
May Bagong Motorsiklo ang Mister ng Misis na Ito; Bakit Kaya Natupok Ito ng Apoy?
Gulat na gulat si Aling Loida nang makitang may pumaradang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay, at ang sakay nito ay ang mister na si Mang Rody.
“Hello, Mahal! Nagulat ka ba? Ang pogi ko ba habang sakay ng aking bagong motorsiklo?” pupungay-pungay pa ang mga mata ni Mang Rody sa misis.
“Tse! Pogi ka diyan. At talagang nagdagdag ka pa ng batong ipupukpok mo sa ulo mo? Ni hindi na nga tayo magkandaugaga sa pagba-budget ng pera sa mga panggastos pa lang natin sa isang buwan, kumuha ka na naman ng bayarin?” nanggagalaiting sumbat ni Aling Loida sa mister.
“Hindi ba’t napag-usapan na natin ito? Magbibitiw na ako sa trabaho ko at magde-delivery rider na lamang ako. Paano ko naman magagawa iyon kung wala akong sasakyan?”
“Bakit kasi kailangan mong magbitiw sa trabaho eh ang tagal-tagal mo na roon, at malaki pa ang suweldo?” muling tanong ni Aling Loida.
“Nasabi ko na, ‘di ba? Ayoko nang makisama sa boss ko. Masyado nang toxic doon, kaya hayaan mo na ako, Mahal. Mas mabilis na kitaan naman ito ng pera. Isa pa, hawak ko ang oras ko, kaya mas marami tayong oras tuwing gabi,” at kinindatan siya ni Mang Rody.
“Tumigil ka nga riyan Rody at lima na ang anak natin. Tingnan mo nga ako at losyang na, mukha na raw akong laspag na laspag. Dahil sa kunsumisyon sa iyo! Ngayong may motor ka na, tiyak na mas mabilis ka nang makakapunta sa bahay ng mga kaibigan mo kapag may nag-aya ng inuman! Tiyak iyan!” pahayag ni Aling Loida.
“Puro ka na lang negatibo! Tigilan mo nga iyan. Lagi kang ganyan. Saka maganda ka naman Mahal, mag-ayos-ayos ka naman. Hindi porke’t lima na ang mga chikiting natin eh pababayaan mo na ang sarili mo. Taba-taba mo, paano kita i-aangkas sa bago kong motor?” pabirong banat ng mister.
Inihagis ni Aling Loida ang hawak na sandok sa mukha ng mister. Mabuti na lamang at nakailag ito, kundi ay sapul na sapul ang mukha nito.
“Walang hiya ka talaga!” inis na inis na sabi ni Aling Loida.
Masama bang kumain kapag pagod na pagod sa mga gawaing-bahay?
Aminado naman siyang hindi na nga niya maasikaso ang sarili niya. Hindi madali ang maging housewife lalo na’t may limang anak at may isang asawang parang tumatanda na paurong.
Makalipas ang dalawang linggo, lumapit kay Aling Loida ang chismosang kapitbahay na si Aling Maritess.
“Loida, Loida… kailangang malaman mo ito. Alam mo na ba…”
“Hay naku Maring, wala akong oras sa chismis ngayon. Pero ano ba kasi ‘yan?”
“Naku, kailangan mong malaman ito dahil ikaw ang sangkot dito,” ani Aling Maritess.
Gulat ang reaksyon ni Aling Loida.
“Ha? Ako? Paanong ako? Bakit ako?”
“Naku Loida… bantayan mo ‘yang asawa mo! May mga nakakakita sa kaniya, may angkas na seksing babae sa bayan!”
“Sigurado ka bang si Rody iyan?” tanong ni Aling Loida.
“Oo, marami na ang nakakakita sa kaniya. Alam mo naman sa lugar natin, palibhasa ay maliit lamang, halos lahat ng kibot natin ay nalalaman ng mga tao,” saad pa ni Aling Maritess.
“Tama ka naman, lalo na sa mga gaya mong chismosa! Pero teka, sino naman ang nakapagsabi sa iyo? Baka naman nakiangkas lang sa kaniya?”
“Nakiangkas tapos nakayakap sa beywang ng asawa mo? Halika’t sasamahan kita sa mga nakapagkuwento sa akin. May resibo sila.”
“Resibo?”
“Ebidensya. May mga kuha silang litrato sa mga cellphone nila.”
At batay sa pagtatanong-tanong ni Aling Loida ay marami nga ang nagkukumpirmang may ibang babaeng kaangkas ang kaniyang mister sa bagong kuhang motorsiklo nito, na hindi pa tapos hulugan.
Nanggalaiti si Aling Loida lalo na nang maalala niyang pinapaabonohan sa kaniya ng mister ang hulog sa buwang iyon. Wala raw itong pera.
Hindi lamang iyon ang chikang nakarating kay Aling Loida. Nalaman niya mula sa kasamahan ni Mang Rody sa inalisan nitong trabaho, na ang babaeng kasa-kasama at inaangkas nito, ay karelasyon pala ng kaniyang boss.
Napagtagni-tagni ni Aling Loida ang dahilan kung bakit bigla-bigla ay nagbitiw sa kaniyang trabaho ang mister. Nagbitiw nga ba o tinanggal?
Tumahimik muna si Aling Loida. Hindi muna niya kokomprontahin ang mister. Natitiyak niyang hindi ito aamin sa kaniya. Sino ba namang lalaki ang aamin sa kaniyang misis na may iba siyang pinagkakaabalahang babae?
Ang gusto niya ay siya mismo ang makakita rito. Sa mga mismong mata niya.
At sa ilang araw na pagmamanman sa asawa, siya na nga mismo ang nakasaksi sa pag-angkas ng babae sa kaniyang mister.
Hindi na nakapalag ang babae nang sabunutan niya ito at kaladkarin sa kalye. Wala siyang pakialam sa eskandalo.
“Ikaw na haliparot na babae ka, ako lang ang puwedeng umangkas sa motorsiklo ng asawa ko! Ako lang ang puwedeng umangkas sa kaniya! Huwag kang makikambyo, naiintidihan mo? Kung hindi, manghihiram ka ng mukha sa aso!”
Nagtatakbo ang babae palayo sa labis na kahihiyan.
Binalingan ni Aling Loida ang mister.
“Ikaw… umuwi na tayo. Isakay mo ako sa motorsiklo. Dalian mo!”
At tarantang sumakay na nga si Mang Rody sa motorsiklo at pinasibad na ito pauwi sa kanila.
Pagdating sa bahay, labis ang pagmamakaawa at paghingi ng paumanhin ni Mang Rody.
“Patawarin mo na ako Mahal, natukso lang talaga ako… eh hindi naman kita mai-angkas dito sa motorsiklo kasi ang bigat-bigat mo…”
Nanlaki ang mga mata ni Mang Rody nang sa paglabas ni Aling Loida ay binuhusan nito nang masangsang na likido ang motorsiklo.
Gasolina!
“M-Mahal, anong gagawin mo… mahal…”
At inilabas ni Aling Loida ang posporo. Nagkiskis ng isang palito. Nang magsindi, inihagis sa motorsiklo na basang-basa ng gasolina. Mabilis na nagliyab ang apoy at tinupok ang bagong sasakyang hindi pa lubusang nababayaran, at naging ‘piping saksi’ sa mga kalokohan ni Mang Rody.
Napaupo na lamang si Mang Rody sa labis na panlulumo habang tinititigan ang naaabong motorsiklo.
“Ulitin mo pa iyang pambababae mo, at kapag hindi ka nagtino, iyang kaligayahan mo na ang sisilaban ko!” banta ni Aling Loida habang nakatingin sa pagitan ng mga hita ni Mang Rody.
Simula noon ay inihinto na ni Mang Rody ang pambababae at minahal nang lubusan ang kaniyang misis.

Pinalayas ng Anak ang Kaniyang Matandang Ina sa Sarili Nitong Pamamahay; Ano Nga Kaya ang Dahilan?
