Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng Anak ang Kaniyang Matandang Ina sa Sarili Nitong Pamamahay; Ano Nga Kaya ang Dahilan?

Pinalayas ng Anak ang Kaniyang Matandang Ina sa Sarili Nitong Pamamahay; Ano Nga Kaya ang Dahilan?

Pupungas-pungas na nagising si Melba mula sa kaniyang pagkakahimbing sa pagtulog. Tumingin siya sa orasang nakasabit sa dingding, 2:00 ng madaling araw. Sino kaya ang kumakatok sa kanilang pinto ng ganitong oras?

Isinuot ni Melba ang kaniyang tsinelas at nagtungo sa pinto upang pagbuksan kung sinuman ang kumakatok.

“Sandali…”

Nawala ang kaniyang antok nang makita ang kaniyang 70 taong gulang na ina. Si Aling Paz. Mas nagulat siya nang makita ang bitbit nitong tampipi—ang makalumang maleta na lalagyanan ng mga damit at gamit. Gawa ito sa hinabing balat ng bumbong.

“Inay? Anong ginagawa ninyo rito? Bakit kayo nagsadya rito ng ganitong oras? Pasok ho kayo, pasok kayo…”

Nagising na rin ang kaniyang mister na si Gido habang ang dalawang anak naman nila ay nagising din, ngunit pinabalik nila sa kuwarto.

Naupo ang kaawa-awang matanda sa kanilang sofa, hilam ang mga mata.

“Gido, ikuha mo nga muna ng maiinom ang Inay. Salamat,” pakisuyo niya sa asawa. Tumalima naman ito at nagtungo sa kusina.

“Anak, ang kapatid mo, pinalayas ako sa bahay,” sumisigok-sigok na kuwento ng kaniyang inay.

“Ha? Ang ate? Bakit naman kayo palalayasin ni Ate? Napakawalang hiya talaga, hindi na nagbago!”

“Eh kasi dumating na ang kaniyang kinakasama mula sa ibang bansa. Doon daw muna sila tutuloy sa lumang bahay kung saan ako nakatira. Eh iba ang ugali ng kinakasama niya, lagi kaming nagtatalo. Kanina, lasing na lasing na umuwi. Napagsabihan ko. Pinagsabihan ako ng kapatid mo na huwag raw akong makialam sa away-mag-asawa nila. Lumayas na lang daw ako,” umiiyak na kuwento ni Aling Paz.

“Diyos ko naman, natiis ni Ate na hayaan kayong umalis sa dis-oras ng gabi? At kinampihan pa niya ang kinakasama niya? Hayaan mo Inay at bukas na bukas din, kakausapin ko ‘yang si Ate. Hindi po kayo ang dapat na umalis doon kundi siya,” nanggagalaiting pahayag ni Melba.

“Hayaan mo na ang ate mo, anak. Simula pa lamang ay ganoon na siya sa akin. Kahit yata kailan ay hindi na niya ako mapapatawad sa ginawa ko noong pag-iwan sa inyo…”

“Inay, kahit na nakagawa kayo ng pagkakamali noon sa amin nina Itay, hindi sapat na dahilan iyon para palayasin niya kayo. Hindi man lamang ba naisip ni Ate na matanda na kayo at baka mapaano kayo sa daan? Hindi ko palalagpasin ito,” gigil na gigil na sabi ni Melba.

Kaya kinabukasan din, maagang-maaga pa lamang ay sumugod na si Melba sa kanilang lumang bahay kung saan naroon ang kaniyang Ate Ditas.

“Ate, ano bang pumasok sa kukote mo at pinalayas mo ang Inay? Saksakan naman ng itim ang budhi mo!” galit na galit na kompronta ni Melba sa kaniyang ate.

“Hindi ko siya pinalayas! Siya ang kusang umalis. Alam mo naman ‘yang si Inay, masyadong madrama at pinapalaki lamang ang sitwasyon!” katwiran ng kaniyang ate.

“Kahit na! Eh ‘di sana pinigilan mo! Hindi ka na naawa sa matanda, 70 taong gulang pinayagan mong umalis sa kalaliman ng gabi? Nasaan ang konsensya mo, Ate? Mas pinili mo pa ‘yang kinakasama mo kaysa sa magulang natin!”

“Kaya na ni Inay ang sarili niya, malaki na siya, matanda na nga, ‘di ba? Hindi ba’t noong maliliit pa tayo ay nilayasan na niya tayo at sumama sa iba? Kaya sanay na talaga siyang lumalayas. Hayaan mo siya. Kung gusto mo, doon na siya sa iyo, hindi ko siya kailangan dito sa bahay,” tungayaw sa kaniya ng ate niya.

“Kahit na gaano kalaki ang pagkakamali ni Inay noon, hindi ‘yan sapat na dahilan para bastusin at tratuhin mo siyang parang basahan o basura! Ate, utang na loob pa rin natin kay Inay ang buhay natin…”

“Oo, at kay Itay, pero anong ginawa niya noon? Dahil sa kagagahan niya, hayan, maagang nawala sa atin si Itay dahil sa sama ng loob! Wala na akong amor sa kaniya Melba, kaya puwede ba, kung ganito rin lamang na lulusubin mo ako rito, lumayas ka na lang! Magsama kayo ng ina mo!” at pinagtabuyan na nga siya ng kaniyang ate.

Hindi siya makapaniwala sa mga salitang binitiwan ng kaniyang ate. Nakita niyang may kakaiba sa ikinikilos nito. Mapula ang mga mata.

“Anak, iligtas mo ang ate mo mula sa kinakasama niya. Alam kong gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot, kaya ganoon na lamang ang galit niya sa akin nang minsang sitahin ko sila. Ang totoo niyan, kusa na rin akong lumayas doon dahil sa takot na baka kung ano ang gawin sa akin ng kinakasama niya,” pag-amin ni Aling Paz.

Kaya naman hindi nag-atubili si Melba na mailigtas ang kaniyang ate, sa paraang alam niya. Isinuplong niya ang mga ito sa pulis.

Sa sorpresang pagbisita rito ay naabutan nga ang kaniyang ate at ang kinakasama nito na nagsasagawa ng ‘pot session’.

Agad na napiit ang kaniyang ate at ang kinakasama nito.

“Ate, kailangan mong ayusin ang buhay mo. Mahal kita at mahal ka namin, ngunit kailangan mong pagdaanan ang bagay na ito upang bumalik ka sa dati…” lumuluhang turan ni Melba.

At patong-patong na kaso pa ang dumagdag dahil bukod sa paggamit ay nagbebenta rin pala sila ng ipinagbabawal na gamot.

Tuluyang nakulong si Ditas at pinagsisihan ang kaniyang mga ginawa. Ang matiyagang bisita niya sa kulungan, walang iba kundi ang kanilang inay na si Aling Paz.

“Anak, kung kailan nagkalayo na tayo, saka pa tayo pinagbibigkis ngayon,” lumuluhang sabi ni Aling paz kay Ditas. “Ilalaan ko ang nalalabing oras ng buhay ko upang maalagaan ka, anak ko. Hindi ka namin pababayaan.”

At tuluyan na ngang nagkapatawaran ang mag-ina bago tuluyang bawian ng buhay si Aling Paz dulot ng katandaan.

Isang ironya ng buhay: kung kailan sila nagkalayo, saka sila nagkalapit.

Sising-sisi naman si Ditas na sinira niya ang buhay niya dahil sa kinakasama, at nasayang ang panahong malaya pa siya at kasama pa ang kaniyang pamilya, partikular ang kaniyang ina. Hindi man lamang niya madalaw ang inay sa huling pagsilip at pagbibigay-pugay rito, at paghahatid sa huling hantungan nito. Narito siya’t walang magawa kundi himasin ang mga rehas na bakal ng bilangguan.

Talagang ang pagsisisi ay laging nasa huli.

Advertisement