o gabi ay langong-lango na ito.

Hindi iniinda ni Aling Lucy ang kaniyang sarili. Ang mas kinatatakot niya ay ang mga anak. Ang trauma at matinding takot na nararamdaman nila sa ama.

Habang nakikipag-inuman ang asawa ay tinatanaw ito ni Aling Lucy. Gabi na subalit tila walang balak ang mister na umuwi. Ang lakas-lakas ng boses, kung ano-ano na naman ang niyayabang kahit hindi naman totoo. Bilib din siya sa tatag ng sikmura at lapay ng asawa dahil kahit magdamagan yata ay hindi ito mapapatumba ng alak.

Minsan, naiisip ni Aling Lucy na sana ay mabutas na lamang ang sikmura, lapay, o bato nito para matigil na sa kaiinom. O sa mas magandang tunog, para mawala na sa kanilang buhay, tutal naman ay wala itong silbi. Siya rin naman ang naghahanapbuhay sa kanila bilang labandera, na humihina na nga rin dahil uso na ang pagkakaroon ng laundry shops.

Sa muli niyang pagsulyap sa direksyon ng inuman, nakita niyang nakikipagbiruan ito kay Rey, isa sa mga madalas nitong kainuman. Tinawag pa ng mister ang nagtitinda ng chicharon at balut. Bumili ng limang piraso. Naawa siya sa mga anak nila na ni singkong duling ay hindi mabigyan nito kapag humihingi ng pera.

Nakita ni Aling Lucy na binasag ng mister ang isang balut sa ulo ni Rey. Pagkatapos ay napasulyap si Mang Kosme sa direksyong kinatatayuan ng asawa. Ngumiti ito sa kaniya-ngiti noong nanliligaw pa lamang sa kaniya. Umirap si Aling Lucy. Siguro’y nais nitong ipakita na siga pa rin siya hanggang ngayon.

Nakalingat lamang sandali si Aling Lucy nang makarinig siya ng hiyawan.

Nakita niyang lumapit si Rey sa kaniyang mister. Parang kinanti lamang ni Rey si Mang Kosme sa bandang puso. Pagkatapos ay tumakbo na si Rey. Kitang-kita ni Aling Lucy na duguan na ang katawan ng asawa. Napatakbo siya rito.

“S-Si Rey… s-si Rey… grinipuhan ako…” hirap na hirap na sabi ng asawa. Nagsisisigaw si Aling Lucy. Gimbal siya sa kaniyang nasaksihan. Humingi siya ng tulong. Agad na lumapit ang isang kapitbahay na may dyip. Isinakay sa dyip si Mang Kosme at itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.

Ngunit hindi na umabot nang buhay si Mang Kosme. Sa may bandang puso ito napuruhan.

Kay bilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap, ang isang sigang kagaya ni Mang Kosme ay tumiklop.

Nagtago na si Rey pati na ang pamilya nito, at walang makaalam kung saan nagpunta. Matagal na palang may lihim na galit si Rey sa kaniyang mister, at naputol na umano ang pisi nito sa ginawang pagbasag ng balut sa ulo nito.

Makalipas ang tatlong araw at tatlong gabing burol, inihatid na rin sa huling hantungan si Mang Kosme.

Hindi maintindihan ni Aling Lucy ang kaniyang mararamdaman.

Oo, naawa siya sa nangyari kay Mang Kosme, bilang tao.

Ngunit bilang asawa?

Simula nang gabing iyon ay mas mahimbing ang kaniyang tulog, at paggising sa umaga, punumpuno siya ng pag-asa. Punumpuno ang kaniyang puso ng kapayapaan…

Advertisement